BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present

 
 

Home

About the INPS

Focus on JMS

Important Announcements

Activities & Photos, 2001 - Present

Archival Photos

Press Statements & Interviews, 2001 - Present

Brief Messages & Letters, 2001 - Present

Articles & Speeches, 2001 - Present

Articles & Speeches, 1991 - 2000

Poetry

Display of Books

Bibliography 1991 - 2000

Bibliography 1961 - 1990

Documents of Legal Cases

Defend Sison Campaign

Letters to Jose Maria Sison

Feedbacks

Links

 


Mensahe ng Pakikiisa sa Ika – 4 na Pambansang Kumbensyon ng Ilaw at Buklod ng Manggagawa – Kilusang Mayo Uno

Ni Prof. Jose Maria Sison
Chief Political Consultant, NDFP Negotiating Panel
General Consultant, ILPS

Ika-14 ng Setyembre, 2003

Maraming salamat sa paanyaya ni Kasamang William B. Merene, pambansang pangulo, na ako ay bumati, makiisa at makibahagi sa ika-4 na pambansang kombensyon ng Ilaw at Buklod ng Manggagawa-Kilusang Mayo Uno (IBM-KMU). Malugod kong tinatanggap ang paanyaya at ikinagagalak kong ipaabot ang aking mainit at mapulang pagbati ng pakikisa sa lahat ng unyon, opisyales at kasapian ng IBM-KMU.

Maraming salamat din sa pagpapaabot ninyo ng 40 pahina ng impormatibong babasahin. Napakahusay ito na batayan upang alamin at unawain ang kasaysayan, kalagayan, mga balak at tungkulin ng IBM-KMU. Humahanga ako sa mahusay na paghahanda ninyo ng kombensyon at mataas ang aking pagtitiwala na magiging matagumpay ito.

Maningning na Kasaysayan

Maningning ang kasaysayan ng pakikibaka ng mga manggagawa sa San Miguel Corporation na ngayon ay tinatawag na San Miguel Group of Companies.. Kayo’y dumaan sa maraming mahirap na pakikibaka. Subalit dahil dito kayo’y napanday at naging matatag. Nagpupugay ako sa inyong lahat sa pederasyon dahil sa inyong walang-pagod at walang-takot na pakikibaka at dahil sa mga tagumpay na inyong kinamit.

Laging malapit sa aking puso ang IBM at mga manggagawa ng San Miguel. Tuwirang kalahok ako sa mga pagpupunyagi noong dekada ng 60 na pasulungin ang gawaing unyon at ipasok sa pangkalahatang linya ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya sa pamumuno ng uring manggagawa. Kahit abala ako noon sa hanapbuhay bilang guro at sa gawaing panghimpilan sa Lapiang Manggagawa at Kabataang Makabayan, madalas akong makipagtagpo sa mga unyonista ng IBM at karaniwang manggagawa sa Otis, Pandacan at sa ilang komunidad.

Mula sa aming pagpupunla, naipagpatuloy ang ugnayan sa IBM sa pamamagitan ng pederasyong KASAMA at lihim na kawanihan ng mga unyon sa panahon ng batas military hanggang pumasok ang IBM sa balangkas ng KMU. Anuman ang hirap ng kalagayan at pakikibaka, nanatili sa IBM ang ilang unyonista na umunlad ang kamalayan sa pagsapol ng palagiang krisis ng pandaigdigang kapitalismo at ng local na naghaharing sistema ng mga malaking komprador at asendero, gayundin sa pangangailangan ng pambansang demokratikong rebolusyon tungo sa sosyalistang rebolusyon.

