ARTICLES & SPEECHES, 2001 - Present |
|
Talumpati sa Ikalimang Anibersaryo ng Anakbayan Ni Jose Maria Sison Malugod at maalab na pagbati sa Anakbayan! Malaking kasiyahan sa akin ang makasama kayo sa pagdiriwang ng ikalimang anibersaryo ng Anakbayan, ika-39 anibersaryo ng Kabataang Makabayan at ika-140 kaarawan ni Andres Bonifacio. Makabuluhan ang pagdiriwang sa mga okasyong tulad nito sa pagpapanatili ng maunlad na kaisipan at ibayong pagpapasigla ng paglahok sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismo, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo. Hangad nating: "Ipagdiwang ang limang taong tagumpay ng komprehensibong organisasyon ng kabataan! Pagyamanin ang mga aral at karanasan para sa ibayong pagsusulong ng organisasyon at pakikibaka kasama ang mamamayan!" Mainam na tuwirang pinagsimulan ng Anakbayan ang tradisyon at mga prinsipyo ng Kabataang Makabayan bilang komprehensibong organisasyong masa ng kabataang Pilipino mula sa mga batayang uring manggagawa at magsasaka, komunidad ng maralitang lunsod, paaralan, opisina at iba’t ibang propesyon. Nakapaloob ito sa balangkas ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Natutuwa ako na nagsisilbing mahalagang gabay ninyo ang aking "Mensahe sa Pambansang Kumperensya ng Anakbayan" pagkaraang banggitin ko sa aking talumpati sa Kongreso ng Bagong Alyansang Makabayan noong 1998 ang pangangailangan sa isang komprehensibong organisasyon ng kabataan. Binasa ko nang masinop "Ang Tatlong Taong Paglalagom ng Ating Karanasan" na pinagtibay ng ikalawang pulong ng Pambansang Konseho sa ilalim ng Ikalawang Pambansang Kongreso ng Anakbayan. Batay dito, nasasapul ko ang itinakbo ng inyong organisasyon. Humahanga ako sa mga tagumpay na nakamit ninyo, sa yaman ng inyong karanasan at sa paghango ninyo ng mga aral. Binabati ko kayo sa maagap na paglalagom ng karanasan. Buhay na pag-aaral ito. Tuntungan ito ng nagkakaisang pagbibigay-kaganapan sa mga layunin at tungkulin ng Anakbayan sa pamamagitan ng organisadong pagkilos. Kailangan ang gayong paglalagom para sa patuloy magampanan ng Anakbayan ang mapagpasiyang papel na pasulungin ang kabataang Pilipino bilang isang saligang pwersa ng bagong demokratikong kilusan. Wastong nailagay ninyo ang Anakbayan sa pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong kilusan. Mahusay na nailinaw ninyo na pangunahing tungkulin ninyo na pagkaisahin ang kabataan para lumahok sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka at magsilbing daluyan sa pagpapalaganap ng linya, programa, panawagan, paninindigan at mga pagsusuri ng pambansa-demokratikong kilusan sa sektor ng kabataan at malawak na masa ng sambayanan. Sa gayon, magsisilbi kayo bilang nangungunang organisasyon ng kabataan sa legal na kilusang masa. Sundin ninyo ang pambansa-demokratikong linya sa gawaing ahitasyon, impormasyon at edukasyon. Sa gayon, madali ninyong mahihimok nang maramihan ang kabataan at mapapataas ang makabayan at progresibong kamalayan sa legal na kilusang masa. Iwasan ang pagtukoy sa ideolohiya ng Marxismo bilang rekisito or pamantayan sa pagsapi o pamumuno sa Anakbayan. Laging tandaan na kayo ay pangmasang organisasyon ng kabataan sa pambansa demokratikong linya. Hayaan ang lihim na KM bilang liga ng komunistang kabataan na magpalaganap ng Marxism-Leninismo sa hanay ng kabataan. Napakahusay na natipon ninyo sa umpisa at sa mga sumunod na taon ang lakas ng ilang umiiral na