BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Mensahe Ng Pakikiisa Sa KMP Ni Jose Maria Sison Malugod kong ipinaaabot sa pamunuan at kasapian ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang mahigpit at militanteng pakikiisa sa okasyon ng ika-19 na anibersaryo ng KMP. Maningning ang mga tagumpay ng KMP sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa ng mga magbubukid sa pangkalahatang linya ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya at sa pagtataguyod ng tunay at puspusang reporma sa lupa bilang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon. Angkop na ipagdiwang ang inyong mga tagumpay. Nagbibigay ang mga ito ng batayan at inspirasyon para higit pang patatagin ang hanay at ibayong isulong ang pakikibaka ng mga magbubukid at masang anakpawis. Sa pamamagitan ng paglalagom ng karanasan at paghango ng mga aral, mapapatibay ang batayan ng inyong pagsulong sa pakikibaka. Subalit huwag isahang panig na tingnan ang mga tagumpay lamang. Tingnan din ang mga pagkakamali at pagkukulang sa paghango ng mga aral at pagtakda ng mga tungkulin. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng KMP sa pambansa at panlipunang pagpapalaya ng sambayanang Pilipino. Pananagutan ninyo ang pagpapakilos sa pinakamalaking bahagi ng lipunan. Kung mabisa at mabunga ang pagkilos sa hanay ng mga magbubukid, magiging ganoon din ang pagkilos sa hanay ng ibang inaaping uri at sa sambayanan. Palubha nang palubha ang krisis ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo at ng lokal na naghaharing sistema ng malalaking komprador at asendero. Patindi nang patindi ang pang-aapi sa masang magbubukid at sambayang Pilpilino. Walang pag-asang makaahon sa hirap ang mga mamamayan kundi sa pamamagitan ng kanilang pakikibaka. Laging naninibasib at naghahasik ng lagim ang mga tunay na terorista, mga imperyalistang Amerikano at ang naghaharing pangkating Macapagal-Arroyo. Gusto nilang sindakin at takutin ang mga mamamayan sa pamamagitan ng marahas na panunupil. Subalit kita natin lahat na ang sistema ng kaaway ay bulok, bangkarote, marupok at desperado. Kaya nating labanan at gapiin ito. Mataba ang lupa para sa makabayan at demokratikong kilusang mabubukid. Malaki ang aking tiwala na laging mahusay ang inyong pagpupunla at makakaani kayo ng mas marami pang tagumpay. Sa kalaunan, magagapi natin ang dayuhang monopolyo kapitalismo, piyudalismo at burukrata kapitalismo at makakamit natin ang ganap na tagumpay sa pambansa demokratikong kilusan. Mabuhay ang Kilusang Magbubid ng Pilpinias! |
|
||||||||||||||||||||