BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Mensahe Sa IKA-7 Pambansang Kongreso Ng Bagong Alyansang Makabayan Minamahal na mga kasama sa pakikibaka, tauspuso kong ipinapaabot ang matatag at militanteng pagbati at pakikipagkaisa sa Bagong Alyansang Makabayan, sa 18 sektoral na organisasyon at 13 panteritoryong balangay sa buong bansa na bumubuo nito, sa okasyon ng inyong ika-7 Pambansang Kongreso. Hayaan ninyong baybayin ko ang mga panawagan sa tema ng inyong kongreso. Ipagbunyi at panghawakan ang mga tagumpay ng Bayan! Dapat nating ipagbunyi ang mga tagumpay ng Bayan mula pa sa pagkatatag noong Mayo 5, 1985. Panghawakan natin ang mga ito bilang batayan ng ibayong paglakas ng mga organisadong pwersa at malawak na masa sa ating hanay. Maliwanag sa atin ang mga tagumpay ng ating pagkilos. Naipamalas ito sa mga malakihang mobilisayong masa para ibagsak ang pasistang diktadura ni Marcos noong 1985 at 1986 at para labanan ang mga antinasyunal at anti-demokratikong mga patakaran ng mga sumunod na reaksyunaryong rehimen. Malawakang nagprotesta ang masa laban sa brutal na pagpaslang sa mga lider ng BAYAN katulad nina Rolando Olalia at Lean Alejandro, laban sa iba pang paglabag sa mga karapatang tao at laban sa pakanang panatilihin ang mga base militar ng US sa panahon ni Aquino. Pero dahil sa mga disoryentasyon sa kilusan noong dekada 1980 hanggang 1991, hindi natin natamo ang lahat ng karampatang pakinabang na bunga ng mga malawakang pagpapakilos hanggang maibagsak ang pasistang diktadurang Marcos noong 1986. Sa demokratikong kilusang masa, nag-anyo ito sa pagpaling mula sa "kaliwang" pagkahaling sa insureksyunismo (tulad ng pagsusunog sa mga bus noong 1990) tungo sa kanang koalisyunismo at kolaborasyunismo na nagbibigay ng labis na puwang at halaga sa pakikipagkaisa sa mga reaksyunaryong pangkatin na wala sa kapangyarihan. Hindi lamang sa hindi lubos na napakinabangan ang paborableng kondisyon sa pagsulong kundi dumausdos pa nga ang lakas ng kilusang ito sa mga sumunod na taon. Nalustay, sa halip na maipon, ang lakas, dahil hindi natin naorganisa at nakonsolida ang ilandaang libong mamamayan na naabot at napakilos natin sa anti-pasista at anti-diktadurang pakikibaka. Noong maitakwil lamang ang mga maling linya sa pamamagitan ng kilusang pagwawasto mula 1992, saka unti-unting nagpanibagong lakas ang kilusan at muli nitong naisulong ang lahat ng anyo ng pakikibaka nito. Matagumpay na naidaos ang Ika-5 Kongreso ng BAYAN noong 1994 kung saan natukoy at naitakwil ang mga pagkakamali sa demokratikong kilusang masa. Lumakas ang mga organisadong pwersa ng BAYAN sa mga mobilisasyong masa hanggang sa matagumpay nitong mapasok muli ang elektoral na pakikibaka mula 2001. Lumakas din ang mga pwersang rebolusyonaryo sa sandatahang pakikibaka at sa usapang pangkapayapaan. Malakas ang pagtutol ng mamamayan sa pamumuno ng BAYAN kaugnay ng pagwawalang-kibo ng rehimeng Ramos na nagresulta sa pagpataw ng kamatayan kay Flor Concepcion noong 1995. Naging mabisa ang pagpropaganda at pakikipag-alyansa at naging matagumpay ang mga pagkilos para biguin ang balak ni Ramos na susugan ang Konstitusyon ng 1987 para panatilihin ang sarili sa kapangyarihan. Sa nakaraang limang taon matapos ang ika-6 na Kongreso ng Bayan noong 1998, nanguna ang BAYAN sa pagprotesta at pagpigil sa tangka ni Estrada na parangalan