organisasyon ng kabataan, kabilang ang mga organisasyon ng mga mag-aaral at mga kabataang manggagawa, magsasaka, maralitang lungsod, katutubo, propesyonal at iba pa. Kapuri-puri na umabot ang kasapian ninyo sa ilampung libo sa pambansang saklaw. Magaling na sinasaklaw ninyong sabay ang mga kasapian ng dating mga organisasyon at mga bagong balangay na itinatayo ninyo. Mabuti rin na kinukuha ninyo ang kooperasyon ng mga organisasyon na hindi pangkabataan para tulungan kayo sa pagrekluta ng kabataan at pagtatayo ng mga balangay. Kahanga-hanga ang laki, lawak at bersatilidad ng inyong mga aktibidades at kampanya. Tumpak ito dahil iba’t ibang tipo ng kabataan ang sinasaklaw ninyo. Gayunman, kailangang palagiang dalhin ng Anakbayan ang pakikibaka para sa trabaho, lupa, edukasyon, karapatan at serbisyong panlipunan bagamat naging tampok na ang Anakbayan sa mga mobilisasyon na hindi lamang para sa kapakanan ng kabataan kundi para sa buong sambayanang Pilipino. Batay sa inyong paglalagom, pinakamalaking tagumpay ninyo sa mobilisasyon at paggamit ng malawak na nagkakaisang hanay ang pagpapakilos ng 200,000 kabataan sa ilang lungsod para itulak ang pagpapatalsik kay Estrada mula sa kapangyarihan. Pinaalingawngaw ng Anakbayan sa buong bayan ang islogang "Sobra nang pahirap, patalsikin si Erap." Mapagpasiya sa pagpapalayas kay Estrada sa Malakanyang iyong higit na 70,000 kabataan na nagmartsa mula Edsa tungo sa palasyo. Malaki rin ang tulong ng Anakbayan sa matagumpay ng kampanya ng Bayan Muna. Mahalaga ang papel ng Anakbayan sa mga mobilisasyon laban sa mga pangkalahatang patakaran ng rekimeng Macapagal-Arroyo, sa korupsyon, sa pagpapataas ng presyo ng langis at elektrisidad at laban sa terrorismo ng estado at interbensyon militar ng US. Pero napapansin ninyo ang pagbaba ng tantos ng pagrekluta ng kasapi at bilang ng mga sumasama sa mga rali at demonstrasyon magmula nang maibagsak si Estrada. Ito ay nangyayari kahit na lumalala ang krisis ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo at ng nahaharing sistema sa Pilipinas. Kailangang sagpangin ninyo ang paborableng kondisyong bunga ng sumisidhing krisis para palakasin ang Anakbayan. Kapuri-puri ang inyong pagpuna-sa-sarili na hindi ninyo nagawa nang maagap at sapat ang konsolidasyon para pakinabangan ang daluyong ng kilusang masa laban sa rehimeng Estrada. Ang ibig kong sabihin sa konsolidasyon ay edukasyon sa programa at konstitusyon ng Anakbayan, PADEPA at MKLRP, pagbubuo ng mga balangay, pagpapairal ng sistema ng komite at pagbibigay ng tiwala sa mga yunit. Ang ganitong konsolidasyon ang tuntungan ninyo sa higit na pagpapalawak. Habang tumitibay ang Anakbayan, lalaki ang kakayahan nito sa mobilisasyon ng masang kabataan.. Sa kasalukuyan, mahigpit ang pangangailangang higit na magpalawak at magpalakas ang lahat ng pwersa ng pambansa-demokratikong kilusan at magbuo ng malapad na alyansa laban sa imperyalismong US at sa papet na naghaharing pangkating Macapagal-Arroyo. Kailangang tipunin natin ang lahat ng posibleng matitipong pwersa sa pinakamalapad na alyansang maaaring buuin para higit na maihiwalay at mapatalsik ang kasalukuyang rehimen na puspusan ang pagkapapet, kabulukan, kalupitan at kasinungalingan. Mabuti kung maalis sa poder ang naghaharing pangkating Macapagal-Arroyo bago ang reaksyunaryong eleksyon sa Mayo 2004. Kaugnay nito, dapat ipagpatuloy at paigtingin pa ang panawagan at pagkilos para sa pagpapatalsik