PRESS STATEMENTS & INTERVIEWS, 2001 - Present

 
 

Home

About the INPS

Focus on JMS

Important Announcements

Activities & Photos, 2001 - Present

Archival Photos

Press Statements & Interviews, 2001 - Present

Brief Messages & Letters, 2001 - Present

Articles & Speeches, 2001 - Present

Articles & Speeches, 1991 - 2000

Poetry

Display of Books

Bibliography 1991 - 2000

Bibliography 1961 - 1990

Documents of Legal Cases

Defend Sison Campaign

Letters to Jose Maria Sison

Feedbacks

Links

 

 

Panayam Kay Prop. Jose Maria Sison

Ng Pinoy Weekly
11 Disyembre 2006

Prof Joma,

Magandang araw!

Mabilis ang pihit ng sitwasyong pampulitika sa bansa dahil sa isyu ng Cha-Cha. Niratsada ng Kamara ang Con-Ass; hindi naman pinalampas ng taumbayan ang kanilang pakana. Natakot sa ngitngit ng mga mamamayan ang Malakanyang kaya biglang urong sa pagsusulong ng pagpapalit ng konstitusyon.

Tanong: Ano ho ang inyong palagay sa ganitong mga pihit ng sitwasyon?

Sagot: Matagal nang galit ang taumbayan sa rehimen dahil sa masasamang patakaran at kilos nito. Malakas na udyok ang con-ass sa taumbayan para magbalikwas laban sa rehimen. Natakot at napaatras si GMA nang makita niyang tiyak na magkakaroon ng malakihang pagtitipon sa Rizal Park ang nagkakaisang hanay ng mga pwersang oposisyon sa Rizal Park bunga ng panawagan ng CBCP. Gayunman, palubha pa rin ang krisis ng naghaharing sistema. Suklam ang taumbayan sa pagsasamantala at pang-aapi. Pero desididong manatali sa kapangyarihan si GMA sa pamamagitan ng chacha at no-elections o sa pamamagitan ng pandaraya sa Mayo 2007 halalan kung matutuloy ito. Lulubha ang hidwaan ng mga reaksyonaryo. Lalong titindi ang poot ng taumbayan at lalakas ang mga kilos pangmasa sa larangan ng legal na pakikibaka at ng sandatahang pakikibaka.

Tanong: Bakit po bigla ang pag-atras ng Malakanyang sa pagsusulong ng Cha-Cha?

Sagot: Nakita ng Malakanyang ang malaking galit ng taumbayan sa con-ass. Natakot si GMA na nanawagan na ang CBCP ng malakihan at malawakang paglaban sa con-ass. Lalong lumakas ang nagkakaisang hanay. Lalong natulak sa sulok ang pekeng presidente.

Tanong: Ano ho ang inyong pagtingin sa tila lumalaking lamat sa relasyon ng mga miyembro ng gabinete ni Arroyo dahil sa isyu ng Cha-Cha? Noong una nagbitiw si Sec Avelino Cruz dahil mariing niyang binatikos ang mga nagsusulong ng cha-cha at tinawag niya itong "hare-brained idea." Kamakailan naman nagpahiwatig si Sec. Mike Defensor na dapat magkaroon ng "dose of reality" ang mga tagapagtaguyod ng cha-cha. Iniulat pa ng PDI na ang pinatutungkulan ni Defensor ang mga taga-Lakas na sina Sec Ermita, Gabriel Claudio, Sec Raul Gonzalez at Press Secretary Ignacio Bunye.

Sagot: Lubhang nahihiwalay ni GMA sa taumbayan. Malakas ang agos ng pagkamuhi at pagsalungat ng taumbayan sa kanya at ito ay umaapekto at lalong nakakabiyak sa mismong gabinete niya. Mula sa panig ni GMA may matagal nang nakapagpaabot sa NDFP na may kutsabahan sina De Venecia at Ermita para isabotahe ang GRP-NDFP peace negotiations at itulak si GMA na magsagawa ng all-out war policy para masiraan siya sa pagdami ng human rights violations at mapilitan siyang kumapit sa pakanang chacha ni De Venecia. Ang problema lang nina De Venecia at Ermita ay pahamak din kay GMA ang chacha. Mukhang nais ipahiwatig ngayon ni GMA na ang con-ass ay pakana nina De Venecia, Ermita at iba pang tao ng Lakas sa gabinete.

