BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Kalatas ng Pakikiisa sa Ika-2 Pambansang Kongreso ng Kabataan ng National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA-YOUTH) 19 ng Setyembre 2002 Lubos kong ikinagagalak ang inyong pagdaraos ng Ikalawang Pambansang Kongreso ng National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth Sector. Nakikiisa ako sa inyong mga makabayan at progresibong adhikain at layunin. Ang tema ng inyong panawagan ay mahigpit na kinakailangan: Kabataan at estudyante, buong lakas na ibuhos ang galing at kakayahan para sa pakikibaka ng masang magbubukid sa buong bansa at laban sa dayuhang panghihimasok. Ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng katutubong naghaharing sistema ng malalaking komprador at panginoong maylupa ay nagdudulot ng napakatindi at lubhang kasuklamsuklam na mga anyo ng pang-aapi at pagsasamantala. Mahigpit na sigaw ng panahon ang matatag at militanteng pakikibaka. Mapagpasiya sa kahalagahan ang inyong pagtatagumpay sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos ng kabataan para itaguyod ang pakikibaka ng uring magsasaka para sa repormang agraryo at para labanan ang tumitinding agresyon ng dayuhan. Kapag marami ang kabataang nakikisalamuha sa masang magsasaka at lumalahok sa kanilang pakikibaka, lalong lumalakas at lalong nagiging mabisa kapwa ang kilusang magsasaka at kilusang kabataan. Ang pakikibaka para sa lupa ng uring magsasaka ay siyang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon. Sa takbo ng pakikibakang ito, lahat ng iba pang pambansa at demokratikong pakikibaka ay naisusulong. Ibinubukas ng kanayunan ang pinakamalawak na larangan sa pagkilos para sa lahat ng makabayan at progresibong pwersa. Sa pagtugon sa pangangailangan ng reporma sa lupa ay natutupad di lamang ang lahatang-panig na paglaya ng uring magsasaka kundi ang pambansang kalayaan at demokratikong pagsulong ng buong sambayanang Pilipino. Sa rebolusyonaryong pamumuno ng proletaryado, ang mga tagumpay sa reporma sa lupa ay makapagpapasulong sa pambansang industrialisasyon, kabilang ang pagsasakolektiba at mekanisasyon ng agrikultura sa landas ng pagsulong sa sosyalismo. Yumaman kayo sa kaalaman dahil sa inyong mga karanasan sa tagumpay at kabiguan mula ng inyong pagkakatatag noong 1995. Nakasulong kayo mula 1995 hanggang 1997. Kasunod nito, naging suliranin ninyo ang paksyunalismo noong 1997 hanggang 1998. Subalit mula 1999, nakapagpanumbalik kayo ng lakas at sigla. May tiwala ako na bunga ng inyong matapat na paglalagom ng karanasan at tumpak na pagtatasa ng iyong mga kalakasan at kahinaan ay buong linaw ninyong maitatakda ang inyong mga tungkulin at maitataas sa panibagong antas ang inyong lakas sa pulitika at organisasyon. Bunga nito, natitiyak kong maaabot din ninyo ang higit na mataas na antas ng koordinasyon at sinerhiya ng lakas sa pakikipagkaisa sa lahat ng iba pang pwersa sa pambansang demokratikong kilusan.# |
|