Kasama ninyo ako ngayon sa pagpaparangal sa mga naunang kasamang lider manggagawa sa SMC na nagsimula at nagpatuloy ng gawain sa pagsusulong ng pakikibaka tulad nina Ka Gerardo "Gerry" Montales ng B-Meg, Ka Bay Torino ng GSD, Ka Severino "Boy" Meron ng Metal Closure & Lithography Plant at Ka Emil Santos ng Magnolia Ice Cream, pawang tagapagtatag ng Katipunan ng mga Makabayang Manggagawa. Pinapasasalamatan natin sila sa kanilang di-matatawarang ambag sa pagsusulong ng pakikibaka ng manggagawa sa SMC, sa progresibong kilusang unyon at sa kilusan ng mamamayan para sa pambansang demokrasya.

Pakikiisa sa mga Panawagan

Lubos akong nakikiisa sa mga panawagan sa tema ng inyong kumbensyon: Manggagawa magkaisa! Ipagtanggol at ipaglaban ang mga nakamit na tagumpay sa ekonomya at pulitika! Labanan ang atake sa sahod, trabaho at karapatan! Konsolidahin, patatagin ang kasapian ng unyon, isulong, ipaglaban ang mas mataas na pakinabang sa ekonomya at pulitika! Isulong ang tunay, palaban, makabayang unyonismo!

Natitiyak kong maraming tagumpay ang makakamit ninyo sa mga darating na pakikibaka. Batay sa karanasan, pag-aaral at mga talakayan sa kombensyong ito, mulat kayo sa mga pangangailangan para ibayong palaganapin ang tamang pampulitikang edukasyon, organisahin ang mas marami pang manggagawa sa iba’t ibang empresa ng San Miguel Group of Companies at pakilusin ang mga manggagawa sa mga pabrika, komunidad at lansangan.

Pag-ibayuhin ang inyong talino, giting, sigasig at pagmamatyag. Pinupuntirya ang IBM-KMU ng magkasabwat na atake at pangwawasak ng reaksyunaryong gobyerno, ng malaking burges kumprador na si Cojuangco at mga oportunistang taksil dahil sa laki ng interes ng mga sakim sa San Miguel bilang Numero Unong empresa sa pagmamanupaktura at dahil sa inyong matibay na paninindigan sa tunay, palaban at makabayang unyonismo.

Ayon sa mga huling balita, umiigting ang kontradiksiyon sa pagitan ni Gloria Macapagal-Arroyo at Eduardo Cojuangco kaugnay ng ilang desisyon ng hukuman laban sa huli at kaugnay na rin ng halalang 2004. Pinaghihinalaan ni Gloria na si Danding ang nagbibigay ng pera sa mga opisyal na militar para yanigin si Gloria at bigyan-daan si Danding na ialok ang sarili sa bayan at itambol ang "Danding for national unity". Subalit tandaan na kahit na nag-aalitan ang dalawa sa kurakot, nagkakaisa sila laban sa mga manggagawa.

Sa batas ng pag-iral ng kapitalismo, nagkakamal ng mas malaking tubo at nakapagpapalaki ng palagiang kapital (kagamitan at sangkap sa produksyon) ang mga kapitalista dahil sa pinapababa nila ang tunay na pasahod at binabawasan ang bilang ng mga manggagawa. Ganyan ang nangyayari sa San Miguel Corporation. Habang palaki ang palagiang kapital ng SMC, pabagsak ang antas ng tunay na pasahod. Wala ring habol sa tantos ng implasyon at debalwasyon ng peso. Noong 1989, ang bilang ng manggagawa ay 39,139. Sa 2000, ito ay naging 14,864 na lamang. Sesenta por siyento ang tinanggal.

Lalo pang titindi ang atake sa sahod, trabaho at karapatan ng mga manggagawa sa San Miguel Group of Companies at kabuuan ng ekonomiya ng Pilipinas. Ito’y bunga ng di-maampat na krisis ng lokal na naghaharing sistema at ang pagsisikap ng mga naghaharing-uri na ipapasan sa manggagawa at mga anakpawis ang bigat ng krisis. Dagdag na pahirap sa mga manggagawa at sa sambayanan ang mga patakaran ng tiwali, malupit at papet na gobyernong Macapagal-Arroyo na sunud-sunuran sa dikta ng mga imperyalistang Amerikano na ipatupad ang "freemarket" globalization at "war on terrorism" laban sa uring manggagawa at sambayanang Pilipino.

