|
mensahe sa KARATULA
PALAKASIN AT ISULONG ANG REBOLUSYONG PANGKULTURA
Mensahe sa Kabataang Artista
para sa Tunay na Kalayaan (KARATULA)
Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag, Kabataang Makabayan
Setyembre 18, 2008
Malugod akong bumabati sa inyong lahat sa anibersaryo ng Kabataang Artista
Para sa Tunay na Kalayaan (KARATULA). Nakikiisa ako sa inyong mga prinsipyo
at layunin. Pinupuri at ikinagagalak ko ang mga tagumpay na inyong nakamit.
Kasama ninyo ako sa sa pagdiriwang.
Malubhang Krisis ng Sistema
Dahil sa labis na pandarambong ng mga imperyalista, malalaking komparador,
mga asendero at mga bulok na burukrata, laging batbat ng krisis ang lipunang
malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas. Subalit mas malubha pang krisis ang
humahagupit sa Pilipinas ngayon bunga ng pinabilis na pagpapalaki ng pribadong
monopolyo kapital sa pamamagitan ng todo-todong pagsasamantala sa mga
uring anakpawis at pag-abuso sa pampinansiyang manipulasyon sa ilalim ng
patakaran ng “neoliberal” na globalisasyon. Ang paghadlang ng patakarang ito
sa pambansang industrialisasyon at tunay na reporma sa lupa ang siyang ibayong
nagpalalim sa kabulukan at karupukan ng ekonomiya ng Pilipinas.
Napakatindi ngayon ang pagdarahop ng malawak na masang Pilipino. Mabilis ang
paglaki ng bilang ng mga walang trabaho. Nasasaid ang kita ng karamihan ng
ating mga kababayan. Lumilipad ang presyo ng mga batayang kalakal. Laganap
ang kagutuman at malnutrisyon dahil sa mataas na presyo ng bigas at iba pang
pagkain. Dahil sa patuloy na pagpapataas ng mga dayuhang monopolyo sa presyo
ng langis, patuloy ring tumataas ang presyo ng mga kalakal at serbisyo. Naghihirap
ang masa sa mabilis ng pagtaas ng gastos sa transportasyon, elektrisidad, pagpapaaral
at pagpapagamot.
Kaakibat ng matinding pagsasamantala ang mabalasik na pang-aapi. Udyok ito ng
kasakiman ng rehimeng Arroyo, mga nagsasamantalang uri at mga imperyalista na
pinangungunahan ng US. Sa ilalim ng patakarang US sa “pandaidigdigang digma
ng teror” , isinagawa ng rehimeng Arroyo ang Oplan Bantay Laya 1 at 2 sa sadyang
pagpapairal ng garapal at sistematikong paglabag sa mga karapatang tao ng mga
legal na aktibista at malawak na masang inaapi kapwa sa kalunsuran at kanayunan.
Pinaiiral ng rehimen ang karahasan hindi lamang para supilin ang mga pwersa at
masang progresibo kundi sadyang takutin din ang mga karibal na pwersang
oposisyon. Sa gayon, palala ang krisis pampulitika ng naghaharing sistema.
Kaugnay ng krisis sosyo-ekonomiko at pampulitika ang krisis na kultural at moral.
Labag ang patakaran ng rehimeng Arroyo at mga nangingibabaw na institusyon
nito sa interes at pangangailangan ng kabataan at sambayanang Pilipino para sa
isang pambansa, syentipiko at makamasang sistema ng edukasyon at kultura.
Pinangingibabaw ng rehimen at ng naghaharing uri ang kultura at moralidad ng
kataksilan sa mga karapatan at interes ng bayan, kasakiman at korupsyon,
kasinungalingan at karahasan sa masang anakpawis at sinupamang sumasalungat
sa pagsasamatala at pang-aapi.
Ang Hamon at Mga Tungkulin
Ang lahatang panig na krisis ng naghaharing sistema ay hamon sa inyo, sa KARATULA,
na higit pa at puspusang isulong ang rebolusyong pangkultura sa hanay ng kabataang
Pilipino hanggang mapalaganap ito sa malawak na masang Pilipino. Kinakailangan ang
patuloy na rebolusyong pangkultura para sa pagsulong ng kilusan para sa pambansang
kalayaan at demokrasya. Lubhang mahalagang sangkap ito na nagdudulot ng
inspirasyon at patnubay sa pagkilos. Pinasisigla at pinatatalas nito ang diwa at
damdamin ng mga mamamyaan para sa rebolusyonaryong pagbabago.
Sa paglilikha ng alinmang anyo ng sining at kultura, kailangan ninyong sapulin at
isalarawan ang mga batayang kontradiksyon sa kasaysayan at kasalukuyang kalagayan
ng Pilipinas. Dapat hanguin ninyo ang mga tema ng inyong mga likhain at pagtatanghal
mula sa mga pakikibaka ng mga kabataan at ng sambayanang Pilipino laban sa
imperyalismong Amerikano at mga reaksyonaryong galamay nito. Itaguyod ang
pambansang kalayaan at demokratikong kapangyarihan laban sa dayuhang monopolyo
kapitalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Itaguyod ang pambansang
industrialisasyon at tunay na reporma sa lupa laban sa imperyalismo at lokal na
reaksyon.
