BRIEF MESSAGES & LETTERS, 2001 - Present |
|
Mensahe ng Pasasalamat sa Kalibre 45 Mayo 25, 2004 Ni Ka Jose Maria Sison Ako ay malugod na bumabati at lubos na nagpapasalamat sa lahat ng mga organisasyon at indibidwal sa naunang pagtatanghal at muling pagtatanghal ng Kalibre 45. Binabati ko rin ang mga panauhing pandangal at mga nanonood sa gabing ito. Ang tagumpay ng Kalibre 45 ay nagpapatunay kung gaano kahalaga ang pangkulturang gawain sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino. Sa pamamagitan ng inyong mga kanta, tula at sayaw at video film, inyong nabaybay hindi lamang ang aking buhay sa larangan ng ideolohiya, politika at organisasyon kundi ang maningning na kasaysayan ng ating pambansang demokratikong kilusan. Ang Kalibre 45 ay nagpapatunay na ang pangkulturang pangtatanghal ay dapat hindi lamang magsilbing intermission sa mga kumperensya at forums kundi maaari ring maging siya mismo ang pangunahing laman ng programa at prinsipal na tuon ng pansin sa entablado. Ang pangkulturang gawain ay mahalaga at mapagpasiyang bahagi ng pagmumulat at pagpapakilos sa ating mamamayan. Pinadadali at pinagagaan ng kultural na pagtatanghal ang pagtanggap ng masa sa rebolusyonaryong mensahe kapag ang mga ito’y sumasalamin sa kalagayan at pakikibaka nila. Nagbibigay ito ng inspirasyon upang higit na maging matatag at militante ang ating pagkilos. Sa katunayan dahil sa tagumpay ng Kalibre 45, magdaraos din ang ating mga kababayan at kaibigan ng mga programang pangkultura sa Hong Kong, Netherlands, Belgium, US at iba pang lugar sa daigdig.. Karapat-dapat na itanghal natin ang mas maraming programang pangkultura. Napakayaman sa kasaysayan ng ating pakikibaka. Napakayaman din ito sa buhay ng ating mga martir at bayani. Ang kanilang mga kasaysayan ay malalim na balon ng mga tema at sangkap ng mga obrang pangkultura na itatanghal. Sinasalamin ng gawaing pangkultura ang rebolusyonaryong kasaysayan natin at ang kasalukuyang takbo ng pakikibaka para sa pamabansang kalayaan at demokrasya. Maningning na bahagi siya ng pakikibaka at nagbibigay-liwanag sa landas ng pakikibaka. Muli, maraming salamat sa inyong pagpupunyagi upang maitanghal ang Kalibre 45.###
|
|