BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Pahayag ng Pakikiisa sa Ika-18 Anibersaryo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ni Prop. Jose Ma. Sison Nais kong ipaabot ang aking pinakamarubdob at pinakamilitanteng pakikiisa sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa pagdiriwang ng ika-18 anibersaryo nito. Nakikiisa ako sa sambayanang Pilipino sa pagbati at pagpugay sa KMP sa pagsusulong ng pakikibaka ng masang magbubukid sapul nang ito'y itatag. Ipagdiwang natin ang natamong mga tagumpay ng KMP sa nakaraang labingwalong taon. Nagsisilbing tuntungan ang mga ito para sa ibayong mga pagsisikap sa hinaharap, at nakakapagbigay ng kumpiyansa at inspirasyon para sa ibayong pagsulong. Sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw at tumpak na paglalagom sa nakaraang praktika, higit ninyong napahihigpit ang paggagap sa mga tungkulin at mga taktika sa ligal na demokratikong pakikibaka na masang magbubukid at sa papel at ugnayan nito sa kabuuang pakikibaka para sa pambansang demokrasya. Nakikiisa ako sa napili ninyong tema, "Ibayong Magpursigi sa Pakikibaka para sa Lupa, Karapatan at Tunay na Kalayaan". Tumpak nitong naipapahayag ang nagpapatuloy na paninindigan ng KMP at ang pagkilala nito sa mahigpit na tungkuling ibayong isulong ang pakikibaka ng masang magbubukid, punuan ang mga kakulangan at pangibabawan ang lahat ng balakid at kahirapan. Napakalaki ng pangangailangan at napakainam ng kalagayan para pukawin, organisahin at pakilusin ang masang magbubukid sa pambansa-demokratikoong pakikibakang ang pangunahing nilalaman ay ang pagwasak at pagpawi sa pyudal na kapangyarihan ng malalaking komprador at panginoong maylupa at sa amo nitong imperyalismong US. Kapwa sa pangdaigdig at pambansang saklaw, itinutulak ng mga imperyalista at ng mga lokal na naghaharing uri ang mga patakaran sa ekonomya, pulitika, kultura at militar na lalong nagpapatindi sa pang-aapi at pagsasamantala sa masang sambayanan, laluna sa masang magsasaka. Habang lalong nasasadlak sa papalubhang krisis ang imperyalismong US at ang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo, lalo silang nagiging desperado, mapang-api at mapagsamantala. Higit silang gumagamit ng dahas at pasismo para mapanatili sa kapangyarihan. Higit namang natutulak ang masang api at pinagsasamantalahan sa pagtutol at paglaban, hanggang sa paglahok sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Matapos ang ilegal at imoral na paglusob at pananakop sa Iraq sa kabila ng malawak na protesta ng milyun-milyong mamamayan sa buong daigdig, lalong namamayagpag ang US at iwinawasiwas ang kapangyarihang pang-ekonomya at militar para pasunurin ang buong mundo, pati na ang mga karibal na imperyalistang kapangyarihan, sa kanyang kagustuhan at interes. Walang habas na pinapalakas ng US ang posturang militar nito sa mundo sa likod ng kunwa'y "giyera laban sa terorismo" samantalang nambabraso at nanunuhol ito para gawing inutil ang International Criminal Court (ICC) sa imbing layuning ilibre ang mga tropa at tauhan ng US sa pag-uusig para sa paglabag sa mga karapatang-tao. Sa gagawing pulong ng WTO sa Cancun, Mexico itong darating na Setyembre, tiyak ding mambabraso ang US para maipataw ang mga "kasunduan" na pabor sa kanya. Tumpak at mahusay na inilalantad at binabaka ng KMP ang "WTO Agreement on Agriculture" na magbabaklas sa taripa at higit pang magbabaha ng lubhang murang produktong agrikultural sa mga atrasadong bayan tulad ng Pilipinas mula sa mga industriyalisadong bayan tulad sa US at Europa kung saan nanatili ang matataas na subsidyo sa agrikultura. Ganap na walang