|
MENSAHE NG PAKIKIISA
SA ASAMBLEYA NG PAGTATATAG NG MAKABAYAN
Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples' Struggle
Abril 16, 2009
Mga mahal kong kababayan,
Pagkat naging tagapangulo ako ng Preparatory Commission na nagtatag noong 1986
ng Partido ng Bayan, na agad namang sinupil ng mga sukdulang reaksyunaryo, labis
kong ikinatutuwa ang matingkad na tagumpay ng mga progresibong grupong party
list sa eleksyon noong 2001, 2004 at 2007 at ang kasalukuyang inisyatiba nila na itatag
ang Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o sa maigsing salita'y Makabayan. Ipinaaabot
ko ang pinakamainit na pagbati ng pakikiisa sa kanilang lahat, sa mga pinunong pambansa
at rehiyunal, sa mga personahe at daan-daang aktibistang masa mula sa iba't ibang
organisasyon ng mamamayan na nakatipon ngayon sa asambleyang ito ng pagtatatag
ng Makabayan.
Isa itong makasaysayang okasyon na naghuhudyat, partikular sa larangan ng pakikibakang
elektoral, ng mayor na pagsulong ng kilusan ng mamamayan para sa tunay na kasarinlang
pambansa, demokrasya, katarungang panlipunan at lahatang panig na pag-unlad. Pinupuri
at binabati ko ang Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela sa pagsisimula ng pagbubuo ng Makabayan
bilang koalisyon ng mga partido para pagkaisahin ang malawak na masa ng mamamayan at
pakilusin sila para sa makabuluhang pagbabago ayon sa kanilang pambansa at demokratikong
mga karapatan at interes.
Napapanahon ang pagtatatag ng Makabayan. Konsolidasyon ito ng mga tagumpay sa
pakikibakang elektoral ng mga progresibong grupong party list at mga kaugnayang organisasyong
masa. Maagap na paghahanda ito para sa eleksyon sa 2010. Nilalabanan nito ang mga pakana
ng rehimeng US-Arroyo para itulak ang charter change, patagalin ang kapangyarihan ng pangkating
Arroyo o dayain ang eleksyon sa 2010 at paburan ang mga pinakasagadsaring reaksyunaryo.
Nakakaambag ito sa pagpapalakas ng malawak na hanay ng mga pwersang oposisyon laban sa
kinamumuhiang rehimen.
Ang Makabayan ay isang pormidableng kombinasyon ng mga pwersang patriyotiko at makabayan
kung ikukompara sa watak-watak na kalagayan ng tradisyunal na mga oposisyong pulitikal. Kahit
ngayon mismo, mailalarawan ito bilang pinakamalakas na pwersang oposisyon dahil sa pagiging
pinakaprinsipyadong kasangkapan ng mamamayan, pagkakaroon nito ng pinakamakatwirang
platapormang patriyotiko at progresibo, pagtitipon dito ng pinakamatapat at pinakaaktibong
mga boluntir sa paglilingkod sa sambayanan at pagtatamasa nito ng pinakamalakas at
pinakamaaasahang baseng masa sa pambansang saklaw.
Nasa ubod ng Makabayan ang mga progresibong grupong party list at kanilang mga lider at
kasapi na nakapagpatunay na ng integridad at kahusayan nila sa paglilingkod sa sambayanan.
Ibang-iba sila sa mga pulitikong tradisyunal. Subok na subok sila sa paglaban sa mga tukso ng
pagkapapet at korupsyon. Naranasan na nilang sumailalim sa pinakabuktot na mga porma ng
paninira at paniniil. Napangibabawan nila ang mga ito at naging higit pa silang determinado na
ipaglaban ang mga pambansa at demokratikong karapatan at interes ng mamamayan.
Sa patnubay ng Deklarasyon ng Pagkakaisa at Mga Alituntunin ng Organisasyon tiyak na higit
pang lalakas ang Makabayan. Tumutugon ang inyong mga prinsipyo at pangkalahatang programa
sa kahingian ng mamamayan para sa pulitika ng pagbabagong pundamental at mga repormang
malaman, para sa mahusay na pamamahala, para sa pag-aahon sa mahihirap, para sa ekonomikong
pag-unlad na maka-Pilipino, para sa panganglaga sa kapaligiran, para sa pagtataguyod sa pambansang
soberanya at pagpapatibay ng nagsasariling patakarang panlabas, para sa pagtatanggol ng mga
demokratikong karapatan ng mamamayan, para sa pagsusulong ng kulturang Pilipino at para sa
pagtamo ng katarungan at kapayapaan. Makatarungan at kaakit-akit ang inyong adhikain.
