|
Pagpugay kay Ka Togs, Kasamang Monico M. Atienza
Muling inilathala sa araw ng pagpanaw, 5 Disyembre 2007
Ni Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag
Partido Komunista ng Pilipinas
7 Enero 2007
Nakakalungkot na dinatnan si Ka Togs ng malubhang sakit. Tulad ng lahat
ng mga kamag-anak, kasama at kaibigan niya, umaasa ako na mapapangibabawan
niya ang ganitong kalagayan. Alam nating matibay at palaban si Ka Togs. Hindi
tayo magugulat kung makakatawid siya sa kasalukuyang kalagayan at
magpapatuloy sa pag-ambag sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino.
Anuman ang mangyari sa personal na katayuan niya, natitiyak nating
makabuluhan at maningning ang kanyang buhay at papel na ginampanan
sa kasaysayan.
Una kong nakilala si Ka Togs, Monico M. Atienza, noong 1965 bilang
kasapi ng Student Cultural Association of the University of the Philippines
(SCAUP). Agad kong natantya na matalino at alisto siya dahil naging
valedictorian siya ng Class 1964 ng Boys High School ng Far Eastern
University (FEU) at presidente ng high school student government.
Napag-alaman ko ring dati na siyang sumapi sa Kabataang Makabayan
(KM) noong nasa FEU pa siya at nakasama siya sa isang delegasyon ng
mga estudyanteng Pilipino na inimbitahang dumalaw sa Republikang
Bayan ng Tsina. Mataas ang diwang makabayan at malalim ang pagnanais
niyang maipagpatuloy ang rebolusyong Pilipino na inumpisahan ng Katipunan
at binigo ng imperyalismong Amerikano at mga lokal na nagsasamantalang uri.
Napagmasdan kong mahilig siya sa pagbabasa at pag-aaral ng mga
rebolusyonaryong akda tungkol sa Pilipinas, sa Tsina, Biyetnam at iba
pang bansa at tungkol sa pandaigdigang kilusan ng uring manggagawa
at iba pang mamamayan. Umaasa siya na mailapat sa kasaysayan at
kalagayan ng Pilipinas ang teorya ng Marxismo-Leninismo.
Naging aktibo si Ka Togs sa mga pag-aaral at pagkilos ng SCAUP. Seryoso
siya sa lantarang pag-aaral ng pambansang demokratikong rebolusyon at
sa lihim na pag-aaral ng Marxismo-Leninismo. Masigasig siya sa mga gawaing
paghimok, pag-organisa at pagpapakilos sa hanay ng mga estudyante. Di
nagtagal ay naging presidente siya ng SCAUP.
Habang nasa SCAUP pa siya, naging malapit na kasama ko si Ka Togs sa
KM, sa mga pag-aaral, rali, aklasan at iba pang pinagsamang gawain ng
mga kabataan at manggagawa, sa ilang pakiki-ugnay sa masang magsasaka
at sa ilang aktibidades ng Movement for the Advancement of Nationalism.
Magmula pa 1966 nahasa siya sa gawain sa lumalaking kilusang pangmasa
laban sa imperyalismo, piyudalismo at burukrata kapitalismo.
Kasama ko si Ka Togs sa pinakaunang grupo ng Partido Komunista ng
Pilipinas (PKP) sa loob ng KM, sa Unang Kilusang Pagtutuwid sa loob at
labas ng PKP magmula 1967, sa Kongreso ng Muling Pagtatatag ng PKP
sa patnubay ng Marxism-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung noong 1968
at sa Unang Komite Sentral ng PKP magmula 1968 hanggang sa kanyang
pagkadakip noong Oktubre 1974.
Kung lalagumin ko ang pagsasama namin at pagkakakilala ko sa kanya sa
dekada ng 1965-1974, masasabi kong siya ay isang dakilang makabayang
Pilipino para sa paglulubos ng pambansang demokratikong rebolusyon sa
pamamagitan ng digmang bayan at isang matatag na komunistang mandirigma
para sa pagpapatupad ng makasaysayang misyon ng uring manggagawa sa
pagtatayo ng sosyalismo.
Tampok sa kanyang mga tagumpay sa kilusang kabataan at pagiging
pangkalahatang kalihim ng KM ang pagpapalakas at paglaganap ng mga
sangay ng KM sa mga eswelahan at komunidad sa pamamagitan ng mga
OD-ED team sa Metro Manila at sa buong bansa magmula 1968 hanggang
1970. Mahalagang preparasyon ito para sa Sigwa ng Unang Kwarto ng
1970 at sa pambansang paglawak ng kilusang pambansang demokratiko.