ang taksil na si Marcos bilang isang bayani. Malalaking mobilisasyong protesta ang naisagawa laban sa VFA at sa "all-out war" ni Estrada laban sa Bangsa Moro noong 2000. Kalaunan, nagtagumpay ang BAYAN sa pagbubuo ng malawak na nagkakaisang hanay para patalsikin si Estrada sa kapangyahiran noong 2001. Nasundan ito ng matagumapy na pagtataguyod sa progresibong partido sa party list, na nagresulta sa pagkaluklok ng tatlong progresibong kinatawan sa Kongreso. Tumpak na kaagad inilantad ng BAYAN ang pagtataguyod ni Macapagal-Arroyo sa mga anti-nasyunal at anti-mamamayan na mga patakaran pagkaupo pa lamang nito sa poder noong 2001, laluna ang sagadsaran at walang kahihiyang pagkapapet nito sa imperyalismong US nang ilunsad ng huli ang kamuhi-muhing "gera laban sa terorismo". Nanguna ang BAYAN sa pagtuligsa sa mga hakbang ni Arroyo na pabor sa imperyalismong US tulad ng "Balikatan 02-1", ang pag-ayon at pagkampanya sa pagbansag sa CPP-NPA at sa Punong Pampulitikang Konsultant ng NDF bilang "terrorist", ang MLSA atbp. Gayundin nanguna ang BAYAN sa paglalantad at paglaban sa korupsyon ng rehimeng Arroyo. Hindi nagtagal at nangamba na si Macapagal-Arroyo na matanggal sa pwesto dahil sa militanteng paglalantad at paglaban ng BAYAN sa pagpapalubha niya sa krisis sosyo-ekonomiko at sa krisis pampulitika ng naghaharing sistema. Sa taong ito, nakita natin kung gaano kalaki ang naitulong ng BAYAN sa anim na progresibong partido sa tinaguriang party list. Kahit siniraan, sinalakay at dinaya ang mga ito, naipanalo ang anim na pwesto sa Kongreso at nakuha nila ang 22% ng lahat ng boto sa party list. Sa katotohanan, mga 30 hanggang 35% ng lahat ng boto ang nakuha, na sapat sana para makamit ang labindalawang pwesto sa Kongreso. Pinapatunayan nitong malayong mas malakas na ang BAYAN sa taong 2004 kaysa noong 2001. Maraming maningning na tagumpay ang BAYAN at makinang na ang kasaysayan nito dahil sa matatag at militanteng pagsunod sa pangkalahatng linya ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Pinupuri ko ang lahat ng mga aktibista at iba’t ibang kalahok na organisasyon ng BAYAN sa kanilang matatag na pagtataguyod sa pampulitikang linya, puspusang pagkilos, pagpapakasakit at pagharap sa pagpapahirap at pamamaslang ng kaaway. Mahalagang salik sa pagkamit ng BAYAN ng maraming tagumpay ang mga mobilisasyong masa at solidong pag-oorganisa sa iba’t ibang sektor. Gayundin ang mahusay na pagbubuo at pagpapakilos ng mga alyansa sa iba’t ibang antas at sa mga anyong naaangkop sa mga isyung kinakaharap. Malaki ang iniunlad ng BAYAN sa paggamit ng pleksibilidad sa taktika samantalang matatag sa linya at prinsipyo sa mayor na mga pakikibakang hinarap. Sa pagbubuo ng at pamumuno sa malalapad na alyansa, at sa pakikitungo sa iba’t ibang pwersa sa iba’t ibang paraan, tumpak na napapanatili ng BAYAN ang independensya at inisyatiba nito. Mahalagang maihayag ng BAYAN ang militante at matalas na pagsusuri at mga panawagan at pag-ingatang hindi malunod o mapalabnaw ang mga ito ng mga panawagan na angkop sa malapad na alyansa. Kailangan din ng pagpipino sa pagtutugma at pag-iiba ng posisyon ng BAYAN at mga progresibong partido sa party list sa iba’t ibang pambansang usapin. Higit pang patatagin at palawakin ang hanay! Makabuluhan at kapaki-pakinabang sa sambayanang Pilipino ang mga tagumpay na nakamit na natin sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong kilusan. Subalit kailangan ang puspusang pakikibaka at ibayong pag-iipon ng lakas para makamit ang higit pang mga tagumpay hanggang maibagsk ang paghahari ng malalaking komprador at panginoong maylupa Napatunayan nang kaya nating ibagsak ang naghaharing rehimen sa pamamagitan ng malawak na nagkakaisang hanay sa larangan ng legal na pakikibaka. Subalit nananatili pa rin ang naghaharing sistema ng mga malaking komprador at panginoong maylupa. Gayunman, hindi nasasayang ang ating pagkilos hangga’t mulat tayong nag-iipon ng lakas mula sa ating pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa. Gayundin nakakapag-ipon tayo ng karanasan at napapalakas natin ang organisadong mga pwersang makabayan at progresibo. Kasabay nito, patuloy ang paglubha ng krisis. Lalong nabubulok at nanghihina ang naghaharing sistema. Malinaw sa mga reaksyunaryo na lumalakas ang rebolusyonaryong kilusan sa proseso ng pakikibaka at pagpapabagsak ng isang naghaharing pangkatin. Nagbibigay-babala sila na mapanganib ang pagkilos ng masa at ang pagpapabagsak sa sunud-sunod na presidente. Kaya isa ito sa ikinakatwiran nila para itambol ang pagsusog sa reaksyunaryong Saligang Batas para mapalitan ang porma ng gobyerno. Diumano sa parlamentaryong sistema, maaaring magpalit ng prime minister o punong ministro nang walang pag-aalsa ng masa at nang walang panganib sa buong naghaharing sistema. Sa katunayan, mayroon silang higit pang malalaking dahilan sa pagtutulak ng pagsusog sa Saligang Batas, na nagsisilbi sa sarili nilang makauri at indibidwal na interes. Pinakasusi sa pagsusulong ng kilusan ang gawaing masa na binubuo ng masigasig na pagpropaganda, solidong pag-oorganisa sa mga anakpawis at mga panggitnang saray, at madalas na mobilisasyon para sa pagtataguyod, pagtatanggol at pagsasakatuparan ng mga pambansa at demokratikong karapatan ng sambayanang Pilpino. Sa gayon lumalawak at lumalalim ang paglahok ng masa sa pakikibaka. Itaas ang kakayahan at pamunuan ang nag-iibayong laban ng mamamayan sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo! Dapat pataasin ng BAYAN ang kakayahan sa pamumuno at pagkoordina sa nag-iibayong-lakas ng legal na pakikibaka ng mamamayan laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Dahil sa paglala ng krisis ng naghaharing sistema, lulubha ang pahirap sa mamamayan. Sa gayon, lalaganap at titindi ang mga pangmasang pakikibaka. Dapat iakyat sa pamunuan at staff ng Bayan mula sa mga kalahok na organisasyon ang mga lider aktibistang napapanday sa pakikibaka at may mga kakayahan na angkop sa mga tungkulin. Lubos nating kailangan ito ngayon lalo’t sa tagumpay ng mga progresibong partido sa party list, maraming lider ng Bayan ang hinila ng trabaho sa Kongreso. Kailangang-kailangan ang napakaraming bagong mga lider at aktibista para harapin ang gawain sa lahat ng larangan ng pakikibaka. Kinakailangan silang magsanay at lubos na magpakahusay sa gawaing propaganda, pagpukaw sa masa, gawaing alyansa, pagpapakilos para sa pagtugon sa iba’t ibang pangangailangan, at malawakang mga mobilisasyon at kampanya. Higit na malubha kaysa nakaraan ang krisis ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo at ng lokal na naghaharing sistema. Kaugnay nito, higit ding masiba, tuso at malupit ang mga imperyalista at mga lokal na