BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Pagbati ng Pakikiisa sa Anakbayan sa Kanyang Ika-7 Anibersaryo Ni Prop. Jose Maria SisonTagapangulong Tagapagtatag, Kabataang Makabayan Tagapangulo, International League of Peoples' Struggle Nobyembre 30, 2005 Marubdob na pagbati sa mga militanteng kasapi ng Anakbayan sa inyong ika-pitong anibersaryo! Nalulugod akong maging bahagi ng pagdiriwang ninyo. Ipagbunyi natin ang mga tagumpay ng Anakbayan na nakalahad sa inyong pahayag. Magpugay tayo sa mga bayaning ibinunga ng inyong pakikibaka at naging martir sa kamay ng kaaway. Mag-alay tayo sa kanila ng pinakamataas na parangal. Kaisa ninyo ako sa mga prinsipyo't patakaran ng inyong organisasyon, at sa tema ng inyong anibersaryo, ang pagpapalakas ng kilusang masa para patalsikin ang rehimeng US-Arroyo at umani ng mga solidong tagumpay sa pagsusulong ng pambansa demokratikong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Ang kasalukuyang sitwasyon at papel ng Anakbayan Suportado ng mga imperyalistang Amerikano at nakararaming mga obispo, heneral ng AFP at PNP at malalaking komprador-asendero ang rehimeng Arroyo. Hindi pa nagagawa ng ibat ibang pwersa na nasa malawak na nagkakaisang hanay ang maksimum na kaya nila para pakilusin ang malaking bilang ng masa na sapat para palibutan ang palasyo ng pekeng presidente at pawalang saysay ang mga gwardiya nito. Lalong naghihigpit si Gloria Macapagal-Arroyo para kumapit sa kapangyarihan. Marami ang kanyang mga maniobra at maruruming pakana para pagtakpan at takasan ang pananagutan sa kanyang mga krimen at pagtataksil sa taumbayan. Timitindi ang paggamit niya ng karahasan laban sa mga mamamayan kapwa sa kalunsuran at sa kanayunan. Sa akalang maaampat ang protesta ng mamamayan, iwinasiwas ni Gloria Macapagal-Arroyo ang "calibrated preemptive response" sa malawak na nagkakaisang hanay na laban sa kanya. Walang habas ang pandarahas ng kanyang mga alipuris na militar at pulis laban sa kanila. Gayunman, kasabay ng ibang pwersa, walang takot na paulit-ulit na hinaharap ng kabataan ang CPR at ipinaggugumiit ang karapatan nilang magpahayag, magtipon at magmartsa patungong Mendiola. Mag-aastang matigas at mabalasik ang rehimeng Arroyo at mga gwardiya nito, habang wala pang sapat na bilang ang masa para punuin ang mga kalsadang patungong Malakanyang. Sa oras na matipon ang ilang daang libong mamamayan sa paligid ng palasyo, kikilos na rin ang mga opisyal at tauhan ng AFP at PNP na anti-Arroyo para ineutralisa ang mga heneral na maka-GMA. Masusi ang papel ng mga organisadong pwersa ng kabataan sa pagtitipon ng malaking bilang ng kabataan, tulad noong 1986 at 2001. Marami ang haiskul at unibersidad sa paligid ng palasyo. Kung mapukaw at mapakilos ang estudyante dito at okupahin nila ang mga kalsadang patungong palasyo, tiyak na maging pundasyon ito ng pagdagsa ng mas maraming estudyante at kabataan mula sa ibang lugar. Sa pagpapakilos ng kabataan, kinakailangan ang ibat ibang tipo ng aktibista, ibat ibang mga aksyon, kakayahan at,kagamitan. Kailangan ang mga organisador, mga mananalumpati, mga manunulat at mga alagad ng sining. Kailangan ang malaganap na mga build up rali bago gawin ang malaking rali, mga makilos na ahitador at mga pagtatanghal. Kailangan ang mga pahayagan, polyeto, poster, megaphones, atb. Sunod-sunod ang pagpaslang sa mga lider at kasapi ng mga progresibong organisasyon at partylist. Maliwanag na layon ng terorismo ng estado na pigilin ang mga hinanaing at kahilingan ng masang Pilipino laban sa laging tumitinding pagsasamatala at kahirapan. Sa ilalim ng patakarang neo-liberal sa ekonomiya, sunud-sunod ang mga pahirap: mataas na tantos ng desempleo, pinaliliit na tunay na kita, mataas na presyo ng mga batayang bilihin, pabigat na buwis, pagbagsak ng halaga ng piso at pagkasira o paglaho ng serbisyo sosyal. Sa halip na matakot ang masa sa terorismo ng estado, lalong tumataas ang kanilang diwang mapanlaban. Batid nila na kung hindi sila lalaban lalo silang pagsasamantalahan at aapihin. Tumitindi ang galit nila sa pananamsam ng mga imperyalistang mga kompanya at bangko, malalaking komprador, asendero at mga mangungurakot na burukrata sa rekurso ng bayan. Kung gayon, lumalaganap ang mga protesta at pag-aklas. Dahil sinasalakay ng rehimen ang mga legal na aksyong ito, napagpasiyahan naman ng mga pwersa ng armadong rebolusyon na paigtingin ang mga opensiba nila. Nais ng sambayanang Pilipino, kabilang na kayo, na mapabilis ang pagpapatalsik sa rehimeng Arroyo. Kailangan kayong lalong maging matatag at masigasig sa pagkilos sa mga eskwelahan, komunidad, mga pabrika, kabukiran at lansangan, para tuparin ang mga layunin ng Gloria Step Down Movement. Kung magtatagal pa rin ang rehimeng Arroyo sa kapangyarihan dahil sa iba't ibang dahilan, tatagal din ang pagkakataong lalong