kahihiyan sa pagkapapet, lubos na sunud-sunuran si Macapagal-Arroyo sa dikta ng among imperyalistang US, laluna kaugnay sa diumanong "gyera laban sa terorismo" at sa mga mapandambong na patakarang pang-ekonomya. Laluna't nalalapit na ang halalang presidensyal sa 2004, tumitindi ang girian at gitgitan sa pagitan ng kampong Arroyo at ang karibal na mga paksyon ng naghaharing uri tulad nina Danding Cojuangco. Pero ang malawak na masa, laluna ang masang magbubukid, ang pumapasan sa pinakamabibigat na pahirap, pagbagsak sa kabuhayan at paglabag sa kanilang mga karapatang-tao bunga ng pagkatuta at pagkapasista ni Arroyo. Kasabay ng iba pang demokratiko't patriyotikong samahan, dapat pag-ibayuhin ang pagbaka sa mga pakana ng rehimeng US-Arroyo na lalong makapanghimasok at makapandambong ang imperyalismong US sa Pilipinas. Dapat bakahin at biguin ang planong "Cha-cha" o pag-amyenda sa reaksyunaryong Konstitusyon para (1) alisin ang mga probisyong umaayon sa Miranda doctrine at mga limitasyon sa pagpataw sa batas militar alinsunod sa USA Patriot Act at sa "gyera laban sa terorismo", (2) payagan ang dayuhang interes na libreng makapasok at dambungin ang ekonomya at patrimonya ng bansa at yurakan ang ating soberanya, (3) tanggalin ang mga restriksyon sa pagpapanatili ng mga tropa at baseng militar ng US at pag-iimbak ng mga sandatang nuclear, kemikal at biolohikal at iba pang "weapons of mass destruction" sa Pilipinas. Hindi pa man naaamyendahan ang reaksyunaryong konstitusyon, lantakan na ang pakikikutsaba ng gobyernong Arroyo sa US sa paglabag nito para sa mga nasabing layunin. Hindi pa man naipapasa ng reaksyunaryong Kongreso ang pasistang "Anti-Terrorism Act" alinsunod sa utos ng US na kopyahin ang USA Patriot Act, lantaran at walang-takot sa pag-uusig o parusa (with impunity) na sinasalakay ng mga pasistang tropa at mga maton ng rehimen ang mga lider-masa. Matingkad na mga halimbawa ang pagpatay kina Ka Eden ng KARAPATAN at Ka Eddie ng KASAMA-TK sa Mindoro nitong Abril, ang tangkang pagpatay sa mga liger-magsasaka ng CAGUIMUNGAN sa Cagayan nitong Hulyo 1, at ang pagpaslang sa marami pang organisador at aktibista ng Bayan Muna, Bayan at Karapatan mula nang mailuklok sa poder si Gng. Arroyo. Nararapat din ang paglantad at pagbaka ng KMP sa CARP, at sa "corporative scheme" ni Cojuangco bilang mga huwad na reporma sa lupa at bilang mga sangkap ng kontra-rebolusyonaryong programa ng reaksyunaryong estado. Pinapakita ng DAR-DILG-DND circular No. 5 ang pagtutulungan ng mga ahensyang ito sa pagtutulak ng CARP ayon sa interes ng malalaking panginoong maylupa at alinsunod sa "lahatang panig" na programang "kontra-insurhensya", samantalang pinagpupostura ang mga pasistang galamay ng estado bilang mga "tagapagtaguyod" ng interes ng masang magbubukid. Tiyak na tatangkain ni Gng Arroyo na higit pang makapanlinlang sa gagawin niyang "State of the Nation Address" ilang araw matapos ang pagdiriwang ninyong ito. Napapanahon kung gayon na gamitin ninyo ang pagkakataong ito para pag-ibayuhin ang kapasyahang ilantad at bakahin ang panlililinlang, katiwalian, pagkapasista at pagkapapet ni Arroyo, ipanawagan ang pagpapatalsik sa kanya sa poder (kabilang ang pagbigo sa anumang plano niyang manatili sa poder sa halalan o Cha-cha). Umaasa akong magiging matagumpay at makabuluhan ang pagdiriwang ninyo sa araw na ito. IBAYONG MAGPURSIGI SA PAKIKIBAKA PARA SA LUPA, KARAPATAN AT TUNAY NA KALAYAAN! MABUHAY ANG KILUSANG MAGBUBUKID NG PILIPINAS! MABUHAY ANG MASANG MAGBUBUKID! MABUHAY ANG PAMBANSA-DEMOKRATIKONG REBOLUSYON! MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO! |
|