BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Parangal kay Propesor Edberto Villegas Ni Joma at Julie SisonMay 5, 2005 Maalab na makabayang pagbati kay Prop. Edberto Villegas, sa mga pinuno at kasapian ng All-UP Workers' Union at All-UP Academic Employees Union at sa mga panauhin! Maligayang kaarawan sa iyo Ed! Pati sa kaarawan kaparehas mo si Karl Marx. Ang Mayo 5 na kaarawan ni Marx sa Alemanya ay katumbas ng Mayo 6 na kaarawan mo sa Pilipinas. Mayo 5 pa lang sa Alemanya, Mayo 6 na sa Pilipinas. Ang laki ng tuwa namin nang umabot sa amin ang balita na magreretiro ka na mula sa UP sa edad na 65. Naisip namin agad na puede ka nang kargahan ng mas marami pang trabaho. Ibig sabihin wala ka pa ring pahinga. Sa palagay namin, mas marami ka nang panahon para gampanan ang trabaho mo bilang consultant ng reciprocal working committee on social and economic reforms ng NDFP sa pakikipagnegosasyon nito sa GRP. Isa lang ito sa maraming trabaho mo. Dapat bigyan ka ng babala na madaling maging ulianin ang tao na maniwala sa nosyon na ang pagretiro ay pamamahinga at pagbabawas ng ugnay sa masa. Peligroso ang manguyakoy at maglamyerda na lamang. Ayon sa mga medical researchers, mas madaling tamaan ng Alzheimer ang matatandang nagpuputol ng ugnayan sa maraming tao. Bago namin makilala si Ed, madalas namin siyang makita na mag-isa sa UP Diliman campus. Kapag suot niya ang kanyang ray ban mukha siyang naligaw na artista. Natatandaan naming mas marami pa ang buhok niya noon kaysa ngayon. May mga nagsasabi noon na mahilig siya magsuot ng rayban dahil ayaw niyang mahalatang nagmamanman sa mga ahente ng CIA. O di naman kaya ng mga mutya? Kapag tinanggal naman niya ang ray ban, lalo pa siyang nagmumukhang loner o palaisip. Nang makilala na namin siya, talaga nga palang palaisip siya. Kasalukuyan niya noong pinag-aaralan at pinagkukumpara ang mga akda nina Marx, Engels, Hegel at Heidegger. Maswerte kami't nakakatalakayan siya. Kung minsan mahirap maintindihan ang sinasabi nitong si Ed dahil umaapaw siya sa philosophical terms at waring humahabol sa mabilis na takbo ng kanyang isipan. Pero nakakatulong naman sa pagpapaliwanag niya ang wasiwas at ikot ng kanyang mga kamay. Huwag nating ipalagay na si Ed ay lutang o alapaap dahil sa hilig niya sa philosophy. Nakatuntong yan sa lupa. Noon pa man din pinag-aaralan na niya ang kasaysayan at sirkunstansiya ng sambayanang Pilipino. At pinakamahalaga, lumalahok siya sa mga pulong, pakikipag-ugnayan sa ibat ibang pwersa at sa mga kilos pangmasa. Dahil sa marunong siya sa martial arts, maasahan siya sa pagdepensa o sa pukpukan. Subok na Kabataang Makabayan at proletaryong rebolusyonaryo si Ed. Marami nang tagumpay ang inani ni Ed sa pananaliksik at pagsusulat, tungkol sa napakaraming paksa sa pulitika, ekonomiya at iba pang larangan. Nakapagsulat pa siya ng nobela. Napakahaba ang kanyang bibliography. Ang pinakamahalaga sa kanyang mga akda ay yaong mga linapatan niya ng Marxista-Leninisting paninindigan, punto de bista at pamamaraan at isinusulong ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo sa pamumuno ng uring manggagawa. Sa anumang kalagayan at gawain maasahan natin si Ed sa usapin ng pagtahak sa tamang linya. Tulad sa mga nakaraang pagkakataon sa matagal naming pagkakakilala sa kanya, napansin namin na mapagmatyag siya sa tamang linya ng NDFP sa GRP-NDFP peace negotiations. Lagi niyang tinitingnan ang ugnayan ng mga taktika sa estratehiya. Sikapin man natin ngayon na ilahad ang lahat ng mahusay na katangian, pagsisikap at mga tagumpay ni Ed, hindi natin ito makakayanan sa ilang dahilan. Una, kulang tayo sa panahon. Ikalawa, ayaw natin na parang gumagawa na tayo ng pinal na paglalagom kay Ed. Hindi angkop na gawin ang ganito. Malayo pa ang tatakbuhin at aabutin ni Ed. Matatag at masigla siya. Marami pa siyang gawaing gagampanan at mga tagumpay na kakamtin. Siya mismo parang isang obra maestra na nasa proseso pa ng paglikha at pagganap. Saludo sa iyo at mabuhay ka, Ka Ed! Ibayong kumilos parasa bagong demokratikong rebolusyon! Mabuhay ang proletaryado at sambayanang Pilipino!
|
|