|
PAGBATI SA PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS
SA IKA-40 ANIBERSARYO NG PAGTATATAG
Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag
ng Partido Komunista ng Pilipinas
26 Disyembre 2008
Bilang tagapangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas
(PKP), nagpapaabot ako ng pinakamalugod na pagbati sa lahat ng kadre
at kasapi sa pagkakataon ng ika-40 anibersaryo ng pagtatatag ng Partido.
Kalahok ako sa ligaya ng pagbubunyi sa lahat ng mga pakikibaka at mga
tagumpay na nakamit nito at ng sambayanang Pilipino sa nakaraang
apat na dekada ng bagong demokratikong rebolusyon.
Nais ko kayong batiin kaugnay ng mga tagumpay ng Partido na inilathala
sa Ang Bayan at iniulat sa Negotiating Panel ng National Democratic
Front of the Philippines (NDFP).
Binabati ko kayo dahil sa lahat ng inyong tagumpay sa larangan ng
ideolohiya. Matagumpay na ilinapat ng Partido ang teorya ng
Marxismo-Leninismo-Maoismo sa mga kongkretong kondisyon at
kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. Wastong gagap ng
Partido ang kasaysayan at kalagayan ng sambayanang Pilipino at
lumilikha ito ng mga akdang mataas ang kahalagahan sa teorya at
praktika.
Mahusay na nagdudulot ang Partido ng edukasyon sa mga kadre at
kasapi sa pagsapol ng Marxista-Leninistang paninindigan, pananaw at
pamamaraan. Natututunan nila ang materyalistang dyalektika hindi
lamang sa pamamagitan ng mga pormal na kurso ng pag-aaral sa
mga antas na batayan, intermedya at abante kundi, mas mahalaga,
sa pamamagitan ng rebolusyonaryong praktika at palagiang pag-aaral
ng kalagayan at pag-unlad.
Pinupuna at itinatakwil ng Partido ang makabagong rebisyonismo at
suhetibismo, maging ito'y dogmatismo o empirisismo. Kilala ito sa
pana-panahon at napapanahong pamumuna at pagpuna sa sarili
upang palakasin ang pagkakaisa at ibayong paghusayin ang trabaho.
Naglulunsad ito ng mga malakihang kilusan sa pagwawasto bilang
mga kampanya sa edukasyon upang linawin ang mga pangunahing
prinsipyo, patakaran at linya, upang iwasto ang mayor na mga
pagkakamali at itakda ang bagong mga gawain para isulong ang
rebolusyonaryong proseso.
Inilatag ng Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto ang daan para sa
pagtatatag ng Partido. Pinuna at itinakwil nito ang mayor na mga
pagkakamali, lalo na ng mga Lava, na naging tatak ng mga nakaraang
pagsisikap na isulong ang partido bilang abanteng destakamento ng
rebolusyonaryong proletaryado. Ilinigtas ng Ikalawang Dakilang Kilusang
Pagwawasto ang Partido mula sa mga pagtatangkang lituhin at likidahin
ito mula sa loob at kunsentihin ang mga malubhang krimen na ibinunga
ng mga mayor na pampulitikang kamalian.
Ang umaalingawngaw na tagumpay ng Ikalawang Dakilang Kilusang
Pagwawasto (IDKP) ay nangahulugang pagkagapi ng mga suwail na
may matataas na katungkulan sa Partido at taglay ang mga magulong
nosyong hango sa klasiko at makabagong rebisyonismo, burges na liberalismo,
Gorbachovismo at Trotskyismo. Pinalakas ng IDKP ang pagtalima ng Partido
sa bagong demokratiko at sosyalistang rebolusyon laban sa mga opensiba
ng imperyalismo sa mga larangang pang-ideolohya, pampulitika,
pang-ekonomiya at militar kasunod ng pagguho ng Unyon Sobyet at
iba pang mga rehimeng rebisyonista at ng panlipunang kaguluhan sa Tsina.
Binabati ko kayo dahil sa mga tagumpay na nakamit ninyo sa larangang
pampulitika. Tumpak ang Partido sa pagturing sa naghaharing sistema sa
Pilipinas bilang malakolonyal at malapyudal na tuwirang pinaghaharian ng
malalaking komprador burges at panginoong maylupa na sunud-sunuran
sa imperyalismong US. Katugma ng kalagayang ito, itinakda ng Partido
ang pangkalahatang pampulitikang linya ng bagong demokratikong rebolusyon
sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.
Pinupukaw, inoorganisa at pinakikilos ng Partido ang milyon-milyong mamamayan
sa kalunsuran at kanayunan. Malawakang naglulunsad ito ng mga kampanya
sa edukasyon at ahitasyon sa hanay ng masa. Ang mga kadre at kasapi nito
ay nasa ubod at pamunuan ng rebolusyonaryong kilusang masa. Nagbubuo
sila ng mga organisasyong masa para sa mga manggagawa, magsasaka,
kababaihan, kabataan, mga propesyonal, mga aktibista sa kultura at iba pa.
Naglunsad ang Partido ng matatagumpay na kampanyang masa para patalsikin
ang rehimeng Marcos at rehimeng Estrada, labanan ang mga di-patas na
kasunduan sa mga dayuhang poder, ang paglabag sa karapatang-tao at
mga tangkang baguhin ang 1987 saligang-batas upang lalong gawing
anti-nasyonal at anti-demokratiko.
