BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Pagpugay Kina Ka Eden Marcellana at Ka Eddie Gumanoy, Kapwa Martir at Bayani ng Sambayanan Nina Julieta de Lima at Jose Maria Sison 25 Abril 2003 Nais naming magpaaboot ng taus-pusong pakikidalamhati sa mga kabiyak sa puso, mga anak, mga magulang, mga kapatid at iba pang kamag-anakan gayundin sa mga kasamahan sa pagkilos at lahat ng kaibigan nina Ka Eden Marcellana at Ka Eddie Gumanoy. Kasama ninyo kami sa papupugay sa kanila bilang mga martir at bayani ng sambayanang Pilipino. Inialay nila ang buong buhay nila sa pakikibaka para umahon ang mga manggagawa at magsasaka mula sa pagsasamantala at pang-aapi ng mga imperyalista at mga alipuris nilang malalaking komprador at asendero. Humahanga kami sa mga tagumpay na nakamit ni Ka Eden sa pagtatanggol ng mga karapatang pantao at pagtataguyod ng makatarungang kapayapaan sa pamamagitan ng paglutas ng mga saligang suliraning panlipunan. Galing siya sa mababang saray ng uring magsasaka sa timog bahagi ng lalawigang Quezon. Dalawang taon lamang ng haiskul ang inabot niya sa pormal na edukasyon. Subalit siya ay nagpakahusay ng kaalaman sa mga karapatang pantao sa pamamagitan ng pag-aaral at puspuspang praktika ng pagtatanggol sa mga karapatan ng mga mamamayan. Humahanga kami sa mga tagumpay na nakamit ni Ka Eddie sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagmobilisa sa mga magsasaka at manggagawang bukid, sa pagtutulak ng tunay at puspusang reporma sa lupa at sa paghahantad ng iba’t ibang paraan ng mga reaksyonaryo para biguin ang hangarin ng mga magbubukid na magkalupa. Sapilitang ibinakwit niya ang pamilya niya mula tinubuang nayon dahil sa pagbabanta ng kaaway. Kahit gipit siya sa paghahanapbuhay at mababa ang kanyang pormal na edukasyon, nakapagpakahusay siya ng kaalaman tungkol sa reporma sa lupa sa pamamagitan ng masugid na pag-aaral at pagkilos para sa kapakanan ng uring magsasaka. Umabot sina Ka Eden at Ka Eddie sa mga napakaresponsableng posisyon sa kanya-kanyang organisasyon dahil sa matatag at militanteng pagtataguyod nila ng pangkalahatang linya ng pambansang demokrasya, dahil sa mapagpakumbaba, walang-pagod at puspusang paninilbihan sa masang Pilipino at dahil sa wala silang takot sa kaaway. Lubhang mabangis ang kaaway sa Mindoro dahil sa may natatanging misyon ang imperyalistang Amerikano at papet nitong rehimeng Arroyo sa mga katulad ni Colonel Palparan na pumatay, mangulimbat at manunog sa ulol na tangkang wasakin ang kilusang rebolusyonaryo. Kami ay lubhang nalulungkot sa malupit na pagpaslang kina Ka Eden at Ka Eddie. Kinitlan sila ng buhay habang sila ay nasa rurok ng kabataan at kasiglahan. Marami na ang naiambag nila at marami pang maiaambag sa pagsulong ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Lubhang nakapagngangalit ang pagpaslang sa kanila na gawa ng mga militar na instrumento ng mang-aapi at magsasamantala. Sa puspusang pagpapalawak ng demokratikong kilusan at pakikibaka sa kaaway lamang natin maipaghihiganti sila at maitataguyod ang katarungan. Ibaling natin ang ating lungkot at galit sa paglalakas-loob at kagitingan. Inspirasyon natin sina Ka Eden at Ka Eddie sa pakikibaka. Hindi matatawaran ang kahalagahan nila bilang mga martir at bayani. Makabuluhan at mabunga ang buhay nila kahit na 31 pa lamang si Ka Eden at 36 si Ka Eddie. Tularan natin ang tatag, sigasig at giting nila. Sa iba’t ibang anyo ng pakikibaka, gawin natin ang lahat ng magagawa para makamit ang katarungan para sa kanila at sa sambayanang Pilipino na ipinaglaban nila. Sa harap ng palubhang krisis at karahasan ng imperialismong Amerikano at papet na rehimeng Arroyo, nararapat lamang na itaas ng mga pwersang rebolusyonaryo at malawak na masa ang antas ng pakikibaka sa ibat ibang anyo. Mahalaga pero hindi makakasapat ang mga legal na pakikibaka sampun ang negosasyon sa kapayapaan para lumaya ang sambayanang Pilipino sa pang-aapi at pagsasamantala. # |
|