Sa harap ng kabulukan at lumalalang krisis ng naghaharing sistemang lokal at ng kapitalistang
sistema ng daigdig, napakahalaga at kagyat na kailangan ang tema ng inyong asambleya ng
pagtatatag: "Pilipino para sa pagbabago! Pagbabago para sa Pilipino!" Itong hudyat na panawagan
ninyo ay ipinapaliwanag ng inyong panukalang plataporma para sa eleksyong 2010. Naninindigan
kayo para sa pulitika ng pagbabago at reporma laban sa pulitika ng status quo at reaksyon. Taglay
ninyo hindi lamang ang mga prinsipyo na gagabay sa inyo sa matagalan kundi maging ang kongkretong
mga plano na magsisilbi sa kagyat na mga pangangailangan at kahingian ng mamamayan, lalo na sa
panahong ito na dinaranas nila ang sukdulang pang-aapi at pagsasamantala.
Ang pasimuno ng US na patakarang "neoliberal globalization" at "global war of terror" ay nagbunsod
ng walang kaparis na krisis sa ekonomya at pulitika sa saklaw ng daigdig mula noong matapos ang
Ikalawang Digmaan sa Daigdig. Kasuklam-suklam ang rehimeng Arroyo sa pangangayupapa nito sa
ganitong mga patakaran at sa pagpapalala sa kabulukan ng naghaharing sistemang malakolonyal at
malapyudal. Kinakaharap natin ngayon ang isang krisis na sosyo-ekonomiko at pulitikal na sa laki'y
walang katulad mula noong Ikalawang Digmaan sa Daigdig.
Sinasalanta ng sosyo-ekonomikong krisis ang buhay ng malawak na masa ng mamamayan dahil sa
mabilis na pagdami ng walang trabaho, paglubog ng mga antas ng kita, paglipad ng presyo ng
mga batayang kalakal at serbisyo at iba pang dimabatang kondisyon. Kinatatangian ang krisis sa
pulitika ng walang patumanggang pag-atake ng naghaharing pangkatin sa mga karibal nito sa loob
ng sistema at sa malawak na masa ng sambayanan. Dinaranas ng mamamayan ang papatinding
pagsasamantala at pang-aapi. Itinutulak nito ang mamamayan sa paglaban at sa paghahangad
na baguhin hindi lamang ang kasalukuyang rehimen kundi ang buong naghaharing sistema.
Sa tingin ko, hindi posible na makagawa ng pundamental na pagbabago sa naghaharing sistema
sa pamamagitan ng pana-panahong eleksyon sa ilalim ng mga regulasyong takda ng mga uring
mapagsamantala at mga ahente nila sa pulitika. May iba't ibang porma ng pakikibakang masa para
sa rebolusyonaryong pagbabago na kayang ipatupad ng mamamayan. Pero mahalaga at kailangan
ang pormang elektoral ng pakikibakang masa kapag nagiging posible ang partisipasyon ng mga
pwersang patriyotiko at progresibo at naisusulong nila ang mga batayang reporma na tumutugon
sa kagyat na mga pangangailangan at kahingian ng mamamayan.
Ang elektoral na porma ng pakikibaka ay maaaring maging mayor na bahagi ng kilusan sa pagpukaw,
pag-organisa at pagmobilisa ng mamamayan sa pagtamo ng kagyat na mga batayang reporma o ng
ultimong layunin ng rebolusyong panlipunan. Walang kamaliang elektoralismo o parlamentarismo
kapag walang pagsasara sa ibang mga porma ng pakikibaka na tanging mamamayan ang may
soberanong karapatang magpasya at maglunsad. Wala ring kamaliang repormismo kapag walang
pontipikasyon na tanging pakikibaka para sa reporma lamang ang mapipili ng sambayanan.
Inspirado ng matatayog na prinsipyo ang Makabayan at kailangan nito ang matatag na pagtalima
sa mga ito. Pero kailangang maging pleksible ito kaugnay ng patakaran para epektibong
makapagsagawa ng pakikibakang elektoral. Sapat ang lapad nito sa pagkakaroon ng baseng
masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka, gitnang saray ng lipunan at mga mayor
na sektor gaya ng kababaihan, kabataan, iba't ibang tipo ng propesyunal at mga aktibistang
panlipunan sa iba't ibang usapin tulad ng karapatang tao, kaunlaran, kapayapaan, kapaligiran
at iba pa. Pero kailangang handa kayo na higit na mapalapad ang nagkakaisang hanay, pormal
man o hindi, sa pagkuha ng kooperasyon ng tukoy na mga seksyon ng naghaharing uri para
ihiwalay at talunin ang mga pinakapusakal na reaksyunaryo sa bawat panahon.