reaksyunaryong uri na pinamumunuan ngayon ng pangkating Macapagal-Arroyo. Ang imperyalismong US ang nangunguna sa pandarambong at sa terorismo sa anyo ng mga gerang agresyon at interbensyon at sa pagpapalaganap ng represyon at pasismo. Ganap na bangkarote ang tinatawag na "free market globalization." Ang walang habas na pagpapatupad nito sa ilalim ng rehimeng Arroyo ang dahian ng mas mabilis na pagkawasak ng ekonomya ng Pilipinas. Bagsak ang mga produktong ilinuluwas tulad ng mga hilaw na sangkap at mga mala-yaring produkto na gawa sa angkat na sangkap. Pati ang lokal na produksyon ng pagkain para sa konsumo ng mamamayan ay nasasakal dahil sa pag-angkat ng mga produktong pagkain. Patuloy na lumalaki ang disempleyo. Kahit ibatay sa istatistika ng gobyerno na nagtatangkang itago ang katotohanan, hindi maikaila ang isa’t kalahating milyong nawalan ng hanapbuhay mula noong 2000, at ang 10 milyong nakatalang wala o kulang ng empleyo nitong Abril 2004, na walang kasindami sa kasaysayan. Dahil sa "import liberalization", malaki ang nababawas na kita mula sa mga taripa. Sa ilalim ng rehimeng Arroyo, bumaba ang nakukolektang taripa sa 33.3% o sangkatlo lamang ng nakukolekta sa panahon ni Estrada at 16.7% o sang-anim ng nakukolekta noong panahon ni Ramos. Dagdag pa rito ang ilampung bilyong piso na nawawala sa mga insentibang ibinibigay sa dayuhang puhunan, korupsyon, at di-pagbayad ng buwis ng malalaking dayuhan at lokal na kapital, hindi kataka-taka ang dambuhalang depisit sa kalakalan at sa badyet ng gobyerno. Sa unang tatlong taon ng rehimeng Arroyo, PhP 1.6 bilyon ang depisit sa kalakalan at umabot sa PhP 80 bilyon ang naipong depisit mula 1980. PhP1.1 bilyon na ang depisit sa kalakalan sa unang anim na buwan pa lamang ng 2004. Samantala, PhP 200 bilyon ang depisit sa badyet ng gobyerno noong 2003, halos 5% ng GDP. Doble ito sa target ng gobyernong Arroyo na PhP 98 bilyon, at pinakamasahol sa kasaysayan ng Pilipinas. Para mapunuan ang mga depisit sa kalakalan at sa badyet, lalo namang nababaon sa pagkakautang and Pilipinas. US$ 57.4 bilyon ang utang panlabas ng Pilipinas, kung saan US$ 40.2 bilyon o pitumpung porsyento ang utang ng gobyerno. Samantala ang kabuuang public debt o utang publiko ay lumobo na sa PhP 5.4 trilyon, kung saan PhP 3.4 trilyon o 63% nito ang utang ng gobyerno. Halos 70% ng revenues o kita ang napunta sa pagserbisyo lamang sa utang noong nakaraang taon, at nanganganib na umabot ito sa 80% sa taong ito. Balak ng rehimeng Arroyo na isangkalan ang masang sambayanan para mapigil ang pagbulusok ng ekonomya at makapanatili ito sa poder. Nais nitong magpataw ng samutsaring bagong buwis, magbawas ng gastos para sa mga serbisyo at benepisyong sosyal, at isulong ang pribatisasyon para makalikom ng dagdag na kita at kurakot. Sa halip na lunasan ang pagdarahop at kahirapan ng mamamayan, lalo lamang pinabibigat ang pasanin nila para sa pakinabang ng iilan. Dahil sa paglala ng krisis, mas madaling diktahan ng US ang papet na gobyernong Macapagal-Arroyo. Bumibilis ang pagsamsam ng mga dayuhang monopolyo sa likas na yaman ng Pilipinas at sa yamang likha ng anakpawis. Tumitindi ang interbensyong militar ng US at ang pang-uudyok nito sa papet na gobyerno na takutin at pagmalupitan ang mamamayan. Dumadalas ang lantarang sabwatan ng pwersang militar ng US at mga papet nito sa Pilipinas para