|
Mensahe sa Pyesta sa Edukasyon ng NCR
Ni Jose Maria Sison
Chairman, International Network for Philippine Studies
Chairperson International League of Peoples' Struggle
17 Marso 2007
Mga kasama at mga kaibigan,
Maalab na pagbati sa inyong lahat!
Maraming salamat sa paanyaya ng NCR sa akin na magsalita sa inyong pyesta
sa edukasyon. Nagagalak ako na matagumpay ang paghahanda at pagdaraos
ng Instructors Training and Workshop sa pamamahala ng Eiler at Anakpawis.
Nakakatuwa na maraming instruktor at puno sa edukasyon ng ibat ibang
organisasyon at sektor ang kalahok sa pagtitipong ito para mag-aral,
magsanay at makipagtalakayan. Alam kong mahuhusay ang mga taga-Eiler
na naatasang magpatakbo sa forum at workshop.
Layunin ng aktibidad na ito na bigyan ang mga delegado ng angkop na
kaalaman at kasanayan sa pagpapatakbo ng malakihan at mabisang kilusan
sa edukasyon sa antas ng batayang masa kaugnay ng kasalukuyang
kalagayan sa ekonomya at pulitika.
Mataas ang aking tiwala na matutupad ang layunin kapwa ng mga taga
Eiler at mga delegado. May kakakayahan at karanasan sa edukasyon ang
magkabila at mataas ang kapasyahan nilang mapataas ang antas ng
kanilang kaalaman at kasanayan.
Hiniling sa akin na magbigay ng kuro-kuro tungkol sa kahalagahan ng
edukasyon sa gitna ng palubhang kalagayan ng pulitika at ekonomya
ng Pilipinas. May mga tanong pang ipinauna sa akin para sagutin.
Mahalaga ang edukasyon dahil ito ang nagbibigay liwanag sa nakaraan,
kasalukuyan at hinaharap ng umiiral na kalagayan at mga pwersang
nagtutunggali sa ating lipunan. Edukasyon ang mabilis na paraan para
malaman natin ang mga problema at posibleng solusyon nito. Ito rin ang
nagtuturo kung ano ang dapat maging tunguhin ng ating pagkilos para
sa kabutihan ng sambayanang Pilpino.
Problematiko ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng ating
lipunan. Lalong nabulok ang naghaharing sistema ng mga malalaking
komprador at panginoong maylupa dahil sa pagsunod ng rehimeng
Arroyo sa mga patakarang diktado ng imperyalismong Amerikano, ang
"neololiberal globalization" at "global war on terror".
Solusyon ay pambansang demokratikong rebolusyon sa pamumuno
ng uring manggagawa sa kasalukuyang panahon ng imperyalismo at
proletaryong rebolusyon sa sandaigdigan. Hangarin ng nagdurusang
sambayanang Pilipino na kamtin ang pambansa at panlipunang kalayaan
mula sa pang-aapi at pagsasamantala ng mga imperyalista at mga lokal
na nagsasamantalang uri.
Matutupad lamang ang ganitong hangarin kung mapapataas ang antas
ng rebolusyonaryong kamalayan at militansya ng mga inaapi at
pinagsasamantalahang mga manggagawa, magsasaka, kababaihan,
kabataan at iba pang bahagi ng lipunan.
Laging ipinanawagan natin na pukawin, organisahin at pakilusin ang
masa. Pansinin na nasa unang lugar ang pagpukaw. Ito ay sa dahilang
kailangan ang edukasyon at propaganda, bago maging makatuturan at
mabisa ang pag-organisa at pagmobilisa.
Hindi pwedeng mangyari ang malakihan at pundamental na pagbabago
tulad ng rebolusyon o kahit na lamang mga batayang reporma kung
walang malawakang kilusan sa edukasyon sa hanay ng masang Pilipino.
Isang pangangailangan na mag-umpisa sa gawaing edukasyon sa pag-aaral
at pagsasanay ng mangilan-ilang guro at mag-aaral. Subalit kung rebolusyon
ang layunin, kinakailangan ang malawakang kilusan sa edukasyon sa hanay
ng masa.
Nagiging mabisa at material na pwersa ang mga ideyang rebolusyonaryo
at ang pangkalahatang linya ng pambansa demokratikong rebolusyon
tanging kapag ito ay naipapalaganap sa masang Pilpino at nasasapol nila
para isagawa.
Sa gayon, naililinaw kung ano ang katangian ng lipunan at rebolusyon,
sinu-sino ang mga kaibigan at kaaway, ano ang mga tungkulin sa
kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino at ano ang hinaharap.
Sa kilusang edukasyon, mahalaga ang linyang pangmasa, mula sa masa
tungo sa masa. Huwag tayong magpakasapat o maging mapagmataas
na may kaalaman tayong hango sa mga libro. Dapat marunong tayong
matuto sa masa tungkol sa kanilang kongkretong kalagayan, mga
hinanaing at pangangailangan.
Sa gayon, makikita natin kung tama ba o mali ang mga nababasa natin
sa libro, kung paano natin mapapayaman ang naipon nating kaalaman,
kung paano mapapadali ang pakikipag-unawaan sa masa at kung paano
mapapabilis ang paglaganap ng programa ng rebolusyon sa mga salita
at pamamaraang katanggap-tanggap ng masa.
