BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Mensahe ng Pakikipagkaisa sa Ikalimang
Pambansang Mayo 16, 2002 Pinakamilitante at pinakamarubdob na pagbati sa inyong lahat! Lubos ang aking pakikipagkaisa sa buong kasapian at pamunuan ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) sa Ikalimang Pambansang Kongreso ninyo ngayong Mayo 16-19, 2002. Tauspusong binabati ko ang PAMALAKAYA sa pagtamo ng mga tagumpay sa patuloy at matatag na pagsusulong ng mga kampanya at pakikibakang mangingisda at pagtugon sa maiinit na isyung pambayan; gayundin, sa pag-uugnay ng mga ito sa kabuuang pakikibaka ng masang magsasaka at ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa mga imperyalista at lokal na mapagsamantalang uri ng malalaking komprador at panginoong maylupa. Kongkretong nasasalamin ang mga tagumpay ninyo sa antas lokal, rehyon, pambansa at maging sa internasyunal. Dumarami ang bilang ng mangingisda na napupukaw, naoorganisa at namomobilisa sa adhikain ng mangingisda at sambayanan. Ibayong lumalawak ang mga balangay ng PAMALAKAYA at inihudyat ito ng pagtatayo ng balangay sa rehyong Timog Katagalugan, habang patuloy na lumalawak at lumalakas ang mga pamprobinsyang balangay. Sa paglalayag tungo sa ikalimang kongreso, mabungang naidaos ninyo ang pulong ng pambansang konseho. Katuwang ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, muli naitayo ninyo ang Pambansang Ugnayan ng mga Mamamayan Laban sa Liberalisasyon ng Agrikultura o PUMALAG II laban sa WTO. Kaisa ng ibang mga NGO sa pangisda, naidaos ninyo ang Asian Fisherfolk Conference. Kabahagi kayo sa First International Assembly ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS). Nasusustini ninyo ang paglalathala ng pahayagang masang Ang Pamalakaya. At, malikhaing nagagamit ninyo sa pangkalahatan ang iba’t ibang paraan ng pamamahayag tulad ng fluvial protest na ang pinakahuli’y tinaguraing "Oplan Palutang, Tulos laban sa Balikatan". Angkop at napapanahon ang napili ninyong tema: "Mangingisda, Pahigpitin at Palawakin ang Pagkakaisa! Paigtingin ang Pakikibaka Laban sa Tumitinding Atake ng Rehimeng US-Arroyo! Ipaglaban ang Tunay na Reporma sa Lupa at Pangisdaan! " Gayundin ang layon ng kongreso na higit pang pataasin ang antas ng pagkakaisa at pampulitikang paglaban ng mga mangingisda at mamamayan laban sa nabubulok na sistema at naghaharing pangkatin ni Gloria Macapagal-Arroyo. Maikling panahon pa lamang sa panunungkulan si Gloria Macapagal-Arroyo pero naibuyangyang at nasira na nito ang sarili bilang salot, pahirap sa mangingisda at sambayanan, bulok, at sagadsaring tuta ng imperyalismong US. Kasama ang mga mangingisda sa unahan ng dumadaluyong na mga protestang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan. At namumuo ang isang malawak na nagkakaisang prenteng hahamon, maghihiwalay, magpapahina at magbabagsak sa papet na rehimen. Malawak nang masang mangingisda at sambayanan ang nagbabalikwas laban sa gipit na kalagayang sosyo-ekonomiko na bunga ng globalisasyon. Mahusay ninyong nasusuri ang kalagayan at suliranin ng masang mangingisda at batay dito naoorganisa at napapakilos sila para ipaglaban ang kanilang interes at iugnay ito sa pakikibaka ng sambayanan para sa kalayaan at demokrasya. Tumpak at mahalaga ang pinangungunahan ninyong laban para sa pagbabasura sa Fisheries Code of 1998 na