BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Mensahe ng Pakikipagkaisa sa Ika-17 Anibersaryo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) 29 Hulyo 2002 Nais kong ipaabot ang pinakamalugod at pinakamilitanteng pagbati at pakikipagkaisa sa pamunuan at buong kasapian ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa pagdiriwang ng ika-17 anibersaryo ng pagkakatatag nito. Nakikiisa ako sa malawak na masa ng sambayanan sa pagpupugay sa mga tagumpay na inyong nakamit sa pakikibaka para sa interes ng masang magbubukid at ng buong sambayanang Pilipino. Makabuluhan at angkop ang tema ng inyong pagdiriwang: "Konsolidahin at ipagtanggol ang mga tagumpay! Labanan ang tumitinding pasistang atake! Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa, pambansang kalayaan at demokrasya!" Mahalagang konsolidahin at ipagtanggol ang inyong mga tagumpay upang ibayong makapagpalakas, higit pang maisulong ang kilusang magbubukid bilang pinakabatayan at pangunahing pwersa ng pambansang demokratikong kilusan sa pamumuno ng proletaryado. Kailangan ninyo ang ibayong tatag laluna upang labanan ang patuloy na tumitinding pasistang mga atake ng rehimeng US-Arroyo at iba pang mga kontra-magbubukid na reaksyunaryo. Habang tumitindi ang krisis ng naghaharing sistema sa Pilipinas at sa buong mundo, lalong nagmimistulang asong ulol ang imperyalismong US at ang kanyang lokal na mga reaksyunaryong papet at tuta at lalong nagiging desperado at mabangis ang pag-atake nila sa mamamayan. Subok na ang tatag at militansya ng KMP sa pagtataguyod ng tunay na reporma sa lupa at sa pakikipaglaban para sa mga karapatan at interes ng masang magbubukid. Dagdag pa, mahusay na ikinakawing ng KMP ang pakikibaka ng masang magbubukid sa pakikibaka ng buong sambayanan para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya. Mula nang itayo ang KMP noong Hulyo 1985, malinaw na ang pambansa-demokratikong oryentasyon at paninindigan nito. Sapol ng KMP ang katotohanang ang rebolusyong agraryo -- ang paglutas ng suliranin sa lupa -- ang pangunahing nilalaman ng pakikibaka para sa pambansang demokrasya. Hindi magkakaroon ng tunay na demokrasya hanggat nakatanikala sa mga kadena ng pyudal na pagsasamantala ang masang magbubukid na bumubuo ng malaking mayorya ng mamamayang Pilipino, at hanggat nakakubabaw ang imperyalismo at mga lokal na naghaharing uri sa buong sambayanan. Hindi mapapalaya ang masang magbubukid at hindi malulutas ang kanilang saligang suliranin sa kawalan ng lupa hanggat hindi napapalaya mula sa imperyalista, pyudal at malapyudal na pagsasamantala ang buong sambayanan. Malaking ambag sa pambansa-demokratikong kilusan ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang magbubukid para ipaglaban ang kanilang interes. Maniningning na halimbawa ang mga pakikibaka laban sa coco-levy at sa kutsabahang Macapagal-Arroyo at Danding Cojuangco, ang paglalantad at pagbatikos sa huwad na reporma sa lupa at malawakang pagsamsam at kumbersyon ng lupang agrikultural, at ang kampanya laban sa "liberalisasyon" ng sektor ng agrikultura. Gayundin, malaki at mahalaga ang partisipasyon ng masang magbubukid sa pangunguna ng KMP sa mga pambansang kampanyang protesta tulad niyong laban sa panghihimasok-militar ng US, laban sa militarisasyon, pulitikal na panunupil at mga paglabag ng mga pasistang tropa sa mga karapatang tao lalo na sa kanayunan, paggigiit sa panunumbalik ng negosasyong pangkapayapaan