Kaawa-awa ngayon ang kalagayan ng Pilipinas. Dalawang sobrang-sakim ngayon ang may pinakamalaking rekurso at pasilidad para tumakbo sa pagkapresidente. Kay Gloria ang gobyerno at kay Danding ang San Miguel Group of Companies. Ngayon pa lamang, kumakalat na sa lahat ng dako ng Pilipinas ang mga paskil, bulung-bulungan at iba pang prop-agit ni Danding. Mukhang hindi na mapipigil ang kanyang ambisyon na tulak ng kanyang takot na mawala sa kamay niya ang coconut levy at kita rito. Gusto niya ring iwasan ang pananagutan niya sa malubhang krimen ng pandarambong (plunder).

Isa pa, may pagtingin ang kanyang mga karibal na gumagamit siya ng Enron-type accounting sa San Miguel Group of Companies. Sa madayang accounting na ito, ang main company sa conglomerate ay nagpapautang o naglalagay ng kapital sa satellite companies na siyang ginagatasan. Sa main company pinalilitaw sa papel na tumutubo ito nang malaki dahil sa kapital na ilinagay sa mga satellite companies pero sa katotohanan lusaw na ang naturang kapital. Sabi ng mga nag-uusisa na hindi maliwanag kung paano ginamit ni Danding ang mga dating overseas assets ng San Miguel Corporation na ibinenta sa Europa, Australia at China.

Ang Pundamental na Pagbabago

Kinakailangang iugnay ang pakikibaka ng uring manggagawa para sa mga kagyat na interes sa sahod, trabaho at karapatan sa pakikibaka para sa pundamental na pagbabago ng lipunang pinaghaharian ng dayuhan monopolyong kapital at kasabwat na mga lokal na naghaharing uri ng malaking burgesya kumprador at malaking panginong maylupa. Magkakaroon lamang ng kalutasan ang mga saligang problema ng lipunan sa pamamagitan ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Isang dahilan ng tibay at tatag ng IBM-KMU ang pagiging bahagi nito sa mas malawak na kilusan sa panlipunang pagbabago na naglalayong makamit ang pambansang kasarinlan at tunay na demokrasya sa ating bansa. Sabay na nakikibahagi at nag-aambag ito sa lakas ng kilusang iyon.

Ang uring manggagawa ang namumunong uri sa kasalukuyang pakikibaka ng sambayanan para sa pambansang demokrasya. Ang uring manggagawa ang pinakaproduktibo at pinakaprogresibong pwersa sa Pilipinas at maging sa buong daigdig. Ito ang uri na dahil sa kanyang obhetibong katayuan sa lipunan, karanasan at kaalaman sa pakikibaka ay nasa pusisyon upang mamuno sa isang mapang-ugat at malawak na kilusan para sa pagpapalaya ng bayan at lahat ng anakpawis.

Napapanahon ang inyong kumbensyon para harapin ang mga hamon ng papatinding atake ng mga imperyalista at reaksyunaryo sa kilusan ng manggagawa at mamamayan. Sa pamamagitan ng inyong kumbensyon makokonsolida ang inyong hanay, maarmasan kayo ng mga lagom na aral sa nakaraan at maililinaw ninyo ang mga tungkuling dapat gampanan upang mapalakas ang kapasyahan at kakayahan sa pakikibaka, makakamit ng mga bagong tagumpay at maisulong ang buong pakikibaka.

Mabuhay ang IBM-KMU!

Isulong ang pakikibaka para sa tunay na pambansang kasarinlan at demokrasya!

Mabuhay ang uring manggagawa!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!




return to top

back



what's new