Sa larangan mismo ng kultura, kung saan kayo nakatuon, itaguyod ang rebolusyonaryo,
makabayan, demokratiko at syentipikong edukasyon at kultura. Labanan ang
reaksyonaryo, maka-imperyalista, mapagsamantala at mapang-aping kultura at
edukasyon. Pangibabawin ang mga idea, damdamin, paghihirap, pakikibaka at
hangarin ng mga pinagsasamatalahan at inaapi. Paglingkuran ang mga anakpawis
sa pamumuno ng uring manggagawa. Gawing bayani sa inyong mga likhain at
pagtatanghal ang mga manggagawa, magsasaka, mga kadre, mga kawal ng
bayan at mga progresibong aktibista sa ibat ibang larangan ng pakikibaka.
Walang humpay na patalasin ang inyong sandata at ipatama ito sa target.
Sa inyong mga likha at pagtatanghal, dapat maliwanag ang mensahe at maganda
ang paglalahad. Gawing kongkreto subalit tipikal ang nilalaman at kaakit-akit ang
estilo para sa masang pinupukaw, inoorganisa at pinapakilos. Dapat artistiko ang
pagkakagawa at pagtatanghal ng mga akda, awit, musika, guhit, tula at dula.
Bigyan pansin ang bisa ng mga ito sa mga nagbabasa, nanonood, nagmamasid
at nakikinig. Tiyaking madulas na mapalaganap ang mga ito sa masa at sa buong
bansa. Gamitin ang anumang tradisyonal at makabagong pamamaraan o teknolohiya
na mabisa sa pagpapalaganap at pagtatanghal ng inyong mga likhain .
Hindi sapat na magpakahusay sa sining lamang ang pamunuan at kasapian ng
KARATULA. Dapat ding mapalakas at maparami ninyo ang mga tsapter sa mga
eskwelahan at mga komunidad. Mas marami kayong magagawa sa sining at
pagtatanghal kung mas malawak at mas konsolidado ang inyong pundasyong
pangmasa sa hanay ng kabataan. Laging palawakin at konsolidahin ang inyong
organisasyon sa pamamagitan ng pag-aaral at pagpapasigla sa paggawa ng mga
likhain at pagtatanghal.
Kapag malakas ang inyong organisasyon, mas malaki at mas mabisa ang magagawa
ninyo sa pagpapakilos sa malawak na masa ng kabataan at mamamayan. Makabuluhan
at mapagsiya ang inyong gawaing pangkultura kung ito ay mabisang nagsisilbi sa interes
at mithiin sambayanang Pilipino, laluna ng mga anakpawis at kabataan, sa pagpupukaw,
pag-oorganisa at pagpapakilos. Kapag napapakilos ninyo ang malawak na masa ng
kabataan at mamamayan, tiyak na makakaakit kayo ng mas marami pang kasapi at
tagatangkilik ng KARATULA.
Habang nakatuon kayo sa pakikibaka sa loob ng Pilipinas at umaasa kayo sa sariling lakas
ng kabataan at sambayanang Pilipino, dapat may diwa kayo ng rebolusyonaryong pakikiisa
sa lahat ng mamamayan at kabataan ng daigdig. Sa abot ng ating kakayahan, suportahan
natin ang mga makatarungang pakikibaka sa ibayong dagat. Lahat tayo ay pinagsasamantalahan
at inaapi ng mga imperyalista at mga alipuris nito. Karapat-dapat na tayong lahat ay may
pagkakaisa, pagtutulungan at koordinasyon sa pakikibaka alinsunod sa linyang anti-imperyalista
at demokratiko.
Konklusyon
Mayaman na ang inyong karanasan sa gawaing pangkultura. Laging humango ng mga aral
mula sa mga positibo at negatibong karanasan ninyo. Gawing tuntungan ng panibagong
pagsulong ang mga naipon ninyong tagumpay at mga pagtutuwid ng kamalian at kahinaan.
Malaki ang aking tiwala na mas malalaki pang tagumpay ang aanihin ninyo at makakapagbigay
pa kayo ng mas malalaking ambag sa pagpapalaganap at pagsusulong ng rebolusyonaryong
kultura at sining.
Ipagpatuloy ang paggamit ng sining at kultura upang pasiglain 0ang paglaban sa rehimeng
Arroyo. Gamitin ang kagyat na pakikibakang ito bilang paraan ng pagpapalakas ninyo at
ng sambayanang Pilipino tungo sa rebolusyonaryong pagbabago.
Sa kalaunan, dapat buwagin ng sambayanang Pilipino ang buong malakonyal at malapyudal
na sistema at palitan ito ng isang sistemang independiyente, demokratiko, makatarungan,
maunlad at mapayapa. Isang sistema na nakabatay sa demokratikong kapangyarihan ng
anakpawis na pinamumunuan ng uring manggagawa at may perspektibang sosyalista.
Mabuhay ang KARATULA!
Mabuhay ang kabataang Pilipino!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
###
|
|