Gaya ng nauna ko nang tinukoy, malakas na koalisyon ang Makabayan sa sarili nito batay sa ilang
dahilan. Pero may mga limitasyon din ito. Maaaring malakas sa bilang at kakayahan ang mga aktibista
na mataas ang motibasyon at ang baseng masa ng Makabayan sa ilang lugar pero maaaring hindi sila
ganoong kalakas sa ibang lugar. Depinidong wala pang mga rekursong pinansyal at materyal ang
Makabayan para magpatakbo ng kompletong bilang ng sariling mga kandidatong pambansa at lokal.
May pangangailangan kung gayon na pumasok kayo sa dagdag na mga alyansang bilateral at
multilateral sa ibang mga entidad gaya ng mga koalisyon, partido, grupo, personahe at kandidato.
Sa sarili nito, kahit hindi pumasok sa anumang mas malapad na koalisyo'y makakapagpatakbo ang
Makabayan ng ilang kandidato para sa Senado at maraming kandidato para sa Kamara de Representate
at sa mga lokal na opisinang ehekutibo. Pero tiyak na kailangan ang pagpapalapad ng koalisyon o
alyansa sa antas pambansa para may kasama sa pagtatakda ng posibleng pinakamahusay na mga
kandidatong presidente at bise presidente at makatiyak na manalo ang mga kandidatong pinili ng
Makabayan para sa Senado. Kailangan din ang mas malapad na mga alyansa sa mga rehiyon, probinsya,
distrito at munisipyo sa pagpili ng posibleng pinakamahusay na mga kandidato para sa Kamara de
Representante at mga opisinang ehekutibo mula sa antas ng gobernador pababa.
Para maging tunay na pwersang pulitikal na nagsusulong ng pulitika ng pagbabago at reporma,
nararapat na laging malapit ang Makabayan sa mamamayan, lalo na sa anakpawis na mga manggagawa
at magsasaka, nang natututo sa kanila, nagtitiwala sa kanila at sumasalig sa kanila. Sa pagsunod sa
ganitong linyang masa, matututunan ninyo kung paano pinakamahusay na maisasagawa ang edukasyon
sa pulitika, mapalalaki ang inyong organisadong lakas at mapapakilos ang masa para kondenahin ang
mapang-api at mapagsamantalang katangian at patakaran ng gobyernong reaksyunaryo at sikaping
kamtin ang mga kagyat na batayang reporma sa lipunan, ekonomya, pulitika at kultura tungo sa
pundamental na transpormasyon ng lipunan.
Dapat laging sikapin ng Makabayan na makapagkamit ng kapangyarihan ang mamamayan at gawin
ninyo ang pinakamahusay na makakaya para katawanin at paglingkuran sila sa gobyernong nanatili
pang reaksyunaryo sa ilalim ng kontrol ng mga ahente sa pulitika ng mga uring nagsasamantala.
Posible lamang ang repormang malaman kapag ang mga elementong patriyotiko at progresibo ng
Makabayan at ng ibang naliliwanagang mga grupo ay humahango ng lakas at suporta mula sa mga
protesta at kahingian ng kilusang masa at kapag lalong nailalantad at naihihiwalay ang mga pulitiko
ng status quo at reaksyon.
Hangad ko para sa inyong asambleya ng pagtatatag ang lubos na tagumpay sa pagtatalakay at
pagtitibay ng mga batayang dokumento, sa pagtatasa ng kasalukuyan at potensyal na lakas
ng koalisyon at mga sangkap nito, sa pagsusuri sa larangan ng pakikibakang elektoral, sa
panimulang pagpuno sa istruktura ng inyong organisasyon at sa pagbibigay ng inspirasyon sa
mabilis na paglago ninyo at karagdagang pakikipagalyansa sa ibang mga pwersang pulitikal. May
tiwala ako na isusulong ng Makabayan ang pulitika ng pagbabago sa linyang patriyotiko at progresibo
at madadala nito sa bago at mas mataas na antas ang pagkakaisa at kakayahang lumaban ng
mamamayan para sa pagpapalaya ng bansa at ng lipunan.
Mabuhay ang Makabayan!
Isulong ang pulitika ng pagbabago!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
|
|