Sa aking karanasan sa edukasyon, nagbasa at nag-aral ako sa mga libro.
Subalit gaano man ang katumpakan nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at
Mao sa ibat ibang paksa, lagi kong iniisip kung paano ilalapat ang mga
ideya sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas at lagi ko ring iniisip kung
paano ako matututo sa masa sa pamamagitan ng panlipunang
pagsisiyasat at mga talakayan sa mga kurso o sa karaniwang usapan.
Nais nating lagi na maging buhay at tumpak ang ating kaalaman sa
pamamagitan ng pag-aaral mula sa masa. Sa gayon, hindi lamang
napapayaman ang nilalaman ng kaalaman kundi napapahusay ang
estilo ng pagpapalaganap ng mga ideya at islogan na dapat lumaganap
sa masa.
Payo ko ngayon sa mga instruktor na kapag nagpapatakbo kayo ng
mga kurso, gawin natin itong pagkakataon para matuto mula sa mga
estudyante. Mas madaling matuto ang mga estudyante kapag dama
nilang kapantay nila ang guro sa walang patlang na pag-aaral sa isa't isa.
Natural lamang na sa isang silid-aralan may lamang ang instructor sa
estudyante sa puntong una siyang may naipon na kaalaman sa paksa
sa pamamagitan ng libro, pagsasanay at pagsapol sa kurikulum at
syllabus. Subalit hindi natin ginagamit ang kalamangan nating ito
bilang panggulat o panakot sa mga estudyante.
Lagi rin nating sinasadya naman na mapagaan at mapadali ang pag-unawa
sa mga paksa ng mga nag-aaral. May mga maikling kurso para mabilis na
mabigyan ng simula o pundasyon ang mga mag-aaral para sa inaasahang
patuloy na pagbabasa at pag-aaral sa mga yunit nila. Mayroong
pangkalahatang kurso at mayroon ding espesyal na kurso para sa
ibat ibang uri at sektor.
Mainam na may mga pinasimpleng babasahin at mga pantulong na
biswal at audio-biswal, laluna sa mga kurso na ang mga mag-aaral ay
mga manggagawa at magsasaka na hindi mataas ang pormal na
edukasyon. Pwede rin nating gamitin ang mga kultural na obra at
pagtatanghal (awit, tula, pintura, drama, sayaw, atbp.) para gawing
mabilis at kasiya-siya ang paggagap o pag-unawa sa mga paksa.
Nabanggit ko na sa pangkalahatan ay dapat tayong matuto sa masa
tungkol sa kanilang kalagayan, mga pangangailangan at kahilingan para
mapayaman ang ating pag-aaral hanggang sa pagbubuo ng mabibisang
kurso at tamang patakaran. Mayroon ding maiinit na isyu na nakakaudyok
sa pag-iisip, pag-aaral at talakayan ng lahat. Halimbawa, ang mga isyu
ng kasalukuyang reakyonaryong eleksyon, Anti-Terror Law at Oplan
Bantay Laya 2.
Dapat ilakip ang mga ganitong isyu sa mga pag-aaral dahil kaugnay sa
paksa at mahalaga sa takbo ng kalagayan at pagkilos ng sambayanang
Pilipino. Nag-aaral nga tayo lahat para maging lalong mulat tayo sa mga
problema ng bayan at sa mga solusyon na bunga ng ating pagkilos sa
linya ng pambansang demokratikong rebolusyon.
Kitang-kita na gumagamit ng pera ng bayan at terorismo ng estado ang
rehimeng Arroyo para manaig sa eleksyon ng 2007. Tiyak na mandaraya
muli si Arroyo dahil sa takot niyang ma-impeach at ma-convict. Kapag
ganito ang mangyayari, tiyak na lalong magagalit at aalsa ang sambayanang
Pilipino. Pero matapos ang eleksyon, gagamitin ng pekeng presidente
ang Anti-Terror Law para supilin ang lahat ng kalaban niya.
Lalong magiging madugo ang Oplan Bantay Laya 2. Lalong darami ang
papaslangin, dudukutin at pahihirapan ng mga alipuris ni Arroyo na militar
at pulis. Lalong lalaban ang sambayanang Pilipino. Hindi mapipigil ng
rehimen ang lahat ng anyo ng pakikibaka. Darami ang sasama sa mga
rebolusyonaryong pwersa para tapusin ang rehimen at sa kalaunan ang
buong malakolonyal at malapyudal na sistema.
Sa kasalukuyang kalagayan, mahalaga at mapagpasiya ang papel ng
mga instruktor. Ang rebolusyonaryong edukasyon at propaganda ang
magpapatatag at pagpapasigla sa isip at damdamin ng mga mamamayan
sa iba't ibang uri at sektor upang lumaban sa kaaway. Ito ang magpapabilis
sa organisasyon at mobilisasyon ng masa, Ito ang magbibigay ng liwanag
sa linya ng pagsulong hanggang maibagsak ang kaaway at maipagwagi
nang ganap ang pambansang demokratikong rebolusyon. ###
|
|