sa rehimeng Macapagal-Arroyo, kahimat lumiliit ang posibilidad na makapagbuo ng malawak na alyansa para dito bunga ng tendensya ng malaking burgesya na mahatak at malulong sa labanang elektoral. Gayunman, naghahanda na ngayon pa lamang ang mga reaksyunaryong paksyong wala sa poder para sa mas maigting at marahas na labanan pagkatapos ng eleksyon. Tiyak na lalong titindi ang kaguluhang pampulitika at lalong lalapad ang popular na paglaban kung makapagpapanatili sa kapangyarihan si Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng pandaraya sa eleksyon, gaya ng inaasahan ng oposisyon at ng sambayanan sa pangkalahatan. Batid kong sa darating na eleksiyon, lalahok ang partidong Anak ng Bayan. Anuman ang magiging resulta para sa mga kandidato nito, dapat gawing pagkakataon ninyo ang eleksyon para ipalaganap ang pambansa-demokratikong linya sa mga kabataan at sambayanang Pilipino, salungatin ang mga antinasyonal at antidemokratikong patakaran, ibunyag ang limitasyon ng eleksyon ng mga reaksyonaryo, himukin ang mas marami pang kabataan at mamamayan para sa pakikibaka at pakinabangan ang lumalalang kontradiksiyon sa hanay ng mga reaksyonaryo. Terorismo ng estado ang ginagamit ng kasalukuyang rehimen para supilin ang rebolusyonaryong kilusan, samantalang tinatangka nitong ilihis ito sa pamamagitan ng pag-aalok ng huwad na rekonsilyasyon. Sa katunayan, binibigyan nito ng pinakamataas na prayoridad ang paghahabol sa pinakamarumi’t karumaldumal na rekonsilyasyon kina Eduardo Cojuangco, Joseph Estrada at sa pamilyang Marcos, at ang pananatili sa kapangyarihan, mga bagay na higit na nakapipinsala sa sambayanan. Laging magtatangka ang pinakamasahol na seksyon ng mga reaksyunaryo na magsabwatan sila-sila at maaaring makagawa sila ng pansamantala at parsyal na mga kasunduan. Pero patuloy na hindi uubra ang ganoong mutwal na akomodasyon dahil sa matinding pang-uugang bunga ng mabilis na lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalistang at ng lokal na naghaharing sistema ng malalaking komprador at panginoong maylupa. Lalo pang tumitindi at higit pang nagiging marahas ang mga kontradiksyon ng mga ito. Patuloy na namamayagpag ang imperyalismong US sa pamumuno ng berdugong pangkating Bush at nagbabantang maglunsad ng ibayong agresyon at panghihimasok sa mga bayan at rehyong nais nitong higpitan ang kanyang kontrol sa teritoryo at rekurso. Desperado itong gumagamit ng brutal na dahas sa kabila ng malawak na pagkondena ng mamamayan ng buong daigdig upang makonsolida ang hegemonya nito sa daigig at sa tangkang maibsan ang patuloy na tumitinding krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Habang nabibigo ang imperyalismong US na makamit ang layunin sa mga pananalakay, lalo pa nitong nililikha ang mas maraming kaaway at mas malalaking pakikibaka mula sa inaaping mamamayan ng buong daigdig. Ibayong pang-aapi at pagsasamantala ang
ipinapataw sa mga mamamayan kapwa ng pandaigdigan at pambansang
krisis. Nagdudulot ang mga ito ng lalong hindi mabatang
paghihirap sa sambayanan. Pero itinutulak din nito ang mamayan
para maglunsad ng lahat ng porma ng paglaban at nagbubunsod ng
pagnanais na baguhin ang nakaupong gobyerno at ang buong
naghaharing sistema. Maliwanag na paborable ang obhetibong
kondisyon sa pagpapaunlad ng mga suhetibong pwersa ng rebolusyon
tulad ng Anakbayan at lahat ng kabataan sa masiglang pagsusulong
ng pambansa-demokratikong rebolusyon. # |
|