BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present

 
 

Home

About the INPS

Focus on JMS

Important Announcements

Activities & Photos, 2001 - Present

Archival Photos

Press Statements & Interviews, 2001 - Present

Brief Messages & Letters, 2001 - Present

Articles & Speeches, 2001 - Present

Articles & Speeches, 1991 - 2000

Poetry

Display of Books

Bibliography 1991 - 2000

Bibliography 1961 - 1990

Documents of Legal Cases

Defend Sison Campaign

Letters to Jose Maria Sison

Feedbacks

Links

 


Mensahe sa Pagtitipon ng Kabataan

Ni Jose Maria Sison
Pangulong Tagapagtatag ng Kabataang Makabayan
8 Pebrero 2005

Mga mahal na kapwa aktibista,

Taus-puso akong nagpapasalamat sa inyong pagbati at pagsasaalaala at pagsuporta sa akin sa araw na ito. Mainam na ginawa ninyo itong pagkakataon para lalong alamin ang aking panininidigan sa mahahalagang mga usapin, gayundin sa paglabag sa aking mga karapatan, at sa mga pahirap at pagbabanta na aking kaharap ngayon.

Malawak at malalim ang poot ng masang anakpawis sa malubhang krisis ng pandaidigang sistema ng kapitalismo at ng lokal na naghaharing sistema. Patindi nang patindi ang pang-aapi at pagsasamantala. Maliwanag na bangkarote ang bombastiko at mapanlinlang na umano'y "free market globalization". Ang paghihirap na dulot nito ay nag-uudyok sa mga mamamayang lumaban at nagbubunga ng ibat ibang anyo ng organisadong pakikibaka.

Sa halip na humingi ng patawad, ang mga imperyalistang Amerikano at mga alipuris nila sa ating bansa ay lalo pang nagiging mabangis at malupit para sindakin ang mga . mamamayan. Sa ngalan ng "digma laban sa terror", linalabag nila ang nasyonal at demokratikong mga karapatan. Nagbubunsod sila ng terorismo ng estado at ipinagmamalaki ang mga agresyon at interbensiyong military ng Estados Unidos.

Sa tangka nilang pagtakpan ang kanilang mga krimen at linlangin ang mga mamamayan, ang mga imperyalista at pinakapusakal na mga papet nila-na pawang mga tunay na terorista-ay pinaparatangan na terorista ang mga aping mamamayan na nakikibaka para sa pambansang kalayaan, ang mga bansang nagtataguyod ng pambansang kasarinlan at ang mga anti-imperyalistang kilusan at mga lider nito.

Sa ganitong konteksto tayo tinaguriang mga "terorista". Ang Numero Unong terorista sa daigdig at sa buong kasaysayan ng sangkatauhan, ang Estados Unidos, ang pasimuno sa mapanlinlang ng paglilista ng mga binansagang "terorista". Sumunod naman dito ang iba pang mga imperyalistang gobyerno.

Nagsabwatan ang Estados Unidos at papet na rehimen ni Arroyo sa paglista sa Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at punong consultant ng Pambansang Demokratikong Hanay ng Pilipinas bilang mga "terorista". Linabag nila ang mga umiiral na kasunduan sa pagitan ng reaksyonaryong gobyerno at rebolusyonaryong hanay.

Kabilang dito ang mga kasunduang may probisyon tungkol sa pagsunod sa prinsipyo ng pambansang kasarinlan, mga garantiya ng kaligtasan at imunidad para sa mga taong awtorisadong nasa negosasyon at pagrespeto sa mga karapatan ng mga rebolusyonaryo, laluna ang doktrina ng Hernandez na nagbabawal sa pagturing sa kanila bilang mga komun na criminal.

Kung gayon, maliwanag na hindi na puedeng pormal na mag-usap ang rebolusyonaryong hanay at reaksyonaryong gobyerno ng Manila habang wala pang ginagawang pagtutuwid ng reaksyonaryong gobyerno sa mga paglabag nito sa mga kasunduan. Naging maliwanag na rin na walang ibang pakay ang paglilista ng mga tinaguriang "terorista" kundi tangkaing sindakin at itulak ang rebolusyonaryong hanay sa kapitulasyon at pasipikasyon sa pamamagitan ng matagalang tigil-putukan

Pati ang pipityuging mga repormista at pakunwaring pumupuna sa imperyalismo ay aktibong ginagamit ng imperyalista at mga pusakal na papet nito para siraan ang mga pwersang rebolusyonaryo. Orkestrado ang kampanya ng kasinungalin at madudugong salakay laban sa mga rebolusyonaryong pwersa at sambayanang Pilipino. Dapat tayong maging mapagmatyag at militante laban sa mga prontal na salakay ng lantarang kaaway, gayundin sa mga patalikod at patagilid na salakay ng mga nagbabalatkayong progresibo.

Hindi mahirap ilantad ang mga repormista. Gumagamit sila ng bombastikong karatula ng "civil society". Ibig sabihin nito, sila ay mga tapat at masunuring citizen ng marahas at mapagsamatang estado at laban sila sa rebolusyon na kinakantyawan nilang hindi sibil dahil marahas. Ipinagyayabang din nila na puedeng magreporma at maging mabuti ang mapagsamanatalang sistema sa pamamagitan ng sibil na ugnayan ng masang inaapi, estado at mga mapang-aping uri.

Mga sinungaling at korap ang mga repormista. Madali silang ilantad bilang mga bayaran ng mga imperyalista at reaksyonaryong estado dahil ang pinupuntirya nilang lagi ay ang mga gumagamit na pinakamabisang sandata laban sa mga iyon. Hindi nakapagtataka kung bakit dumadaloy sa kanila ang pera mula sa mga opisyal na ahensya ng mga imperyalistang gobyerno at mga pribadong pundasyon ng mga monopolista. Dapat ilantad ang lahat ng perang nakukuha nila mula sa mga imperyalista, pati na yong mula sa mga ahensiya ng paniniktik at propaganda.

Ang malubhang krisis ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo at lokal na naghaharing sistema ay nagbubunsod ng mga kondisyong paborable para sa paglakas ng mga legal na pwersang progresibo at mga pwersang rebolusyonaryo ng pambansang demokratikong kilusan ng sambayanang Pilipino.

Sa kasalukuyan, bulok sa kaibuturan at banat na banat ang pwersa ng mga imperyalista at pinamasasahol na papet nila. Dumarami at napapadali ang mga pagkakataon ng mga progresibo at mga rebolusyonaryong pwersa na magbigay ng maririing dagok sa mga halimaw para pahinain, ihiwalay at gapiin sila. Dumidilim nang dumidilim ang daigdig ng mga halimaw at lumalakas ang pakikibaka ng mga mamamayan ng Pilipinas at ng daigdig para tumungo sa liwanag ng pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.

Maraming salamat muli sa inyo. Dahil sa inyong pagtangkilik, ibayong pagsisikapan kong mag-ambag sa patuloy na paglakas at pagsulong ng mga organisadong pwersa at masang Pilipino sa pambansang demokratikong kilusan laban sa imperyalismo at mga lokal na uri ng malalaking komprador at asendero.

Mabuhay kayo!
Mabuhay tayong lahat!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
###


what's new