BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Mensahe ng Pakikiisa sa KMP sa Ika-20 Anibersaryo Ni Jose Maria SisonChairperson, International Network for Philippine Studies Chairperson, International League of Peoples' Struggle Hulyo 27, 2005 Nais kong pagtibayin muli ang pakikiisa sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at sumasali ako sa mga lider, kasapi at kaibigan nito sa pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo sa pagtatatag. Maipagmamalaki nating naidaos ang kongreso sa pagtatatag ng KMP bilang pagsalungat o paglaban sa pasistang diktadurang Marcos at binasa ang aking talumpati sa kongreso habang ako'y nasa detensyong militar sa Fort Bonifacio. Mula noon, lumaki't ibayong lumaganap na at nakapagtamo ng malalaking tagumpay ang KMP sa sigasig nitong ipaglaban ang mga karapatan at interes ng uring magsasaka, gayundin yaong sa buong sambayanang Pilipino. Tumatayo ngayon ang KMP bilang pinakamalakas at pinakamatatag na organisasyong magsasaka sa buong bansa. Matagumpay nitong itinataguyod at pinatitibay ang kaisahang makauri ng uring magsasaka at ang batayang alyansa nito sa uring manggagawa. Ito ang sentro ng mga kampanyang magsasaka sa buong bansa. Ito ay balwarte ng uring magsasaka laban sa pyudal ang malapyudal na pagsasamantala at pang-aapi at para sa pagkakamit ng reporma sa lupa na siyang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon. Mula 1985, masiglang pinukaw, binuo at pinakilos ng KMP ang masang magsasaka, laluna ang maralita at mababang panggitnang magsasaka, para ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at labanan ang pamamanginoonglupa, ang labis-labis na paupa sa lupa, usura, pagpitpit ng presyo ng produkto ng magsasaka sa bungad-sakahan at karahasan ng militar, pulis at iba pang armadong tauhan ng mga panginoong maylupa. Nakapagtamo ang KMP ng makabuluhan at kongkretong mga tagumpay, tulad ng pamamahagi ng bahagyang kantidad ng lupain, pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas ng pasahod sa mga manggagawang pambukid, pagpapataas ng presyo ng produkto ng magsasaka sa bungad-sakahan, pagpapataas ng produksyong agrikultural at pandagdag hanapbuhay, at pagpapababa ng gastos sa produksyon sa pamamagitan ng simpleng mga porma ng pagtutulungan. Matatag nitong itinataguyod ang pambansang soberaniya ng sambayang Pilipino at ang konserbasyon ng pambansang mana, ang magkatuwang na pagpapatupad ng reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon bilang pangunahing rekisito para sa kaunlaran at ang pagpapalaganap ng makabayan at siyentipikong kultura na nagsisilbi sa sambayanan. Pinangungunahan ng KMP ang masang magsasaka sa pananawagan at pagsusulong ng pambansang kalayaan at demokrasya laban sa dayuhang paghahari at sa mga lokal na reasksyonaryong papet. Tumatampok ito sa paglalantad at paglaban sa mapanalantang mga patakarang imperyalista na tinaguriang globalisasyong "free market/malayang kalakalan" at laban sa terorismong-estado at agresyon na nagpapanggap na "gera laban sa terorismo". Lumalahok ito sa malalaking pakikibaka sa pulitika, na nauuwi sa pagpapatalsik ng mga rehimeng kinamumuhian, tulad ng kay Marcos at Estrada. Ngayon mismo, kalahok muli ito sa pakikibaka para patalsikin ang rehimeng Arroyo. Linabanan at ginapi nito ang mga repormista at paksyon na kumalas sa organisasyon nang mabigo ang kanilang mga tangkang uk-ukin at sirain ito mula sa loob. Sa gayon, napananatili ng KMP ang kanyang integridad para sa interes ng uring magsasaka at napananatiling matatag at malakas ang sarili sa bawat aspeto. Tuluy-tuloy itong nakakapagpalawak at nakakapagpatatag. Ngayon, mayroon itong higit na milyung kasapi sa 64 sangay panlalawigan sa 15 sangay-rehiyonal sa Luson, Bisaya at Mindanao. Napapabantog ito sa buong mundo bunga ng kanyang katatagan at militansya gayundin ng maniningning na tagumpay sa pakikibaka. Natutuwa akong ipinagdiriwang ninyo ang ika-20 anibersaryo para parangalan ang inyong organisasyon at mga lider-magsasaka sa serbisyo nila sa uri at sa buong sambayanan, sa pagtataguyod at pagpapalaganap ng kulturang pambansa, syentipiko at masa, ipublika ang mga akdang magsasaka, tipunin ang lahat ng kaibigan, tagasuporta, alyado, boluntaryo at kagawad mula nang itatag at pasalamatan sila sa kanilang serbisyo at suporta, at parangalan ang mga martir sa pakikibaka para sa reporma sa lupa. Hangad ko ang buong tagumpay ninyo sa pagtupad ng inyong mga layunin sa pagdiriwang. Gayundin ang inyong tagumpay sa paglulunsad ng aklat na naglalaman ng akdang mga tula, kanta, salaysay at akdang biswal ng mga magsasaka at sa programa ng pagtula, pagtatanghal ng awit, tugtugin at sayaw, papapalabas ng pelikula at pagbigkas ng mga piling talumpati Inaasahan ko na kasunod ng inyong pagdiriwang, lalong magiging matatag, malakas at militanteng organisasyon ng masang magsasaka ang KMP, magkakamit ito ng higit na malalaking tagumpay sa pagsusulong ng reporma sa lupa bilang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon at makakagawa ito ng laging papalaking ambag sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismong US at mga lokal na mga uring mapagsamantala na malaking komprador at panginoong maylupa. ###
|
|