BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present

 
 

Home

About the INPS

Focus on JMS

Important Announcements

Activities & Photos, 2001 - Present

Archival Photos

Press Statements & Interviews, 2001 - Present

Brief Messages & Letters, 2001 - Present

Articles & Speeches, 2001 - Present

Articles & Speeches, 1991 - 2000

Poetry

Display of Books

Bibliography 1991 - 2000

Bibliography 1961 - 1990

Documents of Legal Cases

Defend Sison Campaign

Letters to Jose Maria Sison

Feedbacks

Links

 


Mensahe ng Pakikiisa Sa ika-8 Kongreso ng United Filipinos in Hong Kong

7 Nobyembre 2002

Maalab na pakikiisa ang nais kong ipaabot sa aking mga kababayan sa United Filipinos in Hong Kong sa oksayon ng inyong ika-8 Kongreso.

Una sa lahat, nais kong magbigay-pugay sa kasapian at pamunuan ng UNIFIL sa mahabang panahon ng pag-ani ng tagumpay sa paglaban sa karapatan at kagalingan ng migranteng Pilipino sa Hong Kong at maging sa ibang mga bansa. Ang pagwawagi sa kampanya laban sa wage cut, patuloy na pagkilos upang tuluyang ibasura ang MC 41, pagpapababa ng singilin ng pamahalaan at marami pang iba, ay maniningning na bunga ng pagyakap ng masang migrante sa kawastuhan ng pagsusuri at pagkilos ng UNIFIL sa mga kinakaharap na isyu ng migrante.

Sa lahat ng ito, hindi ninyo kailanman nakalimutan ang pag-uugnay ng mga usaping migrante sa mga isyung pambayan sa Pilipinas hanggang sa pag-ugat sa mga pangunahing problema ng sambayanang Pilipino. Mula sa pagpapabagsak ng diktadurang Marcos hanggang sa mandarambong na Estrada, umalingawngaw ang tinig ng migrante sa Hong Kong sa masigasig na pangunguna ng UNIFIL.

Sa mga pagsisikap at tagumpay na ito, marubdob na pagkilala ang nais kong ipahatid.

Ang aking paghanga sa inyo ay paghanga sa lahat ng mga migrante. Ang pagsasakripisyo ng pangingibang-bayan ay patunay ng di-makasariling pagnananis ng mga migrante na buhayin ang pamilya sa harap ng patuloy na pagdausdos ng kabuhayan sa Pilipinas.

Ang inyong sapilitang pag-alis ay bunga ng isang panlipunang sistema na kumakalinga sa mga dayuhang monopolyo-kapitalista at iilang makapangyarihan. Ang aking pagiging political refugee ay bunga ng aking paninindigan at pagkilos upang mag-ambag sa pagbabago ng ganitong klaseng sistema.

Bilang isa ring migrante, dama ko ang inyong pangungulila sa mga mahal sa buhay na ating naiwan sa ating bansa. Gayundin, bilang isang Pilipino, dama ko rin ang pagnanais ninyo na makabalik sa isang bayan na may kapayapaan, katarungan, kalayaan at demokrasya.

Ito ang pagnananis na nagbibigkis sa inyo ngayon. Ito ang pagnanais na nagpapaliyab ng aking hangarin na patuloy na maglingkod sa sambayanang Pilipino sa harap ng papatinding mga atake at balakid.

Ngunit ang ating hangarin ay patuloy na sinasagkaan ng naghaharing sistema sa ating bansa na siyang itinataguyod sa ngayon ng pamahalaan ni Gloria Macapagal-Arroyo. Ang nabubulok na ekonomiya ng bansa ay patuloy na sinusuhayan ng industriya ng pagluluwas ng lakas-paggawa. Lalo pang pinalalawak at pinatatag ng gobyernong Arroyo ang pangangalakal sa mga Pilipino sa pamamagitan ng puspusang pagbebenta ng migrante sa iba’t ibang mga bansa at pangingikil sa pinaghirapan ng mga OFWs.

Ang pagpapabaya ng pamahalaan sa karapatan at kagalingan ng migranteng Pilipino ay bunga ng pagnanais nitong mapanitiling profitable ang industriya ng pagluluwas ng lakas-paggawa. Para sa gobyerno, ang pagtindig laban sa mga anti-migranteng patakaran ng mga labor-importing na bansa ay kabawasan sa pamilihan ng migrante. Sa kabilang banda naman, ang pagbibigay ng sapat at akmang serbisyo sa migrante ay kabawasan sa kabang-yaman na tinutustusan mismo rin ng mga migrante.

Masahol pa dito, isang lipunang ipinapaubaya sa dayuhan, lipos ng karahasan at paglabag sa karapatang-pantao, at walang katarungan, ang ibinibigay ng gobyerno sa ating pamilya at mga kababayan sa ating bansa.

Ang panawagan ng pagkilos ay lumalakas. Ang pangangailangang makibaka ay umiigting.

Sa diwa ng inyong napapanahong tema na "TIPUNIN ANG MALAPAD NA PAGKAKAISA NG MGA MIGRANTENG PILIPINO SA HONG KONG. IBUHOS ANG LAKAS PARA IPAGLABAN ANG ATING KARAPATAN AT KAGALINGAN, PAMBANSANG SOBERENYA, MAKATARUNGANG KAPAYAPAAN AT DEMOKRASYA", tiyak ko ang matatag na pagharap ng UNIFIL sa panawagan ng kasalukuyang sitwasyon.

Tiwala akong higit pang mga tagumpay ang aanihin ng UNIFIL sa mga isyung pang-migrante at pambansa.

Sa pamamagitan ng UNIFIL at ng mga matatapat at nakikibakang organisasyon sa loob at labas ng Pilipinas, tiyak ang pagdating ng panahon ng ating pagsasama sa isang malaya at demokratikong Pilipas.

Padayon mga kasama!

Mabuhay ang United Filipinos in Hong Kong!

Mabuhay ang migranteng Pilipino!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!






what's new