Web Hosting Domain | Free Website | WebSite Hosting | |
BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Mensahe sa Ikalawang Kongreso ng Kilusang FQS Ni Jose Maria Sison 15 Pebrero 2004 Pinakamaalab at pinakamilitanteng pagbati sa Kilusang FQS (FQSM)! Lubos akong nasisiyahang makasama ninyo sa pagdaraos ng Ikalawang Kongreso ng FQSM para pagtibayin ang inamyendahang saligambatas at mga alitutuntunin, ang ulat sa nakaraang 3 taong pagkilos, at ang magiging programa ng pagkilos sa darating na tatlong taon. Makabuluhang tuntungan ang mga ito para sa pagsusulong ng higit na matibay na paninindigan, mapangahas na pagpapalawak at pagpapatatag ng hanay, at ibayong masiglang paglahok sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Kaisa ninyo ako sa umaalingawngaw na tema ng kongreso na "Pag-alabin ang diwa ng FQS, patatagin ang hanay, lumahok sa maiigting na pakikibakang masa." Mula sa inamyendahang Saligambatas, malinaw na nahagip ko ang pagsisikap at hangad na mapalawak ang saklaw ng Kilusang FQS at ang pagdidiin sa kahalagan ng pagkikipagbuklod sa bagong henerasyon ng mga aktibistang nakikibaka laban sa mga saligang suliranin ng kasalukuyang lipunang Pilipino na nananatiling malakolonyal at malapyudal - ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Mula sa Ulat ng FQSM, natantya kong nakapagtala kayo ng 43% pagdami ng myembro sa nakaraang tatlong taon. Sa darating na mga taon, natitiyak kong higit kayong makapagpapalawak at magiging isang sukatan ito ng antas ng katatagang matatamo ninyo sa lahatang panig na pagtataas ng kamulatan, pagsisinop ng organisasyon at tuluy-tuloy na pagkilos sa paglulunsad ng iba’t ibang kampanya’t mobilisasyon. Sa kasalukuyan, mahigpit ang pangangailangang higit na magpalawak at magpalakas ang lahat ng pwersa ng pambansa-demokratikong kilusan at magbuo ng malapad na alyansa laban sa imperyalismong US at sa papet na naghaharing pangkating Macapagal-Arroyo. Kailangang tipunin natin ang lahat ng posibleng matipong pwersa sa pinakamalapad na alyansang maaaring buuin para higit na maihiwalay at mapatalsik ang kasalukuyang rehimen na walang kaparis sa pagkapapet, kabulukan, kalupitan at kasinungalingan. Tiyak na mas matindi ang magiging kaguluhang pampulitika at mas malapad ang popular na paglaban kung makapagpapanatili sa kapangyarihan si Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng pandaraya sa eleksyon. Nagmamatyag hindi lamang ang oposisyon kundi ang sambayanan. Dapat gamiting pagkakataon ang eleksyon para ipalaganap ang pambansa-demokratikong linya sa sambayanang Pilipino, salungatin ang mga anti-nasyunal at anti-demokratikong linya, ibunyag ang limitasyon ng eleksyon ng mga reaksyunaryo, himukin ang mas marami pang mamamayan para sa pakikibaka at pakinabangan ang lumalalang kontradiksiyon sa hanay ng mga reaksyunaryo. Laging maaaring magtangka ang pinakamasahol na seksyon ng mga reaksyunaryo na sila-sila’y magsabwatan at maaaring paminsan-minsa’y magtagumpay sila na makagawa ng pansamantala at parsyal na mga kasunduan. Pero patuloy na hindi umuubra ang ganyang pagiwang-giwang na mutwal na akomodasyon sa hanay ng mga reaksyunaryo dahil sa mabilis na lumalalang krisis ng kapitalistang sistema ng mundo at lokal na naghaharing sistema ng malalaking komprador at panginoong maylupa. Lalo pang tumitindi at higit pang nagiging marahas ang mga kontradiksyon ng mga ito. Patuloy na namamayagpag ang imperyalismong US sa pamumuno ng berdugong pangkating Bush at nagbabantang maglunsad ng ibayong agresyon at panghihimasok sa mga bayan at rehyon kung saan nais nitong pahigpitin ang kontrol sa teritoryo at rekurso. Desperado itong gumagamit ng brutal na dahas sa kabila ng malawak na pagkondena ng mamamayan ng buong daigdig upang makonsolida ang hegemonya nito sa daigig at sa tangkang maibsan ang patuloy na tumitinding krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Habang nabibigo ang imperyalismong US na makamit ang layunin sa mga pananalakay, lalo pa nitong nililikha ang mas maraming kaaway at mas malalaking pakikibaka mula sa inaaping mamamayan ng buong daigdig. Nagpapakawala ng dagdag na pang-aapi at pagsasamantala kapwa ang pandaigdigan at pambansang krisis at nagdudulot ng lalong hindi mabatang paghihirap sa sambayanan. Pero itinutulak din nito ang mamayan para maglunsad ng lahat ng porma ng paglaban at nagbubunsod ng pagnanais na baguhin ang nakaupong gobyerno at ang buong naghaharing sistema. Maliwanag na paborable ang obhetibong kondisyon sa pagpapaunlad ng mga suhetibong pwersa ng rebolusyon tulad ng FQSM. Naghuhumiyaw ang pangangailangang gawin na ang mga atas.# |
|