BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Talumpating Pambungad sa Kapihan Kasama ang mga Aktibista ng FQS Ni Prop. Jose Maria SisonTagapangulong Tagapagtatag, Kabataang Makabayan Tagapangulo, International League of Peoples' Struggle Setyembre 22, 2005 Mga mahal na kapwa aktibista, Magandang araw! Maraming salamat sa inyong paanyaya na magbigay ng talumpating pambungad sa inyong kapihan kasama ang mga aktibista ng First Quarter Storm ng 1970. Isang karangalan ang gumanap ng ganitong tungkulin. Muling kinakaharap ang mga mag-aaral at ibang kabataan ng isang pambihirang tindi sa krisis ng naghaharing sistemang malakonyal at malapiyudal. Muling naririyan ang hamon sa inyo na kumilos para pangibabawan ang matinding pagsasamantala at pang-aapi at isulong ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismo, piyudalismo at burukrata kapitalismo na ngayo'y kinakatawan ng rehimeng Arroyo. May pagkakahawig ang kalagayan ngayon at noong bisperas ng pagsambulat ng First Quarter Storm na sinundan ng pagpataw ng martial law sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng pandaraya at pagwaldas sa pondo ng bayan, kapapanalo ni Marcos sa presidential election ng 1969. Umigpaw ang galit ng taumbayan sa mabilis na implasyon na ibinunga ng gastos sa halalan gayundin sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis na dumagdag sa malubha nang krisis sa kabuhayan. Sa ilalim ng bagong muling tatag na Communist Party of the Philippines, matatag at masiglang sumulong ang kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan. Naging tampok na kilos protesta ang First Quarter Storm laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na kinakatawan noon ng rehimeng Marcos. Ipinamalas ng mga mag-aaral at iba pang kabataan sa ilalim ng pulang bandila ng Kabataang Makabayan at sa hanay ng Movement for a Democratic Philippines ang kanilang militanteng pagmamahal sa bayan at ang kanilang kagitingan sa pakikibaka laban sa mga marahas na pwersa ng reaksyonaryong estado. Sabi ni Marcos mismo na malapit nang sumabog ang bulkang sosyal sa Pilipinas. Pero sa kanyang reaksyonaryong pagbabalak, hindi hamon ito para lutasin ang mga problema ng bayan kundi pagkakataon niya ito para ipataw ang pasistang diktadura sa bayan at magkamal ng personal na kayamanan na lalo pang magdudulot ng hirap sa sambayanang Pilipino, laluna sa masang anakpawis. Inakala ni Marcos na sa pagiging papet ng Estado Unidos, paggamit ng dahas at pangungutang mula sa labas ng bansa makakapaghari siya nang walang katapusan. Subalit sa kalaunan, inabot ang hangganan ng kanyang paghahari dahil sa lalong paglubha ng krisis ng lokal na naghaharing sistema at pandaigdigang sistema ng kapitalismo at dahil sa pagsulong ng malawak na hanay ng mga mamamayanna lumalaban sa pasistang diktadura. Ang mga pinakamatatag na pwersang lumaban sa pasistang rehimen ni Marcos sa simula hanggang katapusan nito ay ang Communist Party of the Philippines, New People's Army, at National Democratic Front, mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan at mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, kabataan, kababaihan, propesyonal, taong simbahan at iba pa. Habang pinasisidhi ng rehimeng Marcos ang pang-aapi at pagsasamantala, ibayong pinupukaw, inoorganisa at minomobilisa ng Communist Party of the Philippines ang masang anakpawis at nasa panggitnang saray ng lipunan. Sa kalaunan, tumindi ang hidwaan sa hanay ng mga reaksiyonaryo sa mga uring mapagsamantala. Lumitaw ang malawak na nagkakaisang hanay para labanan ang pasistang rehimen. Itinakwil si Marcos maging ng mga imperyalistang Amerikano at mga obispo ng simbahang Katoliko. Mapagpasiya sa paglaki at pagsulong ng kilusang rebolusyonaryo ang daloy ng bagong dugo, mga kabataan, sa Partido, sa hukbong bayan, sa mga organisasyong masa at sa mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Maningning at mabunga ang papel na ginampanan ng kabataan sa pakikibaka. Matatalino, magigiting, masigla at madali silang ideploy sa ibat ibang gawain at lugar. Napaparami ang bilang nila at napataas ang kalidad nila sa pakikibaka, sa pamamagitan ng mga legal na kilos protesta gayundin sa pagganap ng mga tungkuling kaugnay ng digmaang bayan. Nang ibagsak ang rehimeng Marcos noong 1986, kabataan ang nakakarami sa mga lansangan ng kalunsuran at