BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Pagbati sa League of Filipino Students sa Ika-26 na Anibersaryo Ni Jose Maria Sison Setyembre 11, 2003 Malugod akong nagpapaabot ng militanteng pagbati sa lahat ng lider at kasapi ng League of Filipino Students (LFS) sa okasyon ng ika-26 anibersaryo nito. Lagi akong nakikiisa sa LFS sa programa nitong ipaglaban ang mga pambansa at demokratikong karapatan at interes ng mga mag-aaral at iugnay ang masa ng mag-aaral sa masa ng mga anakpawis at sambayanan sa pakikibaka na isakatuparan ang pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismo, piyudalismo at burukrata kapitalismo. Mayroon kayong maningning na kasaysayan at mayamang karanasan. Ipagbunyi ninyo ang mga tagumpay at humango kayo ng mga aral mula sa mga positibo at negatibong karanasan. Sa gayon, maitatakda nang malinaw ang inyong mga tungkulin at maipagpapatuloy ninyo ang pakikibaka sa mas mataas na antas. Walang tigil ang paglala ng krisis ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo at lokal na naghaharing sistema ng malalaking komprador at asendero. Magkasabay ngayon ang walang pakundangang panghuhuthot sa pamamagitan ng "free market" globalization at terorismo ng estado, mga guerra ng pananalakay at pananakop ng imperyalismong Amerikano. Lalong mapang-api at mapagsamantala ang mga imperalista, mga naghaharing uri at mga bulok na opisyal ng reaksyonaryong gobiyerno. Bininigyan ng prioridad ng reaksiyonaryong gobiyerno ang pangingibabaw at pangangamkam ng korporasyong imperyalista at mga piling malalaking komprador at asendero, ang pagbabayad ng interes ng utang sa dayuhan, ang pangungurakot at bulagsak na gastos-militar. Pataas ang desempleo, pabagsak ang kita ng lahat ng tao at walang humpay ang pagtaas ng presyo ng pagkain. damit at iba pang batayang pangangailangan. Pinagkakaitan ng pampublikong rekurso o kaya’y isinasapribadong-kamay ng mga sakim ang edukasyon, kalusugan, tirahan, transportasyon, elektrisidad at tubig. Lalong nahihirapan at nagigipit ang mga mag-aaral dahil sa kalagayan ng krisis. Subalit narito rin ang pangangailangan at pagkakataon ng LFS para pukawin, organisahin at mobilisahin ang masa ng mga mag-aaral. Hinog na hinog ang kalagayan sa pagbubuo at pagpapalakas ng patriotiko at progresibong kilusan ng mga mag-aaral sa lahat ng kolehiyo at unibersidad. Iminumungkahi kong palawakin ang saklaw ng LFS. Kumilos at mag-organisa sa mga mag-aaral sa mga mataas na paaralan. Mas malaki ang bilang ng mga ito kaysa sa mga mag-aaral sa mga kolehiyo at unibersidad. Kumilos at mag-organisa rin sa mga hanay ng mga kadete ng akademya militar at sa hanay ng mga cadet officers sa labas ng akademya military. Dapat agawin ng LFS ang bawat sandali para magbuo ng mga tsapter at magpatakbo ng mga kurso tungkol sa programa ng LFS at pambansang demokratikong kilusan. Kung lalaganap, lalaki at ibayong sisigla ang LFS at kilusang mag-aaral, makakapag-ambag sila ng sariwa, matalino at magiting na lakas sa kilusang pambansang demokratiko ng sambayanang Pilpino. Dahil sa tindi ng krisis ng naghaharing sistema, namiminto ang malalaking bugso ng kilos protesta laban sa kahirapan ng masa at kalupitan ng kaaway. Mahigpit ang pangangailangang magpakilos ng maraming bilang ng organisadong aktibistang mag-aaral at malawak na masa ng mag-aaral para sumabay sa iba’t ibang uri at sector ng sambayanang Pilipino sa paglaban sa imperyalismo at terorismo ng Estados Unidos at kasalukuyang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo na siyang kumakatawan sa mga local na reaksyonaryong uri. Sa gayon, maisusulong ang pakikibaka upang kamtin ang ganap na pambansang kalayaan at demokrasya. ### |
|