takutin ang sambayanang Pilpino at maghamon sa mga kalapit-bansa katulad ng Tsina at Hilagang Korea. Sunud-sunurang tuta naman ang pangkating Macapagal-Arroyo sa dikta ng US. Mayor na dahilan ng pagtutulak nito ng pagsusog sa 1987 Saligang Batas ang pagbibigay sa kagustuhan ng US at iba pang dayuhang kapital na alisin ang natitirang mga proteksyon sa karapatang tao at kalayaang sibil, proteksyon sa pambansang patrimonya, at mga probisyong nagtataguyod at nagtatanggol sa pambansang soberanya at kasarinlan. Dahil sa garapal na pandaraya at labis-labis na gastos sa nakaraang eleksyon, higit na naging mabuway ang paghahari ng pangkating Arroyo. Natatakot ito sa pagbabalikwas ng mamamayan sa paglawak ng nagkakaisang hanay. Bigo ang mga panawagan nitong "rekonsilasyon" sa mga reaksyunaryong karibal sa pulitika. Anupa’t lubhang walang kredibilidad si Arroyo matapos makailang ulit na tumalikod sa kanyang salita. Sa kabilang banda tinatangka ng naghaharing pangkatin na sindakin ang nagpuprotesta at lumalabang mamamayan sa pamamagitan ng pandarahas ng militar at pulis. Determinado itong kumapit sa kapangyarihan upang sa gawing burukrata-kapitalista, makapangurakot at makapagpalaki ng pribadong yamang kapital at lupa habang nasa katungkulan. Mapangahas na isulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka! Kahit mabangis ang imperyalismong US at ang papet ng gobyerno, nabubulok ang mga ito sa kaloob-looban. Sa buong daigdig at sa US mismo, matagal nang hindi nalulutas ang krisis ng sistemang kapitalista. Lalong walang magagawa ang papet na rehimen para maiahon ang Pilipinas mula sa lokal na krisis sa ekonomya at pulitika. Sumadsad at nabalaho sa disyerto ng Iraq ang "Project New American Century" ni Bush at ang kapwa niya neo-konserbatibo, na naglalayong gawing sariling kaharian ng imperyalismong US ang buong daigdig. Bunga ito ng magiting ng paglaban ng mamamayang Iraqi sa okupasyon ng US at mga kaalyado nito, at sa pandaigdigang pagtutol, pagkondena at paglaban sa pananalasa, agresyon at interbensyon ng US at iba pang imperyalistang kapangyarihan sa mga soberanyong estado at mamamayan. Lubhang hindi sapat ang pag-atras ng rehimeng Arroyo sa mga tropang Pilipino mula sa Iraq para sabihing tinatalikuran na nito ang pagkapapet sa imperyalismong US at pagsuporta sa diumanong "gera laban sa terorismo". Nagpapatuloy, dumadalas at lumalawak ang saklaw ng mga "US-RP joint military exercises" lalo na sa mga lugar kung saan malakas ang BHB. Bukod sa "joint exercises" may iba’t ibang paraan at dahilan pa para tuluy-tuloy na nakakapagdeploy at nakakapanatili ang mga tropa at makapag-imbak ng mga kagamitang pandigma ang US sa Pilipinas, alinsunod sa VFA at MLSA. Patuloy na kinikilala ng Pilipinas ang imyuniti ng mga tropang US na mausig at masakdal sa paglabag sa mga karapatang tao at international humanitarian law, o war crimes and crimes against humanity. Patuloy ding inaayunan ng rehimeng Arroyo at ginagamit na pang-blackmail sa CPP-NPA-NDF ang pagbansag ng US sa CPP, NPA at sa Punong Pampulitikang Konsultant ng NDF bilang mga "terorista". Tulad ng nabanggit, balak pang gamitin ng rehimeng Arroyo ang pagsusog sa reaksyunaryong saligang batas para bigyang daan ang imperyalismong US na gawin ang gusto sa Pilipinas nang hindi nasasagkaan ng mga probisyon sa soberanya, karapatang tao, at kalayaang