BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present

 
 

Home

About the INPS

Focus on JMS

Important Announcements

Activities & Photos, 2001 - Present

Archival Photos

Press Statements & Interviews, 2001 - Present

Brief Messages & Letters, 2001 - Present

Articles & Speeches, 2001 - Present

Articles & Speeches, 1991 - 2000

Poetry

Display of Books

Bibliography 1991 - 2000

Bibliography 1961 - 1990

Documents of Legal Cases

Defend Sison Campaign

Letters to Jose Maria Sison

Feedbacks

Links

 

Mensahe ng Pakikiisa
sa Bayan-Timog Katagalugan


Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples' Struggle
24 Nobyembre 2007

Taos-puso akong nagpapaabot ng pagbati at pakikiisa sa pamunuan at kasapian ng Bayan-Timog Katagalugan sa kanilang pagtitipon.

Natutuwa ako na may kalahok na mga beteranong aktibista ng Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 sa inyong pagtitipon. Mahalagang mapagsanib ang kanilang karanasan at kaalaman sa kasalukuyang daloy ng mga bago o batang aktibista.

Napapanahon at makabuluhan ang tema ng inyong pagtitipon: "Gawing aral ang nakaraan. Harapin ang kasalukuyan. Ipaglaban ang pambansang kalayaan at demokrasya."

Habang nananatili ang malakonyal at malapyudal na naghaharing sistema, magpapatuloy ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismong Amerikano, piyudalismo at burukrata kapitalismo.

Habang lumulubha ang pagsasamatala at pang-aapi, dapat paigtingin ang lahat ng anyo ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa kanilang pambansa at panlipunang pagpapalaya. Lalong tumindi ang paghihirap ng masang Pilipino sa ilalim ng patakarang tinaguriang neoliberal na globalisasyon at ng pandaigdigang terorismo ng Estados Unidos at mga kasabwat nito.

Sukdulan ang kaimbihan ng rehimeng Arroyo dahil sa kanyang pagkapusakal na papet sa mga imperyalista, garapal na korupsyon, pandaraya at laganap na paglabag sa mga karapatang-tao.. Kailangang pag-ibayuhin ang lahat ng pagsisikap para patalsikin ang rehimeng Arroyo, parusahan ang mga salarin at pangibabawin at isulong ang mga karapatan at interes ng sambayanang Pilipino.

Umabot sa akin na tatalakayin ninyo ang aking kalagayan, laluna ang pang-aapi sa akin na umabot sa aking pagkakabartolina dahil sa walang katotohanang paratang na personal kong iniutos ang pagparusa sa dalawang ahente ng militar. Dalawang husgado na ang nagpasyang walang ebidensiya laban sa akin,

Maraming salamat sa inyong pagmamalasakit at pagsuporta sa akin. Ang pang-aapi sa akin sampu nang pagsalakay ng mga pulis ng Olanda sa opisina ng NDFP at sa mga tahanan ng mga kagawad, konsultant at kawani ng NDFP Negotiating Panel ay bahagi ng pang-aapi ng mga imperyalista at rehimeng Arroyo sa sambayanang Pilipino.

Sa tulong ng mga imperyalista, umabot sa amin ang malupit na kamay ng rehimeng Arroyo. Subalit kami ay ibayong naninindigan at lumalaban para sa mga pambansa at demokratikong karapatan at interes ng sambayanang Pilipino. Matibay ang aming loob at nananatili kaming mapanlaban dahil sa pagtangkilik ng sambayanang Pilipino at mga mamamayan ng daigdig.

Umaasa kami na magiging matagumpay ang inyong pagtitipon. Mahalagang paraan ito para liwanagin ang kalagayan at mga isyu sa ating bayan at sa partikular na rehiyon ninyo, alamin ang mga kalakasan at kahinaan natin, itakda ang ating mga tungkulin para patingkarin ang ating mga kalakasan at pangibabawan ang mga kahinaan at kamalian at isulong ang kilusan ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Pag-ibayuhin natin ang lahat ng pagsisikap para mapukaw, maorganisa at mapakilos ang malawak na masa ng ating mga kababayan. ###

return to top

back



what's new