|
MENSAHE NG PAKIKIPAGKAISA
SA IKA-12 KONGRESO NG ALLIANCE OF CONCERNED TEACHERS
Jose Ma. Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle
Disyembre 5, 2008
Nais kong ipaabot ang pinakamainit na pagbati at marubdob na pakikipagkaisa sa
pamunuan at kasapian ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), laluna sa lahat
ng delegado sa ika-12 na Kongreso ng ACT.
Binabati ko kayo sa maniningning na tagumpay na natamo ng ACT sa mga
pakikibaka para isulong ang mga karapatang pampulitika at pang-ekonomiya
at pangkalahatang kagalingan o interes ng kaguruan, at sa pagkawing ninyo
nito sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa tunay na kalayaan,
demokrasya at katarungang panlipunan.
Lubos akong nakikiisa sa tema ng inyong Kongreso: "Mga Guro ng Bayan,
Magkaisa at Makibaka para sa Kabuhayan, Karapatan, at Kalayaan!".
Tunay na kinakailangan ang ibayong pagkakaisa at pakikibaka para sa kabuhayan,
karapatan at kalayaan. Bunga ng patuloy na paglalim at paglubha ng pandaigdigang
krisis sa ekonomiya at pulitika, tiyak na titindi at lalawak pa ang mga atake sa
karapatan at kagalingan ng malawak na sambayanang Pilipino, kabilang ang
kaguruan. Sa kabilang banda, nagdudulot din ito ng mainam na pagkakataon
para mas mabisa at mas mabilis na pukawin, organisahin at pakilusin hindi lamang
ang kaguruan kundi ang malawak na inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan
sa pakikibaka para sa kabuhayan, karapatan at kalayaan..
Isang malaking hamon at mahigpit na tungkulin para sa ating lahat ang pagsagpang
sa pagkakataong ito. Higit pa, may magagampanan kayong natatangi at mahalagang
papel sa pagharap ng buong kilusang mapagpalaya sa hamong ito.
Bilang mga guro, tinitingala kayo at pinakikinggan ng malaking bahagi ng sambayanan,
laluna ng kabataan. Naaabot ninyo at nasa pusisyong maimpluwensiyahan, mapukaw
at mapakilos ang malawak na hanay ng mamamayang kapwa pinagsasamantalahan
at inaapi sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Kung gayon malaki ang maiaambag ninyo
sa pagtitipon ng higit pang lakas para sa pakikibaka para sa tunay na pagbabago.
Batid ninyo na hindi maihihiwalay ang pakikibaka para sa kabuhayan, karapatan at
kalayaan ng kaguruan sa pakikibaka para sa kabuhayan, karapatan at kalayaan ng
buong sambayanan. Kung gayon, mahalaga ang papel na ginagampanan ninyo sa
pagbugkos ng pagkakaisa ng buong sambayanan para sa tunay na kalayaan,
demokrasya at katarungang panlipunan.
Hindi lamang sa pagbibigay ng edukasyon at pagsisiwalat ng tamang impormasyon
ang magagampanan ninyong papel. May natatanging kakayahan din kayo para
tumulong sa pagsasanay ng ilandaang libo pang mga propagandista at edukador
sa hanay ng kilusan para sa tunay na pagbabago.
Isa pang mahalagang pagkakataon na maaari ninyong sagpangin ang darating na
pambansang eleksyon. Bagamat reaksyunaryo sa esensya ang katangian nito at hindi
kailanman magiging daan sa tunay na pagbabago sa ilalim ng kasalukuyang sistema,
nagbubukas ito ng mainam na pagkakataon para maabot ang malawak na hanay ng
mamamayang lumalahok pa rin sa reaksyunaryong eleksyon.
Kailangan nating masagpang ang lahat na pagkakataon para maihapag at matalakay
sa mamamayan ang mga isyu ng “kabuhayan, karapatan at kalayaan” sa panahon ng
eleksyon, maisulong ang mga pakikibaka para sa mga ito, at gawing daan ang eleksyon
para sa mas masikhay at mas mabisang pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayan.
Sa ganitong pananaw, hinihikayat ko kayong ipagpatuloy ang seryosong pag-aaral sa
posibilidad na magbuo ng partido ng mga guro para sa Party List.
Sadyang pinaiiral ng mga naghaharing uri ang kamangmangan, misedukasyon, bulok
at atrasadong kultura, panlilinlinlang at mga kasinungalingan para mapanatili ang
mapang-api at mapagsamantalang sistema, at ang tiwali nilang paghahari. Pinipigilan
at pinagbabawalan nila ang kaguruan na magpalaganap ng makabayang edukasyon
at siyentipiko at pangmasang kultura.
Maluwag at mainit na tatanggapin ng kaguruan at ng mamamayan ang isang partido
ng mga guro na nagtataguyod ng siyentipiko at pangmasang kultura at makabayang
edukasyon para sa lahat, laluna kung malinaw nating maipapakita kung paanong
makakapagsulong ito sa interes ng mamamayan sa kagyat at laluna sa hinaharap.
Kilala na ng malawak na sambayanan ang ACT bilang militante, matatag at mabisang
tagapagtaguyod ng ganitong edukasyon at kultura.
Pag-aralan ninyong mabuti mula sa inyong nakaraang praktika at sa masusing pagsusuri
sa kasalukuyang kalagayan at kakayahan kung paano ninyo maisusulong ang mga
pakikibaka ng kaguruan, paano ito mas mahigpit na maikakawing sa mga pakikibaka
ng mamamayan, paano makakamit ang mga kagyat na tagumpay samantalang mulat
na tinitipon ang lakas para sa mas malalaki at sustenidong mga pakikibaka sa hinaharap.
Buo ang tiwala ko na makakahalaw kayo ng mahahalagang aral sa nakaraang praktika
at makapagbabalangkas ng malinaw at mabisang pangkalahatang programa para sa
pagsulong sa darating na mga taon. Tiyak na sa patuloy na mahigpit na pagkawing
ng inyong mga pakikibaka sa pakikibaka ng buong pambansa demokratikong kilusan,
ibayong tatag, lakas at tagumpay ang kakamtin ninyo.
Bilang pagtatapos, nananawagan ako sa inyong ipagpatuloy at pag-ibayuhin pa ang
militante, matatag at mabisang pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kaguruan
at sa mahigpit na pagkawing ng mga pakikibaka ng kaguruan sa pakikibaka ng sambayanang
Pilipino. Walang kasing-inam ang pagkakataong dulot ng pagtindi ng pandaigdigang krisis
at gayundin ang krisis sa lipunang Pilipino. Wala ring kasinglaki ang tungkulin at
pananagutan nating mabisang sagpangin ang pagkakataong ito.
Mabuhay ang ACT!
Isulong ang pakikibaka para sa kabuhayan, karapatan at kalayaan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
|
|