nagpapadali sa malawakang kumbersyon, pribatisasyon at pangangamkam ng lupa at pangisdaan at nagpapatibay sa ganid na pagpapasasa ng panginoong maylupa, komprador at imperyalista. Mahigit dalawandaang libong mangingisda na ang nawalan ng hanapbuhay bunga nito. Lubha namang bumaba ang kita niyong mga patuloy na nakapangingisda. Gayundin ang laban para sa pagpabasura sa Agricultural and Fisheries Modernization Act o AFMA na lalong nagpapailalim ng lokal na produksyon sa agrikultura at pangisda sa manipulasyon ng "malayang pamilihan" at dikta ng WTO sa ngalan ng liberalisasyon. Nagdudulot ito ng walang habas na paggamit at pagsalanta ng mga dayuhan sa ating yamang-tubig, pagbagsak ng lokal na produksyong agrikultural at pangisda at malawakang pagsahol ng kabuhayan ng mga magbubukid at mangingisda. Samantalang namamayagpag ang presyo ng batayang bilihin, mabigat ang pasaning buwis, pababa ang halaga ng pera, nalulugi at natatapyasan ang produksyon at nawawasak ang imprastruktura at serbisyong panlipunan, ang manggagawa sa pangisda’y kumikita ng arawang sandaang piso lamang o kulang pa. Tumpak at makatwiran ang kahingian para sa mas mahusay na pasahod at kalagayan sa pamumuhay at ang pagwawakas sa imperyalista at makauring pagsasamantala. Kalahok ang PAMALAKAYA sa malawak na pagbangon ng masang mangingisda at mamamayan laban sa tumitinding kampanya ng panunupil ng reaksyonaryong estado. Kasama kayo sa pagkondena at pagtutol sa higit pang paglabag sa pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas bunga ng pagpapapasok at pagpapanatili dito sa mga pwersang militar ng US at pagpapahintulot sa mga aksyong militar nila. Kinokondena ninyo ang US bilang Numero Unong terorista sa Pilipinas at sa mundo, na nagsasagawa ng panghihimasok at pananalakay na militar sa ilalim ng balatkayo ng kontra-terorismo. Sa takbo ng Kongreso, inaasahan kong magpupunyagi ang mga lider at kasapi ng PAMALAKAYA para mapaunlad pa ang paglalarawan at pagsusuri sa katangian, layunin, tungkulin at balangkas ng organisasayon nito sa gitna ng kasalukuyang lokal at global na krisis. Kailangang masapol ang mga saligang ugat ng krisis at maging matatag sa pagpursigi sa pagkamit ng kagyat na mga batayang reporma at ng ultimong rebolusyonaryong solusyon. Umaasa akong matatalakay at maitatakda ninyo kung papaano higit na maisusulong ang mga kampanya at pakikibakang mamamalakaya bilang bahagi ng paglaban sa imperyalistang gera at pandarambong. Sinusuportahan ko ang lahat ng kahingian ng mga mangingisda at ng iba pang mamamayan para sa kagyat na pagbuti ng kondisyong panlipunan nila at para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya sa kanila sa matagalan. Gayong binibigyang pansin ninyo ang kagyat na pagpapagaan ng kalagayan ng hirati sa hirap na mga mangingisda, kailanma’y huwag ninyong kakaligtaan ang estratehiko at matagalang mithiin ng mga mangingisda sa pamamagitan ng sustenido, tuluy-tuloy at militanteng pakikibaka para sa tunay na pagbabago, kaisa ng iba pang mga magsasaka at ng buong sambayanang Pilipino. Mangingisda, Pahigpitin at Palawakin ang Pagkakaisa! Paigtingin ang Pakikibaka Laban sa Tumitinding Atake ng Rehimeng US-Arroyo! Ipaglaban ang Tunay na Reporma sa Lupa at Pangisdaan! " Mabuhay ang mangingisda, magsasaka at sambayanang Pilipino! Mabuhay ang Ikalimang Kongreso ng PAMALAKAYA! |
|