Itinayo at pinamumunuan ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)
mula noong 1969. Inabot na nito ang pagiging pinakamalaking rebolusyonaryong
hukbo magmula ng Rebolusyong Pilipino ng 1896. Ito ay may libu-libong Pulang
mandirigmang subok sa labanan, may edukasyon at pagsasanay sa pulitika't
militar. Malaya itong nakakakilos sa di bababa sa 80 porsyento ng teritoryo
ng Pilipinas. Ito ay may higit sa isang daang larangang gerilya na sumasaklaw
sa malalaking bahagi ng 70 probinsya at 800 munisipalidad. Halos 100 porsiento
ng mga armas sa mga kamay ng BHB ay kuha sa mga pwersang kaaway sa
pamamagitan ng mga taktikal na opensiba.
Naglulunsad ang BHB ng masinsin at malawakang digmang gerilya batay sa
lumalawak at lumalalim na baseng masa sa konteksto ng posibleng daloy ng
mga estratehikong yugto ng digmang bayan: depensiba, pagkapatas at
opensiba. Ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ay kaugnay ng
reporma sa lupa at pagtatayo ng baseng masa. Lahat ng tatlong integral
na komponenteng ito ay sadyang tumutulak sa pagsasakatuparan ng
estratehikong linya ng pagkubkob ng kalunsuran mula sa kanayunan
hanggang sapat na ang lakas ng hukbong bayan para gapiin ang kaaway
sa mga lungsod at iba pang malalaking kuta sa pambansang saklaw.
Sa pagtataguyod ng BHB, binuo ng Partido sa libu-libong barangay ang
mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa
para sa mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan at kultural
na aktibista sa kanayunan. May kakayahan ang mga ito na maglunsad ng
mga kampanyang masa para sa pampublikong edukasyon, reporma sa
lupa, pagpapalaki sa produksyon, kalusugan at kalinisan, pagsasanay ng
mga yunit milisya at pagtatanggol sa sarili, pagsasaayos ng mga alitan
at kultural na aktibidad.
Itinataguyod at isinusulong ng Partido ang mga patakaran at taktika
ng nagkakaisang prente bilang isang nesesaryong sandata ng rebolusyon.
Ang bagong-demokratikong rebolusyon ay nakabatay sa alyansa ng uring
manggagawa at magsasaka. Dagdag dito ang pagsasanib ng masang
anakpawis at peti burgesyang lunsod sa isang progresibong alyansa.
Pinakamahusay na pagkakabuo nito ang National Democratic Front, na
itinatag ng Partido at iba pang rebolusyonaryong pwersa noong 1973.
Karagdagang alyansa ang sa mga patriyotikong pwersa, kabilang ang
panggitnang burgesya. Dagdag pa rin ang malawak na nagkakaisang
prente, na may pakikipag-alyansa sa mga mabuway at panandaliang
alyado sa ilang reaksyonaryo laban sa mga pinakamasamang reaksyonaryo
na tinutuunan bilang kaaway. Hanggang ngayon tinatarget ng Partido
ang naghaharing reaksyonaryong pangkatin dahil ito ang pinaka-reaksyunaryo
at pinakamasunurin sa mga imperyalistang US.
Binabati ko kayo dahil sa lahat ng mga tagumpay sa pagtatayo ng
organisasyon ng Partido. Sumusunod ang Partido sa prinsipyo ng
demokratikong sentralismo, na nangangahulugang sentralismo batay
sa demokrasya at demokrasya sa patnubay ng sentralismo. Ang prinsipyong
ito ay laban sa burukratismo at sa ultra-demokrasya o anarkismo. Ang
Partido ay nakapagpalalim ng ugat sa hanay ng masang anakpawis ng
mga manggagawa at magsasaka at nakapagtayo ng mga organo at
organisasyon sa saklaw ng buong Pilipinas.
Ang Partido ay may sampu-sampung libong mga kasapi, unang-una mula
sa mga manggagawa at magsasaka. Kinukuha nito ang pinakaabanteng
mga elemento mula sa kilusang masa ng mga manggagawa, magsasaka,
kababaihan, kabataan at kultural na aktibista. Tumatanggap ito ng mga
kasapi mula sa hanay ng kabataang edukado, na karamiha'y galing sa peti
burgesyang lunsod subalit nais magbago ng kanilang sarili upang maging
proletaryong rebolusyonaryo sa pamamagitan ng rebolusyonaryong
pag-aaral at praktika sa pagsisilbi sa mga mamamayan.
Ang Partido ay may matibay na organisasyon ng mga kadre at kasapi.
Ito ang batayan ng mahusay na plano sa pagpapabilis ng paglaki ng
organisasyon ng Partido. Sampu-sampung libong mga kadre at daan-daang
libo ng mga kasapi ang kinakailangan para sa isang igpaw sa pagsulong ng
rebolusyong Pilipino. Dambuhalang mga gawain ang hinaharap ng Partido.
Ang pagkabangkarote ng patakarang "globalisasyong neoliberal" at "gera
sa terorismo" na pasimuno ng US ay humahantong sa walang kahalintulad
na mabilis na paglala ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at
naghaharing sistema ng Pilipinas. Nagdudulot ang kalagayang krisis ng
kahila-hilakbot na paghihirap sa mga mamamayan ngunit nag-uudyok
din sa kanila na pag-ibayuhin ang rebolusyonaryong pakikibaka. Paborable
ang mga kondisyong ito para sa mabilis na paglaki at pagsulong
ng Partido Komunista ng Pilipinas at iba pang mga organisadong
rebolusyonaryong pwersa ng sambayanang Pilipino. # # #
|
|