Magmula sa sigwang ito hanggang 1972, ibayong pinaandar ni Ka Togs
ang sentralisado at di-sentralisadong mga paaralan ng pambansang demokrasya
para pataasin ang kamalayan at militansya ng mga aktibista. Ang mga paaralang
ito ay naging sanayan at bukal ng mga kadre para sa legal na demokratikong
kilusan at gayundin para sa armadong pakikibaka.
Magmula 1968, ginampanan ni Ka Togs nang napakahusay ang mga tungkulin
niya bilang kagawad ng Komite Sentral ng PKP at bilang puno ng Pambansang
Kagawaran sa Organisasyon (NOD). Susi ang papel niya sa pagtatayo ng
pundasyong pang-organisasyon ng Partido at sa pag-unlad nito hanggang
mahuli siya noong 1974.
Pinamahalaan niya ang mga batayang organisasyong pangmasa, ang lantaran
at lihim na pagkilos sa kalunsuran at ang pagpapadala ng mga kasapi ng Partido
at mga aktibistang pangmasa mula sa hanay ng mga manggagawa at edukadong
kabataan para sumama sa Bagong Hukbong Bayan at kumilos sa hanay ng mga
magsasaka.
Ipinatupad niya ang kapasyahan ng Political Bureau noong Agosto 1970 na
paramihin ang kasapian ng Partido mula sa ilang daan hanggang 4000 magmula
1970 hanggang 1974. Ginampanan niya nang mabisa ang tungkuling sanayin,
obserbahin at irekomenda sa Komite Sentral ang mga kadreng dapat ilagay sa
staff ng mga sentral na organo at sa mga komiteng pangrehiyon.
Mahuhusay ang mga kadreng sinanay ng NOD sa ilalim ni Ka Togs. Napapansin
sa kanila ang mahusay na pangangalaga niya at impluwensya ng mahuhusay na
katangian niya. Matatag siya sa panininidigan sa uri. Sapul niya ang materyalistang
dialektika. Masigasig siya sa pag-aaral kaugnay ng rebolusyonaryong praktika.
Mataas ang inisyatiba, masinop, masipag at maparaan. Hindi nagugulat o nalulugmok
sa mga problema. Masigasig sa pag-iisip ng mga paraan sa paglutas ng mga problema.
Maagap sa pagtupad sa mga tungkulin at atas sa kanya. Magaling magpakilos sa
mga kasamang nasa departamento niya. Mabilis makipagkonsulta at humiling ng
tulong mula sa mga makakatulong sa gawain. Matulungin, mapagkaibigan, marunong
makipagkwentuhan at mapagpakumbaba. Hindi siya nagwawasiwas ng awtoridad
para mapasunod ang iba. Nagbibigay ng paliwanag tungkol sa gawain at kolektibong
pagtutulungan ang diwa at estilo ng pakiki-ugnay niya sa loob at labas ng organo
at yunit niya.
Nagpapakita ng inis o nagtataas ng boses paminsan-minsan kung nakita niyang may
gumawa nang mali na madaling iwasan o nagpabaya sa tungkulin o kaya sinita siya
sa kawalan o kakulangan ng resulta bago nakapagbigay siya ng ulat at paliwanag.
Ang kanyang mga bugso ng "pagkagalit" ay laging may seryosong dahilan. Pero
marunong magpalamig at hindi nagkikimkim ng galit sa sinumang kasama.
Mahusay siyang makipagpalitang-kuro para sa layuning mapaunlad ang trabaho
at pakikibaka. Karaniwang mahinahon siya sa talakayan. Handa siyang
makipagsagutan kaninuman para igiit ang kanyang mga punto at pananaw.
Kung minsan, napapataas ang boses niya sa sagutan. Pero lagi siyang handang
magpaliwanag at tumanggap ng paliwanag mula sa iba. Siya ay dakilang tao
na hindi nalilihis mula sa dakilang layunin.
Dahil sa mabungang trabaho ni Ka Togs, kahit na maghimpil sa malayong
baryo o sa gubat ang Komiteng Tagapagpaganap at kahit magkakalayo ang
mga kagawad ng Politburo, nauugnayan sila at nakakaugnay sila sa pamamagitan
ng Pangkalahatang Kalihiman, laluna sa pamamagitan ng NOD at ni Ka Togs.
Noong 1974 nagpasya ang Komiteng Tagapagpaganap na panipisin ang sentral
na balangkas ng NOD at ilipat ang daan-daang kadre nito tungo sa ibat ibang
rehiyon dahil sa mabilis na paglawak ng kilusang rebolusyonaryo, dahil sa tulak
ng mga kadre mismo na madeploy sa kanayunan at dahil sa lumalaking peligro
ng paghihimpil sa kalunsuran.