sa mga larangang gerilya. Masahol para sa bayan , sa mga rehimeng sumunod sa rehimeng Marcos, lalo pang lumubha ang krisis ng lokal na naghaharing sistema at ng pandaigdigang sisyema ng kapitalismo. Higit kailanman sa nakaraang mahigit na 50 taon, pinakamalubha ang krisis sa ekonomiya, pulitika, militar at kultura ngayon. Napakahirap ang kalagayan ng sambayanang Pilipino kaya dapat lalo pa silang lumaban sa mga mang-aapi at mapagsamantala. Mukhang mabangis ang rehimeng Arroyo pero sa katotohanan bulok at marupok ito sa kaibuturan. Sa ilalim ng neoliberal na globalisasyon, bumilis ang pagsamsam ng mga dayuhang monopolyo, malalaking komprador at asendero sa kayamanan na likha ng mga anakpawis. Bagsak na bagsak ang presyo ng mga hilaw na sangkap at malamanupaktura na iniluluwas ng Pilipinas. Palaki nang palaki ang depisit sa kalakalan, ang utang at pambayad sa interes at bahagi ng utang. Palaki nang palaki ang panloob na pangungutang ng gobyerno at pabigat nang pabigat ang buwis samatalang mataas ang desempleo at mababa ang kita ng mga kumikita pa. Lalong tumitindi ang hidwaan ng mga paksyon ng mga pulitiko ng mga mapagsamantalang uri dahil sa paunti ang mga rekursong maaari nilang pagnakawan. Mas masiba sila sa pag-aagawan ng kurakot at mas madali silang nagkakahalataan at naglalantaran. Maging ang hueteng na dati rating ipinauubayang balato sa mga militar at pulis at lokal na opisyal ay pinasok na ngayon ng presidente at pamilya nito, Maraming opisyal ng military at pulis ang kasangkot sa pagnanakaw ng pondo ng gobyerno at sa pagpapatakbo ng mga kriminal na sindikato. Dahil sa desesperadong kalagayan ng rehimeng Arroyo, inuudyukan ito ng Estados Unidos na magpapasok nang magpapasok ng mga tauhan at kasangkapan ng mga pwersang militar na Amerikano. Nagsasabwatan ang papet at ang amo nitong imperyalista sa tinatawag nilang "war on terror". Pero sa katotohanan, dahilan lamang ito ng Estados Unidos para samsamin ang kayamanan ng Pilipinas at supilin ang mga tumututol sa pangungulimbat. Ang mga nasa kapangyarihan at mga alipuris nila ang nagpapalaganap ng kultura na anti-nasyonal at anti-demokratiko. Ito ay kultura ng pagsamba sa mga imperyalista at pagkukunwaring banal sa relihiyon sa kabila ng katotahanan ng korupsyon. Bunga ng kanilang mga hidwaan, ang mga paksyon ng mga mapang-api ang naglalantaran ng sarili nilang kabulukan. Dahil sa labis na kabulukan ng naghaharing sistema, madaling labanan at ibagsak ang alinmang rehimen. Makakapagpalakas ang kilusang rebolusyonaryo sa pamamagitan ng pagpapabagsak sa sunud-sunod na rehimeng papet. Kung patagalin naman ng Estados Unidos, ng mga Obispo at malalaking negosyante ang rehimeng Arroyo hanggang 2010, lalong lalakas ang kilusang rebolusyonaryo tulad noong sobra nilang patagalin ang paghahari ni Marcos. Dapat maging matatag at militante ang mga kabataan sa pagpukaw, pag-organisa at pagmobillisa sa kapwa nilang kabataan. May ibat ibang bahagi ang kabataan na dapat pakilusin. Kabilang dito ang mga mag-aaral sa hayskul at kolehiyo at mga kabataan sa hanay ng mga maralitang lunsod, manggagawa, magsasaka, mangingisda at mga propesyonal. Dapat ding tulungan sa pagkilos ng mga maunlad na aktibistang kabataan ang masang anakpawis at mga nasa panggitnang saray. Dapat na maliwanag ang pambansa at demokratikong nilalaman ng programa ng ating pagkilos. ng programa sa ating pagkilos. Dapat itaguyod ng sambayanang Pilipino at malawak na hanay ang pamahalaang demokratiko ng bayan na kinabibilangan ng mga kinatawan ng anakpawis, ang tunay na reporma sa lupa at industrialisasyon para sa nagsasariling kaunlaran, ang makabayan, demokratiko at siyentipikong kultura, kahandaan laban sa imperyalistang agresyon at independienteng patakarang panlabas para sa kapayapaan at kaunlaran. Abala tayo ngayon sa kampanya ng pagpapatalsik sa bulok na rehimen ni Arroyo. Magtagumpay man tayo sa ganitong layunin, kaharap pa rin natin ang bulok na naghaharing sistema ng malalaking komprador at asendero na sunud-sunuran sa mga imperialista. Ibig sabihin ay lagi nating gamitin ang ating natipong lakas at ipagpatuloy ang pakikibaka hanggang magapi ang buong malakolonyal at malapiyudal na sistema at matamo natin ang ganap na pambansang kalayaan at demokrasya. Mabuhay kayong lahat! Maraming salamat. Mabuhay kayong lahat! Maraming salamat. ###
|
|