BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Mensahe Ng Pagbati Sa KARAPATAN Sa Okasyon Ng IKA-2 Kongreso
Nagagalak akong bumati at magpaabot ng pakikiisa sa mga kasapi at tagatangkilik ng KARAPATAN sa okasyon ng ika-2 Kongreso nito at sa pagdiriwang nito ng 9 na taon ng pagkilos para itaguyod ang karapatang tao at ipagtanggol ang pinagsasamantahang at inaaping mga uri, sektor, komunidad at mga individual. Nagpapasalamat ako sa pagbibigay ninyo sa akin ng Gawad Karapatan bilang pagkilala sa tinagurian ninyong ulirang pagkilos o ambag sa pagtataguyod at pagtatanggol sa mga karapatang tao. Tinatanggap ko ang Gawad hindi lamang sa aking ngalan kundi sa ngalan ng lahat na aking kasama sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Ang pinakakarapat-dapat na tumanggap ng Gawad na ito ay lahat ng martir na nag-alay ng kanilang buhay para ipaglaban ang karapatang tao. Napakahusay na pinagpupugayan at binibigyan ng KARAPATAN at nating lahat sila ng pinakamataas na parangal. Iminumungkahi ko ngayon na gawan ng mga album at bantayog ang mga martir magmula pa sa panahon ng pasistang diktadurang Marcos, laluna’t dahil sa kinokontrol ng mga reaksyonaryo ang paglilista at pagpaparangal sa mga martir. Ang KARAPATAN mismo ay dapat parangalan dahil sa matapat at masigasig na pagsisikap at mga tagumpay nito na itaguyod at ipagtanggol ang mga karapatang tao anuman ang hirap at panganib. Nakakalungkot subalit nakakapagbigay ng inspirasyong walang hanggan ang pagkamartir ng mga aktibista sa pangangalanga sa mga karapatang tao. Sang-ayon ako sa inyong panawagang puspusang itaguyod at ipagtanggol ang karapatang tao ng mga mamamayan sa gitna ng tumitinding atake ng imperyalismo at pasismo. Ipagpatuloy natin ang pakikibaka ng ating mga martir para sa makatarungan, mapayapa at demokratiking lipunan. Umaasa akong matutupad ninyo ang mga panghalatang layunin, katulad ng pagkonsolida sa mga tagumpay ninyo sa nakaraang 9 na taon at pagkaisahin ang mga kasapi ng Alyansa sa susunod na tatlong taon, ang pagpapalaganap sa pamana ng mga martir sa gawain ng karapatang tao para maging inspirasyon at gabay sa mga kasapi ng Alyansa at pagpapatalas ng mga kasanayan sa gawaing dokumentasyon upang mapahusay ang pagtulong sa Joint Monitoring Committee na bunga ng Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa Karapatang Tao at Internasyonal na Makataong Batas. May tiwala akong matutukoy ninyo ang mga kalakasan, kahinaan at suliranin para mabalangkas at mabuo ninyo ang plano para sa susunod na 3 taon, mahahalal ninyo ang matatag at masipag na pambansang pamunuan, mapagkakaisa ninyo ang Alyansa sa dokumentasyon, mapapataas ang diwang mapanlaban sa harap ng mga kahirapan at panganib at tataglayin ninyong lagi ang inspirasyon ng mga martir. Lalong titindi ang pagsasamantala at pang-aapi at lalaganap ang mga paglabag sa karapatang tao dahil sa paglubha ng krisis ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo at ng naghaharing uri ng malalaking komprador at asenedero. Kung gayon, lalaki at bibigat ang inyong gawain, responsabilidad, kahirapan at sakripisyo; at mag-iibayo ang inyong mga pagsisikap para tugunan at angkupan ang mga ito. Natitiyak ko na aani kayo ng mas marami pang tagumpay. Higit ninyong mapapalakas ang KARAPATAN at mapalalaki ang ambag sa pangkalatang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa ganap na pambansang kasarinlan, demokrasya at makatarungang kapayapaan. Mabuhay ang KARAPATAN!
|
|