BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present

 
 

Home

About the INPS

Focus on JMS

Important Announcements

Activities & Photos, 2001 - Present

Archival Photos

Press Statements & Interviews, 2001 - Present

Brief Messages & Letters, 2001 - Present

Articles & Speeches, 2001 - Present

Articles & Speeches, 1991 - 2000

Poetry

Display of Books

Bibliography 1991 - 2000

Bibliography 1961 - 1990

Documents of Legal Cases

Defend Sison Campaign

Letters to Jose Maria Sison

Feedbacks

Links

 

Mensahe ng Pagbati sa Anakbayan
sa Ika-9 na Anibersaryo Nito


Ni Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag
Kabataang Makabayan
November 30, 2007

Buong kagalakan kong ipinapaabot ang aking militanteng pagbati sa pambansang pamunuan, kasapian at mga sangay ng Anakbayan sa pagdiriwang ng kanyang ika-9 na anibersaryo ng pagkakatatag noong Nobyembre 30, 1998.

Nasisisyahan ako na sa kaarawan ng Anakbayan at Kabataang Makabayan, magkakaroon ng malaking multisektoral na pagkilos para tipunin sa lansangan ang libu-libong kabataan at muling palakasin ang panawagang patalsikin ang nauulol na rehimeng US-Arroyo. At bukas, gaganapin ang nagsasariling pagdiriwang naman ng Anakbayan sa Bulwagang Balagtas ng PUP.

Umaasa akong magkakaroon kayo ng masigasig, malaman at mabungang talakayan sa 1) pagbabalik- aral sa buong kasaysayan ng Anakbayan, 2) kasalukuyang krisis ng naghaharing sistema at 3) mga tungkuling dapat gampanan tungo sa pagtatapos ng isang dekada ng pagkilos ng inyong organisasyon.

Sumasaludo ako sa Anakbayan sa pagkakamit nito ng maraming tagumpay sa larangan ng pampulitikang edukasyon, organisasyon at mobilisasyon ng masang kabataan. Subalit tingnan din kung paano ninyong mapapakinabangan at mahihigitan ang mga tagumpay na ito. Mahalagang alamin din ninyo ang mga kahinaan at kamalian na nakakagambala o sumasagka sa mas mabilis pang paglakas at pagsulong ng inyong organisasyon.

Bilang isang komprehensibong organisasyon ng kabataang mula sa iba't ibang uri at saray ng lipunan, masaklaw at mahalaga ang papel ng Anakbayan sa pagharap sa tumitinding krisis ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema at ng pandaidigang sistemang kapitalista at gayundin sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Pinabilis ng patakarang neoliberal na globalisasyon ang pagsasamantala sa mga anakpawis at sa mga atrasadong bansa sa pamamagitan ng denasyonalisasyon, liberalisasyon ng kapital at kalakalan, pribatisasyon ng mga ari-arian at rekursong pampubliko at deregulasyon laban sa mga karapatang manggagawa, kababaihan at kapaligiran.

Lalong bumilis ang konsentrasyon ng kapital sa kamay ng monopolyong burgesya at iilang imperyalistang bansang pinangungunahan ng US. Bunga nito, bumagsak ang kita ng mga anakpawis at mga bansang api kaya lalong lumubha ang krisis ng labis na produksyon. Lalong lumala ang krisis sa pinansiya dulot ng walang-ryendang pangungutang ng US para pagtakpan nito ang mga depisit sa badyet at kalakalan; gayundin ng pagbagsak ng empleyo at produksyong industriyal.

Sinamantala ng rehimeng Bush ang 9/11 para gamitin ang produksyong militar bilang pampasigla ng ekonomiya ng US at ang isteryang anti-terror para itulak ang terorismo ng estado at mga gera ng agresyon sa ilalim ng patakarang tinaguriang "permanenteng gera sa terorismo". Subalit salungat sa pakay, lalong nanghina ang ekonomiya ng US.

Sumulpot ang krisis sa pinansiya dahil sa labis na pangungutang ng estado at ng mga taong itinulak sa pamimili ng mga bahay at sa konsumerismo. Nasadlak ang US sa mga kumunoy ng gera sa Iraq at Afghanistan. Lumaganap sa daigdig ang pakikibaka ng mga mamamayan sa imperyalismo at reaksyon.

Malubhang apektado ang Pilipinas ng mga patakaran ng US. Sa ilalim ng patakarang neoliberal na globalisasyon, lalong nasira ang ekonomiya ng Pilipinas. Bagsak ang produksyong agrikultural at industriyal para sa pambansang pangangailangan. Lalong lumaki ang mga depisit sa badyet at sa kalakalan.