makapagpalakas ang legal na demokratikong kilusan. Gayundin ang pagkakataon ng sandatahang rebolusyonaryong kilusan dahil matindi na ang pagkamuhi ng taumbayan sa rehimen. Solidong pagtatayo ng organisasyon Nakakapagpalawak at nakakapaglakas ang Anakbayan sa sariling pagsisikap sa pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa kabataan. Napapatunayan ito ng inyong mga tagumpay sa nakaraang pitong taon. Sa pag-aabot sa marami pang bilang ng kabataan, natutulungan din nang malaki ang Anakbayan ng mga organisasyon ng mga manggagawa, magsasaka, maralitanglunsod, kababaihan, mga aktibistang kultural at mga propesyonal. Sa tindi ng krisis pang-ekonomiya't pampulitika ng bansa, mataba ang lupa para sa pagdami ng kasapian ng Anakbayan. Sa mga kampanya, makakakita kayo ng maraming puedeng irekluta. Ang mga natutukoy ninyong kabataan na maaaring imbitahin sa Anakbayan ay agad ninyong bigyan ng maigsing pag-aaral sa inyong programa at konstitusyon. Kapag nakapag-aral na sila ay maaari na ninyo silang pasumpain bilang kasapi. Sa mabilis na paglaki ng inyong organisasyon, dapat nagiging mabilis din ang pag-oorganisa ng mga kasapi sa mga balangay na maghahalal ng kanilang pamunuan. Dahil nakalatag ang Anakbayan sa iba't ibang paaralan, kalye, barangay, distrito, syudad, probinsya at rehiyon, kinakailangan ang masinop na pag-aayos ng daluyan ng pamumuno. Kinakailangang isaayos ang mga istruktura't pamamaraan ng ating pangangasiwa ng organisasyon sa iba't ibang antas. Ang balangay o tsapter ang siyang batayang yunit ng Anakbayan. Paramihin ito nang sa gayon may tunay na laman ang ibat ibang antas ng teritoryal na pamunuan. Dapat tinitiyak ng mga organisador at kadre ng Anakbayan na ang mga narerekluta ay natitipon agad para sa pag-aaral ng mga batayang kursong masa tungkol sa kilusang kabataan at sa lipunan at rebolusyong Pilipino. Ang mga nakatapos naman ng mga batayang kursong ito ay dapat magpalalim ng pag-aaral sa imperyalismo, malapyudalismo at neokolonyal na estado. Mahalaga rin ang buhay na pag-aaral sa maiinit na isyu ng sektor at isyung pambayan sa hanay ng masang kasapian ng Anakbayan. Makikilala rin ninyo sa mga pinakasulong na aktibista ang mga may kakayanan sa pag-organisa, pagtalumpati, pagsusulat at sa pagpapaliwanag ng mga kurso ng pag-aaral. Dapat silang sanayin bilang mga lider ng Anakbayan, at maging katuang ng mga organisador. Sila mismo ay maaaring paunlarin pa upang maging organisador. Napatutunayan ang solidong organisasyon ng Anakbayan sa bilang ng mga miyembro at tsapter at sa bilang ng mga napapasipot bilang buod ng mga aksiyong pangmasa. Kapag lumalaki ang organisadong pwersa ng Anakbayan, tiyak na lumalaki rin ang kaya nitong akitin na masang kabataan sa mga mobilisasyon. Kapag lumalaki ang mga mobilisasyon, lalaki rin ang mapaghahanguan ng mga bagong kasapi. Ang tunguhin ng Anakbayan Walang ibang tunguhin ang Anakbayan kundi ang ibayong paglawak at pagsaklaw sa milyung-milyong kabataang Pilipinong nais nating palahukin sa pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang demokrasya, at sa pagtatayo ng isang sosyalistang lipunan. Mapapanday ng kabataang Pilipino ang kanyang kinabukasan sa pamamagitan ng pagsanib ng kanyang lakas sa namumunong puwersa ng manggagawang Pilipino at sa malawak na hanay ng magsasaka bilang pangunahing puwersa, upang isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan para gapiin ang imperyalismong Estados Unidos, at ang reaskyonaryong naghaharing uri ng panginoong maylupa at burgesya komprador. Patuloy na pamumunuan ng Anakbayan ang kabataang Pilipino para sa pakikipaglalaban para sa trabaho, lupa, edukasyon, karapatan at serbisyong panlipunan. Sa ating pagsusulong ng pakikibakang masa, mahusay kung makamit natin ang ilang pagsulong mula sa ilang repormang maitutulak natin sa reaksyonaryong gobyerno. Kundi naman, lalong magagalit at kamumuhian ng mamamayan ang gobyerno't naghaharing sistema, at lalong mahihikayat silang lumahok sa pambansa demokratikong pakikibaka. Lalong lumalakas din ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kanayunan, kung saan malaki ang ambag ng kilusang kabataan. Sa kilusang kabataan nahuhubog at nasasanay ang mga bagong aktibista na sa kalaunay magiging bagong lakas ng ibat ibat tipo ng organisasyon ng mga mamamayan at ng buong pambansa demokratikong kilusan. Sa pagdami at pagkilos ng mga kabataang makabayan at progresibo, matitiyak ang paglaki at pagsulong ng kilusang bayan laban sa bulok na sistema ng mga malalaking komprador at asendero. Laging kailangan ang papalaking daloy ng mga kabataang matatag, masipag, magiting at may kakayahan para ibayong maging malakas at mabisa ang kilusang pambansa demokratiko at para tuluyang magapi ang mapang-api at mapagsamanatalang sistema. Nasa kabataan ang pag-asa ng sambayanang Pilipino.###
|
|