at pagpapatupad ng mga kasunduan tulad ng CARHRIHL. Malaki ang naiaambag ng KMP sa anti-pyudal at anti-imperyalistang pakikibaka hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo. Mahusay ninyong naisusulong ang pakikipagkaisa at pakikipagtulungan sa mga kilusan at samahan sa ibayong-dagat na nagtataguyod sa interes ng mga magbubukid at ng iba pang mamamayan laban sa pananalasa at pagsasamanatala ng mga dambuhalang monopolyong kapitalista. Matapos na aktibong lumahahok sa International League of Peoples’ Struggle - First International Assembly (ILPS-FIA) noong nakaraang taon, kabilang ang KMP sa mga nanguna sa pagtatatag ng International Alliance Against Agrochemical Transnational Corporations (IAAATNCs). Kaakibat nito, matagumpay ninyong naisusulong sa pamamagitan ng itinayo ninyong Resistance and Solidarity Against Agrochemical TNCs (RESIST) ang iba't ibang militanteng aksyong protesta laban sa mga proyekto ng ATNCs dito sa Pilipinas tulad ng Bt-corn na nakakasalanta sa buhay, kaseguruhan sa pagkain at kabuhayan ng mga magbubukid di lamang sa ating bayan kundi sa buong daigdig. Lumalaki ang halaga at kabuluhan ng ganitong pakikipagkaisa sa mga anti-imperyalistang pakikibaka sa kalagayang higit na desperado at walang pakundangang itinutulak ng monopolyo kapitalistang mga kapangyarihan ang pagpapatupad ng mga neo-liberal na patakarang globalisasyon. Patuloy na nasasadlak ang pandaigdigang sistemang kapitalista sa malubhang krisis ng sobrang produksyon. Lumulubog nang mas malalim ang mga atrasado't mahihinang ekonomya sa dagat ng depresyon habang patuloy na ring lumulubog maging ang mga ekonomya ng mga kapangyarihang imperyalista. Kamakailan, pumutok ang bulang pampinansya ng ekonomyang US. Labis-labis na lumobo ang mga pautang ng mga bangko at panlilinlang sa mga maliit na bumibili ng sapi. Nabunyag na rin ang malawakang pandaraya sa pagkwenta at garapalang pagsisinungaling sa pagdeklara ng mga tubo ng di iilan sa pinakamalalaki at inaakalang matatatag na kumpanya. Tumpak na nananawagan at kumikilos ngayon ang KMP at mga kaalyadong militanteng organisasyon para sa pagpapatalsik kay Macapagal-Arroyo. Manhid at walang kahihiyang tinalikdan ni Macapagal-Arroyo ang mga prinsipyo at adhikain ng EDSA 2 na nagluklok sa kanya sa kapangyarihan. Garapal na ipinamamalas ni Macapagal-Arroyo ang sagadsaring pagkapapet sa imperyalismong Amerikano, pagkabuktot na pasista at militarista, at pagkabulok sa pulitika at pamamahala. Kung tutuusin, ito ang ubod ng ipinangangalandakang "strong republic" ni Macapagal-Arroyo: kamay na bakal laban sa sambayanang Pilipino subalit pinakamalambot na "banana republic" sa mga among imperyalista. Lansakan ang pangangayupapa ni Macapagal-Arroyo sa imperyalismong US. Lubusang nilalabag ng rehimeng US-Arroyo ang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas sa pagbubuyangyang ng buong kapuluan sa pagpasok at pagpapanatili ng mga tropa at kagamitang militar ng US. Bahagi diumano ng "kontra-terorismo", hinahayaan ang mga tropang US na lumahok sa mga operasyong militar laban sa maliit na bandidong grupong Abu Sayyaf. Katunayan, hinahawan ng rehimeng US-Arroyo ang daan para sa muling pagbabase ng mga tropang militar ng US dito sa Pilipinas, at ang paggamit sa mga ito laban sa Bagong Hukbong Bayan at mga hukbong Bangsa Moro. Sa maling pag-aakalang maigugupo ng magkasanib na tropang US at AFP ang BHB at mga hukbong Bangsa Moro, isinasantabi