|
MENSAHE SA IKATLONG PAMBANSANG KONGRESO
AT IKA-10 ANIBERSARYO
NG KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP
Ni Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples' Struggle
4-6 Disyembre 2008
Sa ngalan ng International League of Peoples' Struggle o ILPS, ipinaaabot ko
ang mainit na pagbati sa Pambansang Komiteng Tagapagpaganap, mga
Rehyunal na Balangay at buong kasapian ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap
(KADAMAY), at sa mga lider-organisador, delegado at mga kaibigang kadamay
sa pakikibaka ng maralita.
Kaisa ako sa pagsasama-sama ninyo sa Ikatlong Pambansang Kongreso ng
KADAMAY kaugnay ng pagdiriwang nito ng ika-10 taon ng pakikibaka para
sa pagsusulong ng karapatan ng maralitang lunsod, batay sa panawagang
"Palakasin ang hanay laban sa papatinding atake ng estado sa paninirahan
at kabuhayan ng mamamayan!"
Batay sa naipon ninyong maraming karanasan sa loob ng 10 taon, umaasa
akong magiging daan ang pagtitipon ninyo para mahusay na malagom ang
hakbang-hakbang na proseso ng pag-organisa mula ibaba, pataas at pabalik
din, sa paikid na pag-unlad ng gawaing pagpapalawak at pagkonsolida ng
pakikibaka sa hanay ng mga maralitang lunsod.
Gayundin, ang kahalagahan ng pagsusulong sa mga kampanyang sektoral at
multisektoral nang laging iniuugnay sa masaklaw na pakikibaka ng sambayanan
sa isang malapyudal at malakolonyal na lipunang Pilipino na kinukubabawan ng
imperyalismong US at pinaghaharian ng lokal na malalaking komprador-burges
at panginoong maylupa sa pangunguna sa kasalukuyan ng rehimen ni Gloria
Macapagal-Arroyo.
Bumibilang ng mahigit 30 milyon ang mga maralitang lunsod sa Pilipinas at
matatagpuan ang mga ito sa daan-daang komunidad ng mahihirap sa buong
bansa, namumuhay sa kapaligirang hindi bagay sa tao, sa mga riles, estero,
basurahan at kahalintulad na mga lugar. Patuloy na lumalaki ang bilang ng
maralitang lunsod dala ng walang habas na pagsama ng krisis sa pinansya at
ekonomya ng bansa at ng buong mundo.
Sa kabila ng pagmamayabang ng reaksyunaryong gubyerno na hindi gaanong
maaapektuhan ng pandaigdigang krisis ang ekonomya ng Pilipinas, nagsimula
nang maramdaman ng mamamayang Pilipino ang hagupit nito at tiyak na
titindi pa ang pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan, laluna sa maralitang
lunsod at iba pang masang anakpawis.
Kaya napakalawak ng diskontento sa hanay ng mamamayan, laluna ng maralitang
lunsod at iba pang masang anakpawis. Hindi nila matiis ang walang patid na paglala
ng kanilang kabuhayan dala ng nangangayupapang pagsunod ng rehimeng
Macapagal-Arroyo sa neoliberal na mga patakarang dikta ng mga imperyalista.
Papatindi ang pagsasamantala sa mga manggagawa at mala-manggagawa sa
lunsod at masang magsasaka sa kanayunan, at ang panunupil sa sambayanan.
Kailangang organisadong kumilos ang masang anakpawis ng manggagawa,
magsasaka at lahat ng mahihirap at inaaping sektor upang labanan ang lahat
ng anyo ng pagsasamantala at pang-aapi ng mga imperyalista at lokal na mga
reaksyunaryo. Malaki ang ambag ng maralitang lunsod sa kilusang anakpawis,
laluna bilang bahagi ng at suporta sa kilusang manggagawa dahil matatagpuan
sa mga maralitang komunidad na nakapaligid o di-kalayuan sa mga pabrika't
pagawaan ang malalaki at signipikanteng konsentrasyon ng mga manggagawa.
Naipamalas na rin ninyo sa nakaraang malalaking pagkilos tulad ng kampanya para
patalsakin si Estrada noong 2001 ang makabuluhang ambag ng mga maralitang
lunsod, sa pamumuno ng KADAMAY, sa mga multisectoral na pagkilos at kampanya.
Sa kabilang banda, dapat nating kilalanin na napakaliit pa ng naaabot at napapakilos
ng KADAMAY kung ihahambing sa kabuuang bilang ng maralitang lunsod sa
Kamaynilaan at iba pang sentrong lunsod.
Hayaan ninyong ulitin ko ang panawagan ng isang dakilang rebolusyonaryong lider:
"Mag-organisa, mag-organisa, at mag-organisa!" Nasa organisasyon ang ating lakas!
Kapag mayroon tayo nito, magagapi natin ang mga kaaway sa uri at maitatayo ang
isang bayan na malaya, maunlad at masagana, may tunay na demokrasya, katarungan
at kapayapaan.
Sabik kong hihintayin ang magiging bunga ng inyong paglalagom na katatampukan
kapwa ng kongkretong kantitatibo at kalitatibong pagtatasa ng pagkilos (kapapalooban
ng mga pag-aaral, pagrekluta at pagpapakilos) sa nakaraang 10 taon at lalo na ng mga
aral ng KADAMAY sa pagtataguyod ng mga isyu at aktibidad ng mahihirap kaugnay ng
paglaban sa atake ng estado sa paninirahan at kabuhayan ng mamamayan na hindi
maihihiwalay sa kabuuang pakikibaka para sa demokratikong interes ng sambayanang
Pilipino. Ang paglalagom ang magiging kongkretong batayan ng halalang gaganapin
at ng iguguhit na tatlong taong programa.
Muli'y pagbati sa pagdiriwang ninyo ng ika-10 anibersaryo. Hangad ko ang tagumpay
ng Ikatlong Pambansang Kongreso ng KADAMAY!
|
|