BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
MENSAHE SA PAGLULUNSAD NG MAKIBAKA PARA SA PAMBANSANG DEMOKRASYA Bilang mayakda, natutuwa ako na ang aking aklat na Struggle for National Democracy ay inilathala sa Pilipino. Taimtim ang aking pasasalamat sa Amado V. Hernandez Resource Center, sa College Editors’ Guild, sa mga tagasalin at sa pamatnugutan na namahala sa paglathala ng aklat. Gayundin ay pinasasalamatan ko si Propesor Edberto M. Villegas sa kanyang seryoso at matimbang na paunang salita. Ikinagagalak ko na malaman mula sa inyo na ang Makibaka para sa Pambansang Demokrasya ay itinuturing bilang isang klasiko at batayang aralin, lalo sa hanay ng mga Kabataang aktibista sa kilusang pambansa-demnokratiko. Ang aklat ay mananatiling makabuluhan, makatuturan at maysilbi habang nananatili pa rin ang sistemang malakolonyal at malapyudal at kailangang ipagpatuloy ang rebolusyong pambansa-demokratiko laban sa imperyalismong Amerikano at mga katutubong mapagsamantalang uri ng malaking comprador at panginoong maylupa. Inaayunan ko ang lahat ng nagpunyaging ilathala ang edisyong Pilipino na ito ay magiging higit pang mabisang sandata kaysa mga dating edisyon sa Ingles dahil sa madali itong magagap ng higit na maraming mambabasang Pilipino. Umaasa ako na ang mga mambabasa ay mabibigyang-sigla na lumahok sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at Demokrasya laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Ang kanilang pagsapol sa aklat ay maiugnay sana sa mga akdang rebolusyonaryo at pakikibakang masa ng sambayanang Pilipino magmula 1967 nang mailathala ang unang edisyon ng aklat. Ipinananawagan ko sa kanila na palaganapin ang mga batayang prinsipyo sa aklat at tiyakin ang pagpapanibagongsigla ng kilusang pambansa-demokratiko sa hanay ng kabataan at ng sambayanan.
Jose Maria Sison |
|