Tanong: May pagtingin na kinakamada ng Kamara sa pangunguna ni JDV ang Cha-Cha dahil nais niyang maging punong ministro at sa proseso tila"hostage" nila si GMA. Ano hong palagay ninyo rito?

Sagot: Labislabis ang pagkahumaling ni De Venecia sa chacha sa hangarin niyang maging prime minister. Sa pamamagitan ng GRP-NDFP peace negotiations, nahalata naming mga nasa panig ng NDFP na ginagawa nina De Venecia, Ermita at Norberto Gonzales na hostage si GMA. Sinabotahe nila ang peace negotiations para mapalaban si GMA nang matindi sa kilusang rebolusyonaryo para lalo siyang pumalpak. Sa gayon, hinila siya nang hinila sa pakanang chacha at sinabi sa kanya na ito ang life saver niya.

Tanong: Ano naman ho ang masasabi ninyo sa pagbubuklod-buklod ng iba't ibang grupo mula sa mga relihiyoso hanggang sa mga sosyo-civico na tumututol sa Cha-Cha? Ano hong maibabahagi ninyong payo upang mapalawak at mapalakas ang kanilang hanay?

Sagot: Matagal nang umasa ang mga naunang pwersa sa nagkakaisang hanay laban kay GMA na lalong lalawak at lalakas ang hanay kung aktibong lumahok ang CBCP. Ngayong ipinananawagan na ng CBCP ang pagkilos ng taumbayan, mahihirapan ang rehimen na gumawa ng mga panggigipit at panunupil sa mga aksiyong pangmasa para itakwil ang rehimen. Lalong humusay ang kalakagayan at mga pagkakataon para isulong ang kilusan para patalsikin ang rehimeng Arroyo.

Tanong: Sa paglawak ng disgusto ng mga mamamayan kay GMA, magtagal pa kaya siya sa puwesto?

Sagot: Mas madali na sana siyang ibalibag kung hindi umatras sa con-ass. Pero sa mga susunod na buwan, lalong manghihina ang rehimeng Arroyo dahil sa paglala ng krisis sa ekonomiya, korupsiyon, pagsunod sa utos ng mga imperyalista at pagdami ng paglabag mga military at pulis sa mga karapatang tao. At kung mandaraya muli si GMA sa Mayo 2007, kung matutuloy ang eleksyon, tiyak na mapapatatalsik siya kaagad ng kilusang masa mula sa kapangyarihan.

Tanong: Ano hong palagay ninyo ang magiging puwesto ng Estados Unidos sa isyu ng Cha-Cha?

Sagot: Gusto ng Estados Unidos na magka-chacha dahil may mga gusto itong mabago sa 1987 konsitusyon para sa sarili niyang interes. Ilinahad ko na sa ilang pahayag kung ano ang mga susog sa gusto ng mga Kano, gaya ng pagsikil sa karapatang sibil, pagbigay ng "national treatment" sa imperyalistang kapital at pagpapanumbalik ng mga base militar. Pero kung hindi kaya ng rehimeng Arroyo na ilusot ang chacha, okay pa rin sa Estados Unidos dahil lagi naman nitong nakukuha ang gusto mula sa rehimen sa pamamagitan ng mga kasunduang ehekutibo at lehislasyon. Napapasunod ng Estados Unidos ang rehimen sa "free market globalization" at "war on terror" na sa katotohanan ay US war of terror.

Ito lang po muna at malaya po kayang magdagdag ng iba pang bagay na hindi ko natanong.

Sagot: Nanawagan ako sa lahat na ng ating kababayan at mga organisadong pwersa na makayaban at progresibo na ibayong maging matatag at militante sa paglaban sa rehimeng US-Arroyo para isulong ang pambansang kalayaan at mga demokratikong layunin ng sambayanang Pilpino.###


return to top

back



what's new