ni Macapagal-Arroyo ang negosasyong pangkapayapaan, binabalewala ang mga nakamit nang kasunduan, at sa halip pinatitindi ang mga kampanyang militar laban sa NDFP at maging sa MILF at MNLF. Kahit nabigong sugpuin ng 6000 US-AFP tropa ang kulang-kulang sa 100 Abu Sayyaf sa isang maliit na isla, patuloy pa ring nagmamalaki at nangangarap si Macapagal-Arroyo at sumasandig sa US para makapanatili sa poder. Mabilis na nangamoy sa korupsyon at katiwalian ang rehimeng Macapagal-Arroyo kahima’t malinaw na iniluklok siya sa kapangyarihan ng sambayanang nasusuka na sa kabulukan ng rehimeng Estrada. Hindi pa man nag-iinit ang trono sa Malacanang, sunud-sunod nang sumingaw ang baho ng mga kasong IMPSA, Peace Bonds, Coco levy-Kirin-Cassava project ni Danding, atbp. Lalong lumalalim ang hidwaan sa hanay ng naghaharing uri at kaalinsabay, sa mga pwersang militar at pulis na patuloy na nabubulid at nagpapatakbo sa mga kriminal na sindikato. Huwad at walang saysay ang ipinangangalandakan ng rehimeng Arroyo na "digma laban sa kahirapan" na diumano katuwang ng "digma laban sa terorismo". Puspusan at ibayong ipinapatupad nito ang liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon, na nagdudulot ng malawakang kawalan ng trabaho, pagbagsak ng kabuhayan at pagkagutom ng malawak na mamamayan, pagkalugi ng maraming lokal na empresa, at pangkalahatang pagdausdos ng ekonomya, laluna ng agrikultura. Pinatitindi nito ang pagsasamantala sa masang magbubukid bunga ng walang habas na pagpapatupad sa mga imposisyon ng WTO-IMF-WB sa ekonomya, laluna ang liberalisasyon ng sektor ng agrikultura. Ang patuloy na pagbulusok at pagkalugi ng mga lokal na produktong agrikultural ay nagbubunga ng kawalan ng kasiguruhan at pag-asa-sa-sarili sa pagkain, bukod pa sa pagtutulak sa mas malawakang pangangamkam at kumbersyon ng mga lupang agrikultural. Digma laban sa mahihirap, hindi digma laban sa kahirapan, ang isinusulong ni Macapagal-Arroyo, laluna laban sa masang magbubukid sa kanayunan. Patuloy na pinatitindi ang panunupil sa mga protesta at paglaban ng masang magbubukid. Labis na nasasalanta sa mga operasyong militar ang masang magbubukid at nagiging biktima sila ng mga pang-aabuso ng militar at paglabag sa kanilang mga karapatang tao. Malinaw na halimbawa nito ang kaso ng Mamburao Six. Para makapaghasik ng lagim sa tangkang takutin at alisan ng pamumuno ang masa, hinaharas, dinudukot at pinapaslang ng mga pasista ang mga pinuno at myembro ng militanteng mga samahang masa tulad ng KMP, BAYAN, BAYAN MUNA, KARAPATAN, PAMALAKAYA at GABRIELA. Ibayong nagdudulot ang lahat ng ito ng hindi mabatang pagsasamantala at pang-aapi, na siyang nagtutulak sa masang magbubukid na magprotesta, lumaban, hanggang sa lumahok sa armadong rebolusyon bilang lunas sa kanilang kahirapan. Hangad ko ang matagumpay at mabungang pagdiriwang ninyo sa ika-17 anibersaryo ng pagkatatag ng KMP. Sa pamamagitan ng paglalagom at pagkonsolida sa mga tagumpay ng nakaraang mga pakikibaka, umaasa akong higit ninyong mapatitibay ang inyong pagkakaisa at kapasyahang isulong ang pakikibaka ng masang magbubukid at ang paglahok sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Isulong ang pakikibakang anti-pyudal at anti-imperyalista! Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa! Mabuhay ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas! Mabuhay ang masang magbubukid! Mabuhay ang pambansa-demokratikong rebolusyon! # |
|