|
PAKIKIRAMAY AT PARANGAL KAY KA DAN
Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo, International Coordinating Committee
International League of Peoples' Struggle
27 Hunyo 2008
Taos-pusong nakikiramay ang buong International League of Peoples' Struggle
sa pamilya at sa malalapit na kasama ni Ka Dan Vizmanos sa pakikibaka. Tulad
ng ginawa natin sa nakaraang buwan, pagkakataon natin muli na ipagbunyi
ang mga mahalagang ambag ni Ka Dan sa kilusan ng sambayanang Pilipino
para sa pambansang kasarinlan at demokrasya. Mapulang saludo sa iyo, Ka
Dan!
Laging minamahalaga ng kilusan ang kanyang mga pagkilos, ideya at payo.
Sa kanyang pagpanaw, mananatili ang kanyang inspirasyon sa atin. Napakalaki
ang paghanga ng buong kilusan sa kanya nang labanan niya ang panunupil ng
pasistang diktadura ni Marcos sa sambayanang Pilipino. Kaugnay nito, ikinulong
at pinahirapan siya ng imbing rehimen..
Una kaming magkita ni Ka Dan kaugnay ng pagtatatag ng Partido ng Bayan
noong 1986. Sa aming usapan, pumayag siyang magbuo ng grupo ng mga
opisyal ng reaksyonaryong hukbo para himukin ang mas marami pa sa panig
ng inaapi at pinagsasamantalahan at sa makabayan at progresibong landas.
Naging tampok ang kanyang mga sulating sumasalungat sa reaksyonaryong
sistema at ang kanyang pagkilos bilang opisyal ng BAYAN, SELDA, Partido
ng Bayan at iba pang pormasyon.
Maalam at magiting si Ka Dan sa pagtatuguyod sa mga karapatan at interes
ng sambayanang Pilipino laban sa mga imperyalista at lokal na reaksyonaryo.
Subalit sa kanyang diwa at estilo ng pagkilos lagi siyang mapagpakumbaba sa
paglilingkod sa masa at sa pakikipagtulungan sa mga kasama, kahit na napakataas
ng mga posisyong kanyang inabot sa mga organisasyong kanyang kinilusan.
Ilang ulit na nakapunta si Ka Dan sa Olanda. Tuwi naming siyang makasama sa
mga pormal at impormal na pagtitipon, laging nakalulugod at mabunga ang
aming mga talakayan tungkol sa kalagayan ng inangbayan at mga tungkulin
para isulong ang kilusan ng sambayanang Pilipino para sa pambansang pagpapalaya
at demokrasya.
Maipagmamalaki namin at ng lahat ng kababayan na si Ka Dan Vizmanos ay isang
dakilang bayani at tunay na kawal ng bayan. Wagas ang kanyang hangaring makamit
ng sambayanang Pilipino ang pambansang kasarinlan, demokrasya, hustisya sosyal,
lahatang panig na pag-unlad at matibay dahil makatarungang kapayapaan. Laging
buhay si Ka Dan sa ating diwa at puso. Ipagpapatuloy natin at ng mga kasunod
na salinglahi ang kanyang pakikibaka. ###
|
|