Sa pagnipis naman ng tauhan ng NOD noong ikalawang bahagi ng 1974,
lumaki ang peligro sa pamunuan ng NOD, nahirapan ang KT/KS sa komunikayon
sa iba't ibang rehiyon at lumaki rin ang panganib sa Komiteng Tagapagpaganap
ng Komite Sentral (KT/KS). Sa ganitong kalagayan, nahuli si Ka Togs at ibang
mahalagang kadre.
Sa mga sumunod na taong mabuway ang Pambansang Komiteng Tagapag-ugnay
at madalas matimbog. Nalutas ang problema sa komunikasyon sa tulong ng
National Democratic Front at sa pag-unlad ng mga batayang organisasyon
ng Partido at masa at alyansa sa ibat-ibang rehiyon. Sa malakihang pagdeploy
ng mga kadre mula sa NOD noong 1974 lalong bumilis ang pag-unlad ng mga
organisasyong pangrehiyon ng Partido at kilusang rebolusyonaryo.
Umabot sa aking kaalaman ang pagpapahirap na ginawa ng kaaway kay Ka
Togs Kahanga-hanga at kapuri-puri ang paglaban niya sa pagpapahirap at
ang pagpapagaling niya sa sakit at pagbalik sa Unibersidad ng Pilipinas hanggang
magturo. Mga ibang kasama na nakasama niya sa piitan ang mas nakakaalam
at mas mabuting maglahad sa kanyang masakit na karanasan sa kamay ng
malupit na kaaway.
Lalo pang kahanga-hanga at kapuri-puri na ipinagpatuloy ni Ka Togs ang
pagpapalaganap ng mga makabayan at progresibong idea sa kanyang pagtuturo
ng wikang Pilipino at kaugnay na mga paksa. Alam kong malapit siya sa mga
estudyante niya dahil sa mabait at mapagkaibigan siya at nakikilalang wasto
ang kanyang mga ideyang makabayan at progresibo.
Tumulong siya kay Julie at iba pa sa pagtatayo at pagpapakilos sa komite
para sa aking pagpapalaya magmula 1982. Anong laki ng tuwa ko noong
makatagpo at makasama ko muli si Ka Togs nang lumabas ako sa military
detention noong 1986. Sa pagbagsak ng pasistang diktadura, parang
may malaking pagkakataon na lumago muli ang pambansang demokratikong
kilusan sa legal na paraan tulad ng mga taong 1960.
Subalit nang nasa labas ako ng bansa, nabalitaan ko ang mga pamamaslang
at mga tangkang pagpatay na ginawa ng militar sa mga pinuno at tauhan
ng Partido ng Bayan para biguin ang mga kandidato nito. Sa isang
pagtambang ng militar sa mga pinuno at kasapi ng Partido ng Bayan,
malubhang nasugatan si Ka Togs at namatay ang dalawang kasama niya
sa sasakyan noong 1987.
Maliwanag sa lahat na hindi natakot si Ka Togs sa pagtatangka sa buhay
niya. Nagpatuloy siya sa pagtuturo at pagpapalaganap ng mga ideya ng
pambansang demokratikong kilusan. Wala siyang tigil sa pagpapataas
ng kamalayan ng mga kapwa niyang guro at mga estudyante hinggil sa
mga rebolusyonaryong isipan at gawa magmula kay Andres Bonifacio
hanggang sa mga bayaning katulad niya sa kasalukuyan.
Nagpapasalamat ako kay Ka Togs sa lahat ng ambag niya sa muling pagsulong
ng rebolusyong Pilipino, sa pagtatayo ng rebolusyonaryong partido ng
uring manggagawa at sa pagpapalakas ng kilusang masa. Nagpapasalamat
ako sa kanya sa aming pagsasama at pagtutulungan sa mahabang panahon.
Nagpapasalamat ako na noong 2004 gumawa siya ng testimonyang parangal
sa akin, sa tinawag na selebrasyon ng 45 taon ng aking paglilingkod sa bayan.
Tungkulin natin ngayon na gumawa ng pagpupugay sa isang dakilang Pilipinong
rebolusyonaryo sa paglalagom ng maningning at mabungang pagkilos niya. Ang
kanyang kasaysayan sa pakikibaka ay patuloy na mag-inspira, magpasigla at
magpaunlad sa kilusang rebolusyonaryo. Laging magiging buhay ang mga
ambag at pamana niya. Walang humpay ang paglilingkod niya sa sambayanang
Pilipino at rebolusyong Pilipino. ###
|
|