|
PAGBATI SA PAMUNUAN AT MGA BALANGAY NG ANAKBAYAN
SA MATAGUMPAY NA PAGDAOS NITO NG IKA-5 KONGRESO
Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag
Kabataang Makabayan
30 Mayo 2008
Nagagalak akong magpaabot ng pagbati sa pamunuan sa iba't ibang antas at
lahat ng balangay ng Anakbayan sa matagumpay na pagdaos ng ika-5 Kongreso
ng Anakbayan nitong 27 hanggang 30 Mayo 2008.
Tumpak ang inyong tema: Paigtingin ang kilusang masa para patalsikin ang
papet, pasista, pahirap na rehimeng Arroyo! Isulong ang pambansa demokratikong
kilusang propaganda! Magsikhay sa pusupusang pag-oorganisa ng Anakbayan sa
paraang solido't papalakas!
Dahil sa kongreso, ibayong nauunawaan ninyo ang kalagayan ng ating bayan,
ang mga hamon sa kabataan at sambayanang Pilipino, ang katayuan ng
Anakbayan at mga tungkuling dapat ipatupad upang palakasin ang inyong
organisasyon at isulong ang kilusang pambansang demokratiko.
Malaki ang aking tiwala na ibayo kayong magsusumikap na umani ng maraming
tagumpay sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kabataan bilang
handog sa pagbubunyi ninyo ng namimintong ika-10 anibersaryo ng Anakbayan.
Napakalubha ang krisis sa ating bayan. Walang humpay ang paglala ng
pagsasamantala at pang-aapi. Susunud-sunuran ang rehimeng Arroyo sa
mga patakarang neoliberal na globalisasyon at global na terorismo ng imperyalismong
US. Kaakibat sa pagiging papet ang pagiging korap, sinungaling at makahayop
ng rehimeng ito.
Lubhang ikinamumuhi ng malawak na masang Pilipino ang rehimen. Lubhang
hiwalay at itinatakwil ito dahil sa malawak at matinding paghihirap nito sa taumbayan
at dahil din sa ating patakaran ng malawak na nagkakaisang hanay. Lubhang lantad
ang kabulukan hindi lamang ng kaaway na naghaharing pangkat kundi ng buong
sistemang malakolonyal at malapyudal. Kung gayon, maliwanag ang pangangailangan
ng kilusan para sa pambansang kalayaan at demokrasya.
1. Dapat kayong magsagawa ng kilusang propaganda upang pataasin ang damdamin
at kaisipang lumaban sa kaaway. Gumawa ng mga islogan para sa ahitasyon ng
malawak na masa ng kabataan. Nais nilang ibulyaw ang mga hinanaing at mga
dapat gawin sa pakikibaka. Dapat ding may mga nakasulat na propaganda sa
anyo ng mga polyeto, mga artikulong madaling basahin at unawain at mga
akdang komprehensibo at malalim sa pagsusuri.
Naisasagawa ang kilusang propaganda sa napakaraming tipo at lugar ng pagtitipon:
sa mga tambayan at kainan, kabitbahayan at kumunidad, mga seminar at
komperensiya, mga silid paaralan, sa kapaligiran ng mga pabrika, mga opisina
at mga lansangan. Paagusin sa lahat ng dako ang mga damdamin at kaisipan
ng pakikibaka para sa kagyat na layuning patalsikin ang rehimeng Arroyo at
para sa matagalang layuning tuparin ang pambansang kalayaan at demokrasya.
2. Laging tandaan na ang Anakbayan ay isang komprehensibong organisasyon
ng mga kabataan. Saklaw nito ang mga kabataan sa hanay ng mga manggagawa,
magsasaka, mangingisda, mga estudyante, mga propesyonal, mga alagad ng
kultura at mga negosyante. Dapat itayo ang mga balangay ng Anakbayan sa
mga haiskul at kolehiyo, mga kumunidad, pabrika, bukirin, palengke, opisina
at mga institusyon at asosyasyon ng mga propesyonal. Pinakamahalaga ang
pag-oorganisa sa hanay ng mga kabataan ng anakpawis subalit mahalaga rin
ang ito sa hanay ng mga nasa panggitnang saray.
Binigyan ko ng diin ang pagtatayo ng mga balangay. Dito mapapalitaw ang
makapal na kasapian at dito mabubuo ang matibay at malawak na pundasyon
ng Anakbayan. Dito magkakabilangan ng kasapian at dito masusukat ang husay
ng inyong mga kadre at kasapi sa pag-oorganisa. Kailangan din ang mga
namumunong organo sa antas ng bansa, rehiyon, probinsiya, distrito, siyudad
at munisipyo. Ang mga organong ito sa bawat antas ang mamamahala sa
lahatang panig na pag-unlad ng Anakbayan.
3. Kinakailangan ang mga kampanya at malawak na mobilisasyon tungkol sa
mga isyu ng kabataan at mga isyu na multisektoral na may kinalaman din sa
kabataan, Sa pamamagitan ng mga malaki at malawak na pagkilos, naipapamalas
sa lahat (sa inaapi at nang-aapi, sa pinagsasamantalahan at nagsasamantala) kung
ano ang kahalagahan at kalubhaan ng isyu, ano ang antas ng kagustuhan ng
kabataan at sambayanang Pilipino at ano ang kahandaan nilang ipaglaban ang
kanilang mga karapatan at interes.
Ang mga kampanya at mobilisasyong masa ay pamamaraan sa pagpapalaganap
ng pangkalahatang linya ng pakikibaka at mga partikular na linya sa mga partikular
na isyu, sa paghimok sa ispontaneong masa, sa pagpapalawak at pag-akit ng mga
alyado at mga bagong kasapi, sa pagpanday sa Anakbayan at sa masa sa pakikibaka,
sa pagtuligsa o pagpapabagsak sa masamang rehimen, patakaran o kalakaran at
pagpapatupad sa mga pagbabago na makakabuti sa buhay at kalagayan ng kabataan
at sambayanan.
Umaasa ako na ang mensaheng ito ay makakadagdag pa ng liwanag sa mga bagay
na napag-usapan ninyo sa Kongreso, laluna sa pagbabalak ninyo, sa pagdetalye at
implementasyon ng mga balak upang palakasin ang Anakbayan at isulong ang kilusang
pambansa demokratiko. Gamitin ninyong maigi ang kilusang pagpapatalsik sa rehimeng
Arroyo upang kamtin ang lahatang-panig na pagpapalakas para sa ikalawang dekada
ng Anakbayan.
Isulong ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya!
Palakasin ang Anakbayan sa edukasyon, organisasyon at mobilsasyon!
Mabuhay ang kabataan at sambayanang Pilipino!
|
|