Sa panlabas na anyo, malaki ang halaga ng tinaguriang "manupakturang panluwas" pero kaunti ang neto kung ibawas ang malaking halaga ng inangkat na sangkap. Kahit na malaki ang perang iniuuwi ng overseas contract workers, hindi nito kayang takpan ang mga depisit at sagkaan ang palalang pagkabangkarote ng ekonomiya.

Para maipagkaila ang pagkabangkarote at mapalitaw na lumalaki ang ekonomiya, nangungutang nang nangungutang ang regimeng Arroyo mula sa loob at labas ng bansa. Ginagamit ang nautang na pambayad sa interes at bahagi ng prinsipal ng dating mga utang at panggastos para ipagpatuloy ang bulagsak na konsumo ng mga naghaharing-uri , ang korupsyon, ang militarisasyon at ang iba pang kontra-produktibong aktibidades. Dambuhalang lumalaki ang utang ng Pilipinas taun-taon. Pero ito ay may hantungan.

Dahil sa ginigipit na ng krisis sa pinansya ang ekonomiya ng US mismo, humihigpit ang pagpapautang ng mga dayuhang bangko sa rehimeng Arroyo. At lalo itongnagpipilit na mangolekta ng buwis mula sa masang Pilipino. Lalong malalantad ang matinding pagkabangkarote at krisis ng ekonomiya. Sa takot na mawalan ng kapangyarihan at sa kagustuhang supilin ang masa at oposisyon, lalong gumagamit ang rehimen ng dahas at lalong lumalaganap ang paglabag sa mga karapatang tao.

Lalong sumasakay ang rehimeng Arroyo sa patakarang US sa global na terorismo. Lalong bumabagsik ang kalupitan ng rehimen sa ilalim ng Oplan Bantay Laya II. Sa pagnanais na makakuha sa US ng tulong na pinansyal at militar, lalong pinapayagan ng rehimen ang panghihimasok ng mga pwersang militar ng US sa ating bayan. May tuwirang kinalaman ang imperyalismong Amerikano sa terorismo ng estado sa Pilipinas.

Lalong naghihirap ang sambayanang Pilipino dahil sa ibayong pagsasamantala at pang-aapi. Subalit dahil na rin dito,um iigting ang ibat ibang porma ng pakikibaka, Tumitindi ang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema. Nagiging mas maigting at marahas ang mga hidwaan at labanan ng mga reaksyonaryong pwersa. Lalong sumusulak ang poot ng mga mamamayan sa buong kapuluan laban sa garapal na pagkapapet, korupsyon, kasinungalingan at kalupitan ng rehimeng Arroyo.

Maasahan natin na sa darating na taon iigting ang krisis ng naghaharing sistema at ibayong lalaki at titindi ang hangad ng sambayanang Pilipino na patalsikin ang rehimeng Arroyo at ibagsak ang naghaharing sistema. Sa ganitong tunguhin ng mga pangyayari, dapat itakda ng Anakbayan ang mga tungkuling magpalakas at gampanan ang makabuluhang papel sa mga darating na labanan

Kailangang paghusayan ninyo ang paghihimok, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kabataan para ipaglaban ang kamilang mga karapatan at interes. Sa gayon, matitipon ninyo ang pinakamalaking bahagi ng mamamayan na pinakabukas ang isipan at damdamin, pinakamasigla at pinakamalakas ang loob para sa rebolusyonaryong pagbabago.

Kayang itaguyod at ipaglaban ng kabataan hindi lamang ang kanilang sektoral na mga karapatan at interes kundi pati ang karapatan at interes ng sambayanang Pilipino. Hindi matatag na makakasulong ang pakikibaka ng kabataan kapag hindi sila kasabay at kalahok sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.

Nasa lahat ng mga uri at saray ang kabataan. Maitutulak ng kabataang manggagawa at magsasaka ang pagsulong ng pakikibaka sa hanay ng mga uring anakpawis. Gayundin ang magagawa ng mga kabataan sa mga panggitnang saray. Malaking bentahe ng Anakbayan ang pagiging komprehensibong organisasyon ng kabataan para tumulong sa pagpapalaganap ng linyang pambansa demokratiko, sa pagpapakilos sa malawak na masa at sa pagbubuo ng alyansa ng mga patriyotiko at progresibong pwersa.

Mabuhay ang Anakbayan!
Mabuhay ang kabataang Pilipino!
Patalsikin ang rehimeng US-Arroyo!
Isulong ang kilusang pambansa demokratiko!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!


return to top

back



what's new