sibil. Tiyak na maihahain muli sa Kongreso ang isang "Anti-Terrorist Bill" na kahalintulad ng USA PATRIOT Act. Ipinakita kamakailan lamang ng marahas na pagsalakay ng mga pwersa ng estado sa demonstrasyon ng BAYAN at mga alyadong organisasyon na mapayapang nananawagan ng pag-aatras ng mga tropang Pilipino sa Iraq ang pasistang katangian at patakaran ng rehimeng Arroyo sa pagharap sa paglalantad at protesta ng mamamayan sa pagkatuta nito sa imperyalismong US. Dapat gamitin ng BAYAN at ng sambayanang Pilpino ang mga paborableng kondisyon sa pagsusulong ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Paunlarin ang lahat ng tipo ng alyansa. Tiyaking matatag ang batayang alyansa ng masang anakpawis. Walang makakadaig sa kombinasyon ng uring manggawa at magsasaka kung wastong pinamumunuan at pinakikilos ang mga ito. May 90% sila ng sambayanang Pilpino. Nakakapagpalawak at nakakapagpalakas ang mga kasaping organisasyon sa pamamagitan ng sariling pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos ayon sa sektoral na mga isyu at pakikibaka. Pero lahat nang ito’y mahigpit na ikinakawing sa pambansa-demokratikong kilusan, at isang sukatan nito ang paglahok ng mga sektoral na pwersa sa mga pagkilos kaugnay ng mga pambansang isyu. Kinakailangang pahusayin ang pagpuprograma at koordinasyon sa pagkilos kaugnay ng mga sektoral at pambansang isyu para mamaksimisa ang mga ito. Malaking bentahe ng BAYAN ang pagkakaroon ng matatatag at subok nang mga tsapter sa buong kapuluan. Mabisa ang mga salimbayan at sabay-sabay na mga mobilisasyon lalo na sa mga isyung may pambansang kabuluhan. Higit pa nating paramihin at palakasin ang mga tsapter at pahusayin ang pagkoordina at pamumuno sa mga ito. Dapat ding magbuo ng alyansa ng mga progresibong pwersa. Nagagawa ito sa pag-uugnay ng petibugesyang lunsod sa anakpawis. Nakikita natin ngayon ang bisa ng ganitong alyansa sa BAYAN. Kailangan din ang alyansa ng mga makabayang pwersa na magkasama ang panggitna o pambansang burgesya at mga progresibong pwersa. May ilang grupo at personahe na sa BAYAN na maituturing na kumakatawan sa pambansang burgesya. Sa ilang pagkakataon na matindi ang hidwaan at alitan ng mga reaksyunaryo, nakakaalyado natin maging ang mga reaksyunaryo na lumalaban sa pinakareaksyunaryong pangkating itinuturing nating pangunahing kaaway. Sa pamamagitan ng pinakamalawak na taktikal na mga alyansang linahukan ng mga reaksyunaryo, mabilis na naibagsak ang mga rehimen nina Marcos at Estrada. Walang ipinapakitang makabuluhang pagpapakatino ang rehimeng Macapagal-Arroyo. Nagpapatuloy ito sa sukdulang pagkapapet, korupsyon, brutalidad, panlilinlang at kasinungalingan. Kung magpatuloy itong ganito, nararapat lamang itong ihiwalay at gawing target ng walang puknat na kilos protesta at papalaking mga mobilisasyon ng susun-susong alyansa ng masa at ng mamamayan hanggang abutin ang pinakamalawak na alyansa at mga higanteng pagkilos na magpapabagsak sa rehimeng ito. Mataas ang aking tiwala na ibayong lalakas ang Bayan sa mga susunod na taon at maisusulong nito ang kilusan ng sambayanang Pilpino para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Itutuloy natin ang pakikibaka habang may pang-aapi at pagsasamanatala at hanggang matamo ang ganap na pambansang independensya, demokrasya, hustisya sosyal at lahatang panig na pag-unlad!###.### |
|