BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Mensahe ng Pakikipagkaisa sa Espesyal na Kumbensyon ng OLALIA-KMU 23 Pebrero 2003 Nais kong ipaabot ang pinakamilitanteng pagbati ng pakikipagkaisa sa lahat ng lider at kasapi ng Organized Labor Association in Line Industries and Agriculture (OLALIA-KMU) sa idinaraos ninyong espesyal na kubensyon. Angkop at napapanahon ang napili ninyong tema, "Ibayong palakasin at patatagin ang pagkakaisa ng manggagawa laban sa teroristang atake. Labanan ang teroristang atake ng rehimeng US-GMA sa sahod, trabaho at karapatan ng manggagawa!" Higit kailanman sa nakaraan, lubhang nahihiwalay ang imperyalismong US at ang mga kampon nito, kabilang ang rehimeng Macapagal-Arroyo. Milyung-milyong mamamayan sa buong daigdig ang hayagang nagpuprotesta sa lansakang agresyon at walang pakundanang paglabag ng imperyalismong US sa internasyunal na batas at internasyunal na makataong batas. Mabilis na nahuhubaran ang balatkayong kontra-terorismo ng US at nailalantad ito bilang numero unong terorista sa buong mundo. Palibhasa y walang malamang gawin kundi ang sumayaw sa tugtog ng kanyang imperyalistang among si Bush, ganap na ring nahihiwalay si Macapagal-Arroyo habang igigiit niya ang mga anti-nasyunal at anti-mamamayang patakaran at hakbangin. Kabilang dito ang walang habas na pagpapanatili sa mababang sahod, pagtanggal sa trabaho, at pagsalakay sa mga karapatan ng mga manggagawa. Lalo lamang nitong pinagagalit at itinutulak sa paglaban ang malawak na masang anakpawis na higit na nabubulid sa di na mabatang kahirapan, pang-aapi t pagsasamantala. Alinsunod sa kumpas ng superteroristang US, pinatitindi ni Macapagal-Arroyo ang higit na buktot at mapanupil na pasistang mga hakbang sa maling pag-aakalang masasawata nito ang paglaban ng mamamayan para sa kanilang mga saligang karapatan. Tumpak lamang na pag-ibayuhin at patibayin ng uring manggagawa ang pagkakaisa nito sa pakikibaka para sa makauring interes. Kailangan ito para maipatupad ang kasalukuyang tungkuling pamunuan ang buong sambabayan sa paglantad at paglaban sa teroristang mga pakana ng rehimeng US-GMA. Kailangan nitong isulong hindi lamang ang interes ng mga manggawa kundi ang interes ng buong sambayanan sa pamamagitan ng pagsulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Lubos kong hinahangad ang tagumpay ng inyong kumbensyon. Mabuhay ang OLALIA-KMU! Mabuhay ang uring manggagawa! Mabuhay ang sambayanang Pilipino! Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon!
|
|